Pumunta sa nilalaman

Si Brother Andrey Andreyev (gitna) kasama (mula kaliwa pakanan) ang anak niya, si Albina; ang asawa niya, si Svetlana; ang anak niya, si Anzhelika at ang asawa nito, si Anatoliy; (nakasingit na larawan) si Brother Andreyev at ang asawa niya na muling nagsama pagkalaya niya mula sa bilangguan

PEBRERO 27, 2023
RUSSIA

Napalaya Na si Brother Andrey Andreyev Mula sa Bilangguan sa Russia

Napalaya Na si Brother Andrey Andreyev Mula sa Bilangguan sa Russia

Noong Pebrero 22, 2023, napalaya na si Brother Andrey Andreyev sa bilangguan sa Russia pagkatapos makulong nang mahigit tatlong taon.

Naaresto si Andrey at ang ilang kapatid pagkatapos ng mga paghalughog at pagtatanong sa mga Saksi ni Jehova sa Kursk noong Oktubre 16, 2019. Pagkatapos maghintay nang halos 20 buwan sa pretrial detention, nahatulan siyang makulong noong Hunyo 3, 2021.

Habang nakabilanggo si Andrey dahil sa pananampalataya niya, ginawa niya ang lahat para maibigay ang espirituwal na pangangailangan ng asawa niya, si Svetlana, at ng kanilang dalawang anak na babae, sina Anzhelika at Albina. Sa mga sulat niya sa kanila, regular niya silang pinapatibay gamit ang Bibliya. Isinulat pa nga niya ang pahayag para sa kasal ni Anzhelika, na ikinasal noong nakakulong pa siya. Sinabi ni Anzhelika: “Napakaganda ng pahayag niya. Talagang nagustuhan ito ng lahat ng bisita namin . . . at feeling ko, kasama namin siya noong kasal namin.”

Para madalaw si Andrey, kailangang magbiyahe ng pamilya niya nang walong oras sa bus. Kahit nakakapagod ang biyahe, sinabi ni Svetlana na lagi silang tinutulungan ng mga kapatid doon na makahanap ng matutuluyan, pagkain, at transportasyon papunta at pauwi mula sa detention center. Pumipila pa nga ang ilang kapatid para mai-reserve sila sa visitation line, kadalasan nang magdamag, kapag dinadalaw nila si Andrey.

Isang grupo ng mga kaibigan at kapamilya ni Brother Andreyev na bumabati sa kaniya pagkalaya niya mula sa bilangguan

Kahit hindi maganda ang pagtrato sa kaniya sa bilangguan, matibay pa rin ang pananampalataya ni Andrey. Dahil sa mabuting paggawi niya at Kristiyanong personalidad, nirerespeto siya ng mga awtoridad sa bilangguan, at pinayagang magkaroon ng mas maraming dadalaw sa kaniya. Sinabi ni Andrey tungkol sa hatol sa kaniya: “Wala akong hinanakit, wala akong galit, at talagang wala akong kinapopootan. Sa tulong ng Diyos, tapat pa rin ako at masaya.”

Nagtitiwala tayo na patuloy na pagpapalain ni Jehova ang determinasyon ni Andrey na magpakita ng Kristiyanong pag-ibig.—1 Juan 4:16.