ABRIL 28, 2021
RUSSIA
Napalakas si Brother Anton Ostapenko ng Panalangin at Pagkanta ng mga Kingdom Song Habang Nakakulong Bago Litisin
UPDATE | Korte sa Russia, Hinatulang Nagkasala si Brother Ostapenko
Noong Oktubre 25, 2021, hinatulan ng Sharypovo City Court of the Krasnoyarsk Territory si Brother Anton Ostapenko ng suspended prison sentence na anim na taon at tatlong buwan. Hindi siya kailangang mabilanggo sa ngayon.
Profile
Anton Ostapenko
Ipinanganak: 1991 (Ekibastuz, Kazakhstan)
Maikling Impormasyon: Nagtatrabaho bilang inspektor ng boiler sa isang planta ng kuryente. Nalaman niya at ng kapatid niyang babae ang katotohanan sa Bibliya mula sa nanay nila noong tin-edyer siya. Nabautismuhan siya bilang Saksi ni Jehova noong 2005
Napangasawa niya si Natalya noong 2015. Mahilig silang mag-snowboarding at mag-ski. Mahilig din siyang tumugtog ng gitara, mag-fishing, at maglaro ng tennis
Kaso
Noong Abril 19, 2019, hinalughog ng mga awtoridad sa Sharypovo ang 10 bahay ng mga Saksi ni Jehova at pinagtatanong ang mga kapatid na naroroon. Inaresto si Brother Anton Ostapenko at ikinulong bago pa man litisin hanggang sa paglaya niya noong Disyembre 20, 2019. Pinaratangan siya ng pag-oorganisa ng mga gawain ng isang “ekstremistang” organisasyon.
Sa anim na buwan niyang pagkakakulong, ilang beses siyang tumatalikod sa security camera, nagpupunta sa lababo sa selda niya, at umiiyak dahil sa hirap ng kalooban.
Nakatulong nang malaki sa kaniya ang panalangin. Sabi ni Anton: “Nagsumamo ako kay Jehova na tulungan akong magtiis.” Sinabi pa niya: “Marami akong natutuhan. Nagkaroon ako ng malapít na kaugnayan kay Jehova at mas lumakas ang pananampalataya ko. . . . Kapag napaharap ka sa mahirap na kalagayang [gaya nito], natututuhan mong ikapit ang napag-aralan mo. Dahil hindi laging may Bibliya sa selda, nagbasa na ako tungkol kay Jehova bago mabilanggo. Pero doon [sa loob ng bilangguan], ipinakita sa akin ni Jehova kung anong klaseng Diyos siya. Tuwang-tuwa ako! Hindi lang siya basta Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat kundi isa ring maibiging Ama na talagang nakakaunawa sa kalagayan ko at tumutulong at sumusuporta sa akin sa tamang panahon at sa mga paraan na hindi ko inaasahan.”
Napatibay rin siya ng mga Kingdom song. “Lagi kaming kumakantang magkasama ng misis ko, kaya nasaulo namin ang mga kanta. Nakatulong iyan sa akin sa bilangguan. Pagkatapos patayin ang mga ilaw, nananalangin ako at kumakanta ng isang awit, at nakatulong iyan para makatulog ako na kalmado ang puso.”
Habang hinihintay ni Anton ang kalalabasan ng kaniyang kaso, nakakapagtrabaho pa rin siya. Pero hindi siya puwedeng umalis sa Sharypovo. Dahil dito, hindi niya madala ang nanay niya sa doktor.
May pagtitiwala tayong nananalangin na patuloy na bigyan ni Jehova ng kapayapaan ang ating mga kapatid na nagtitiis ng pag-uusig.—Juan 14:27.