Pumunta sa nilalaman

Si Brother Vladimir Alushkin bago siya arestuhin at ibilanggo

NOBYEMBRE 13, 2019
RUSSIA

Nanawagan ang UN na Palayain ng Russia si Brother Alushkin

Nanawagan ang UN na Palayain ng Russia si Brother Alushkin

Naglabas ang United Nations (UN) Working Group on Arbitrary Detention (WGAD) ng isang 12-pahinang report, kung saan kinondena nito ang Russia sa ilegal na pag-aresto at pagditine kay Brother Vladimir Alushkin. Nanawagan ang UN na palayain ng Russia si Brother Alushkin at bayaran siya ng kaukulang danyos dahil sa pagkakait sa kaniyang karapatan.

Inaresto si Brother Alushkin noong Hulyo 15, 2018 matapos pasukin ng halos sandosenang nakamaskarang pulis na may mga assault rifle ang bahay niya. Halos apat na oras na hinalughog ng mga pulis ang bahay, at kinumpiska nila ang mga cellphone, gadyet, Bibliya, at iba pang literatura bago nila dalhin sa presinto si Brother Alushkin para sa interogasyon.

Si Brother Vladimir Alushkin sa Pervomayskiy District Court sa Penza noong Enero 2019

Matapos iditine ng lokal na mga awtoridad nang dalawang araw, iniutos ng Pervomayskiy District Court sa Penza na ilipat si Brother Alushkin sa isang pretrial detention center para mabilanggo nang dalawang buwan. Dalawang beses na pinahaba ng korte ang pagbilanggo kay Brother Alushkin bago ang paglilitis. Matapos ang halos anim na buwan sa bilangguan, inilagay naman si Brother Alushkin sa house arrest, at kasalukuyan pa rin siyang nasa ganitong restriksiyon.

Nagsumite ng apela si Brother Alushkin sa WGAD para hilingin na pawalang-sala siya at palayain. Ang grupong ito ng mga eksperto sa karapatang pantao, na nasa pangangasiwa ng UN Human Rights Council, ang humahawak sa mga apela ng mga indibidwal laban sa ilegal na pagditine ng mga pulis o di-makatarungang hatol ng korte na house arrest o pagbilanggo, ito man ay bago o pagkatapos malitis.

Pagkatapos pag-aralan ang akusasyon ng Russia na sangkot si Brother Alushkin sa ekstremistang gawain, sinabi ng WGAD: “Puro mapayapang pakikipag-usap lang tungkol sa relihiyon ang ginawa ni Mr. Alushkin. Malinaw sa Working Group na ginamit lang ni Mr. Alushkin ang karapatan niya sa relihiyon batay sa article 18 ng Covenant [International Covenant on Civil and Political Rights, kung saan kabilang ang Russia].” Kaya sinabi sa report na “gustong idiin ng Working Group na hindi dapat inaresto o ibinilanggo bago litisin si Mr. Alushkin, at hindi siya dapat litisin.” Nanawagan din ang WGAD sa gobyerno ng Russia na “bigyan agad ng solusyon ang kalagayan ni Mr. Alushkin” at sinabing “ang nararapat na solusyon ay palayain agad si Mr. Alushkin.”

Binanggit din ng WGAD na hindi lang si Brother Alushkin ang may ganitong kalagayan sa Russia. Siya ay “isa lang sa parami nang paraming Saksi ni Jehova sa Russian Federation na inaresto, idinitine, at sinampahan ng kasong kriminal dahil lang sa paggamit ng kanilang karapatan sa relihiyon”—isang karapatan na pinoprotektahan ng internasyonal na batas. Kaya para ipakitang kinokondena nila ang pang-uusig sa mga kapatid natin sa Russia, direktang sinabi ng WGAD na ang kanilang rekomendasyon ay hindi lang para kay Brother Alushkin kundi para sa lahat ng Saksi ni Jehova “na nasa sitwasyong kagaya ng kay Mr. Alushkin.”

Hindi pa sinusunod ng gobyerno ng Russia ang rekomendasyon ng WGAD. Sa halip, sinimulan na ng mga awtoridad sa Penza ang paglilitis kay Brother Alushkin noong Agosto 2019. Ipagpapatuloy ang pagdinig sa Nobyembre 15, 19, at 22, 2019.

Umaasa tayong isasaalang-alang ng korte sa Russia ang report ng WGAD sa ibababa nitong hatol sa kaso ni Brother Alushkin, pero gaya ng salmista, kay Jehova tayo lubusang nagtitiwala: “Hindi ako matatakot. . . . Si Jehova ay kakampi ko at katulong . . . Mas mabuting manganlong kay Jehova.”—Awit 118:6-9.