ABRIL 22, 2021
RUSSIA
Natulungan ng Panalangin, Pag-aaral, at Pampatibay ang mga Kapatid na Matiis ang Pagkakakulong at House Arrest
Iskedyul ng Paghatol
Malapit nang ibaba ng Pervomayskiy District Court ng Kirov ang hatol nito sa kaso nina Brother Maksim Khalturin, Vladimir Korobeynikov, Andrzej Oniszczuk, Andrey Suvorkov, Yevgeniy Suvorkov, at Vladimir Vasilyev. a
Si Brother Yuriy Geraskov, na akusado rin sa kasong ito, ay namatay bago pa magdesisyon ang korte.
Profile
Yuriy Geraskov
Ipinanganak: 1956 (Azerbaijan)
Namatay: Abril 24, 2020
Maikling Impormasyon: Mahilig sa soccer at photography. Nagtrabaho sa isang malaking orkestra. Lumipat sa Russia noong 1993 dahil sa politikal na sitwasyon sa Azerbaijan. Napangasawa si Alevtina noong 2011. Nabautismuhan bilang Saksi ni Jehova noong taon ding iyon. Mahilig maglakad at mamasyal ang mag-asawa at dumalaw sa mga kaibigan
Maksim Khalturin
Ipinanganak: 1974 (Kirov)
Maikling Impormasyon: Mahilig magbasa mula pagkabata. Nagkainteres sa Bibliya noong 1993. Nabautismuhan bilang Saksi ni Jehova noong 1995. Inaalagaan niya ang may-edad niyang mga magulang. Iginagalang nila ang kaniyang relihiyosong paniniwala kahit iba ang relihiyon nila
Vladimir Korobeynikov
Ipinanganak: 1952 (Dikson Island, Krasnoyarsk Territory)
Maikling Impormasyon: Ang tatay niya noon ay isang siyentipiko na pinag-aaralan ang tungkol sa arctic ocean. Noong bata pa siya, mahilig siyang gumawa ng maliliit na modelo. Nagtrabaho bilang tubero at makinista. Nagretiro na siya at mahilig mag-fishing
Sila ng asawa niyang si Olga ay nagsimulang mag-Bible study sa mga Saksi ni Jehova noong mga unang taon ng 1990’s. Gustong-gusto niya ang mga hula sa Bibliya. Nabautismuhan siya noong 1996. Nakatulong ang mga prinsipyo sa Bibliya sa kanilang pamilya, na binubuo ng isang adultong anak na lalaki at babae
Andrzej Oniszczuk
Ipinanganak: 1968 (Białystok, Poland)
Maikling Impormasyon: Mahilig sa soccer at weight lifting noong nasa kabataan pa. Nabautismuhan noong 1990. Lumipat sa Kirov noong 1997. Mahilig sa Russian literature. Napangasawa si Anna noong 2002. Mahilig sila sa mga activity sa labas ng bahay, maghanap ng mga kabuti, at maglaro ng soccer
Andrey Suvorkov
Ipinanganak: 1993 (Kirov)
Maikling Impormasyon: Itinuro sa kaniya ng nanay niya ang katotohanan mula pagkasanggol. Noong bata siya, mahilig siya sa science at maglaro ng sports, lalo na ng volleyball. Nabautismuhan bilang Saksi ni Jehova noong 2007. Nagtrabaho sa isang drug-abuse treatment center kapalit ng paglilingkod sa militar. Napangasawa si Svetlana noong 2016. Mahilig sila sa sports
Yevgeniy Suvorkov
Ipinanganak: 1978 (Kirov)
Maikling Impormasyon: Noong bata siya, mahilig siyang maglaro ng chess at hockey at makinig ng musika. Isa siyang electrician. Nagsimulang mag-Bible study sa mga Saksi ni Jehova noong 16 siya. Nabautismuhan noong 1995. Humiling ng serbisyong pangkomunidad noong 18 siya. Ipinagkaloob din ito sa kaniya pagkatapos ng anim na paglilitis sa korte. Napangasawa si Svetlana noong 2000 at tumulong sa pagpapalaki ng anak nito, si Andrey (nabanggit sa itaas)
Vladimir Vasilyev
Ipinanganak: 1956 (Perm)
Maikling Impormasyon: Mahilig sa soccer noong kabataan niya. Isang tubero at driver. Nagretiro na. Sila ng asawa niyang si Nadezhda ay nagsimulang mag-Bible study sa mga Saksi ni Jehova noong mga unang taon ng 1990’s. Nabautismuhan noong 1994
Kaso
Noong Oktubre 9, 2018, hinalughog ng mga awtoridad ang 14 na bahay ng mga Saksi ni Jehova sa Kirov. Idinitine sina Brother Maksim Khalturin, Vladimir Korobeynikov, Andrzej Oniszczuk, Andrey Suvorkov, at Yevgeniy Suvorkov. Pagkatapos, ikinulong sila bago pa man litisin. Noong Enero at Hulyo 2019, inakusahan din sina Brother Vladimir Vasilyev at Yuriy Geraskov.
Idinitine si Vladimir Korobeynikov nang mahigit dalawang buwan. Pinalaya siya para maalagaan niya ang asawa niyang may sakit at ang anak nilang babae, pero naka-house arrest siya. Sina Maksim at Andrey ay idinitine sa detention center nang mahigit tatlong buwan. Mga limang buwan namang nakakulong si Yevgeniy. Si Andrzej ay nasa detention center nang 327 araw. Ang ilan sa mga brother na ito ay inilipat sa house arrest. Napalaya na sila pero hindi sila puwedeng umalis sa kanilang mga komunidad.
Napakahirap para sa mga brother na mahiwalay sa kanilang mga pamilya habang nakakulong. Pero nagtiwala sila na aalalayan ni Jehova ang kanilang mga mahal sa buhay.
Halimbawa, baldado ang asawa ni Vladimir Korobeynikov na si Olga. Sabi niya: “Napakahirap para sa akin na iwan na mag-isa sa bahay si Olga.” Sinabi rin niya na kinuha ng mga pulis ang cellphone ng misis niya nang halughugin ang bahay nila. Alalang-alala si Vladimir hanggang sa makatanggap siya ng sulat mula sa isang sister sa kongregasyon na nagsasabing inaalagaan ng mga kapatid ang asawa niya. Tumanggap din siya ng sulat mula kay Olga na nagsasabing ayos lang siya.
Nagdulot ng problema sa mga brother ang pagbabawal sa kanilang umalis sa komunidad at ang pagtawag sa kanila na “ekstremista.” Halimbawa, hiráp silang makahanap ng trabaho. Hindi rin sila maka-withdraw ng pera sa kanilang bank account.
Pero sinabi ni Yevgeniy: “Saganang naglalaan si Jehova ng lahat ng aming pangangailangan. Gaya ng mga Israelita sa ilang, hindi kami nagkulang ng anuman. Kitang-kita namin kung paano naglaan ang mga lingkod ni Jehova sa isa’t isa sa pisikal, emosyonal, at espirituwal na paraan.”
Sinabi ng mga kapatid na natulungan sila ng panalangin, personal study, at pagbabasa ng Bibliya na magkaroon ng lakas ng loob at manatiling tapat. Halimbawa, sinabi ni Vladimir Vasilyev: “Natulungan kami ng mga pangyayaring inilalarawan sa Bibliya na maunawaan na kontrolado ni Jehova ang lahat ng bagay. Kaya napatibay ang aming pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos.”
Kahit naging mahirap ang buhay para sa ating mga kapatid at sa kanilang mga pamilya, alam natin na patuloy silang magtitiwala kay Jehova. Patuloy silang nagtitiis, dahil alam nilang walang pinsalang magagawa ang “hamak na tao.”—Awit 56:4.
a Hindi laging ipinapaalám kung kailan ang petsa ng paghatol ng korte.