Pumunta sa nilalaman

Mula kaliwa pakanan: Sina Brother Aleksey Oreshkov, Aleksandr Rakovskiy, Aleksandr Vavilov

HULYO 2, 2021
RUSSIA

Panalangin at Natupad na mga Hula sa Bibliya ang Tumulong sa Tatlong Brother na Matiis ang Pag-uusig

Panalangin at Natupad na mga Hula sa Bibliya ang Tumulong sa Tatlong Brother na Matiis ang Pag-uusig

UPDATE | Ibinasura ng Korte ng Russia ang Apela

Noong Enero 14, 2022, ibinasura ng Nizhny Novgorod Regional Court ang apela nina Brother Aleksey Oreshkov, Aleksandr Rakovskiy, at Aleksandr Vavilov. Sa ngayon, hindi nila kailangang mabilanggo.

Noong Oktubre 25, 2021, hinatulan ng Pavlovo City Court ng Nizhny Novgorod Region sina Brother Oreshkov, Rakovskiy, at Vavilov. Bawat isa ay hinatulan ng tatlong-taóng suspended prison sentence.

Profile

Aleksey Oreshkov

  • Ipinanganak: 1971 (Pavlovo, Nizhny Novgorod Region)

  • Maikling Impormasyon: Mahilig maglaro ng ping pong noong bata pa. Nagtapos sa isang unibersidad sa musika at mahusay sa pagtugtog ng mga wind instrument. Nagretiro na. Inalagaan ang may-edad niyang nanay sa loob ng ilang taon. Nabautismuhan bilang Saksi ni Jehova noong 2011

Aleksandr Rakovskiy

  • Ipinanganak: 1980 (Pavlovo, Nizhny Novgorod Region)

  • Maikling Impormasyon: Tumutugtog ng gitara noong bata pa, at tumugtog kasama ng isang banda. Nagtatrabaho bilang Internet technology specialist. Napangasawa si Tatyana noong 2005. Nagpa-Bible study sila sa mga Saksi ni Jehova nang malaman ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa pag-asa sa hinaharap. Nabautismuhan noong 2009. May anak na lalaki at babae

Aleksandr Vavilov

  • Ipinanganak: 1967 (Kropotkin, Krasnodar Region)

  • Maikling Impormasyon: Mahilig tumakbo, lumangoy, mag-ski, at magpinta ng mga portrait. Nagsundalo. Nagsanay para maging isang propesyonal na boksingero. Bandang huli, nagdesisyong huwag nang sumali sa mararahas na sport at naging isang barbero. Siya at ang asawa niyang si Yelena ay nagpa-Bible study sa mga Saksi ni Jehova. Nagpakasal sila noong 1994 at nabautismuhan noong 1995. Mahilig silang mamasyal

Kaso

Noong Hulyo 16 at 17, 2019, hinalughog ng mga pulis ng Federal Security Service (FSB) ang mga bahay ng mga Saksi ni Jehova sa Nizhny Novgorod Region. Sina Aleksey Oreshkov at Aleksandr Vavilov ay pinagtatanong at saka ibinilanggo bago pa man litisin. Ikinulong si Aleksey nang 211 araw at pinagbawalang umalis sa kanilang lugar nang 31 araw. Nakulong naman si Aleksandr nang 241 araw.

Habang nakakulong, naging mas madalas at mas marubdob ang mga panalangin ni Aleksey. Pagkagising niya sa umaga, nananalangin siya na magkaroon ng positibong kaisipan sa mga hamong mapapaharap sa kaniya, makapanatiling tapat, at laging makapag-isip ng espirituwal na mga bagay. Sinabi pa ni Aleksey: “Sa gabi, mas mahaba at marubdob ang mga panalangin ko, at sinisikap kong banggitin ang pangalan ng lahat ng kapatid. Ipinapanalangin ko ang mga nagtatrabaho sa bilangguan, ang mga kasama ko sa selda, ang imbestigador, ang pamilya ko, ang kongregasyon, at ang organisasyon.”

Sinabi ni Aleksandr Vavilov: “Naging napakalapít ni Jehova sa akin. Pakiramdam ko, hindi lang niya ako basta tinutulungan at inaakay, kinakarga niya rin ako gaya ng isang pastol na kinakarga ang maliliit niyang tupa. At damang-dama ko iyan sa paglipas ng bawat araw.”

Noong Setyembre 21, 2020, sinampahan din ng kasong kriminal si Aleksandr Rakovskiy at pati na sina Brother Oreshkov at Brother Vavilov. Ang tatlong brother ay inakusahan dahil sa pakikibahagi sa relihiyosong mga pulong ng mga Saksi ni Jehova. Pinagbawalan silang umalis sa kanilang lugar.

Naunawaan ni Aleksandr Rakovskiy na ang pagbubulay-bulay sa mga hula sa Bibliya, lalo na sa mga hula tungkol sa hari ng hilaga, ang nakatulong sa kaniya na magtiis. Sinabi niya: “Nakatulong ito sa akin na magpokus sa mga hula sa Bibliya tungkol sa pag-uusig at sa mga katuparan nito, imbes na magpokus sa mga bagay na nakakasira ng loob. Natulungan din ako nito na magpokus sa pangako ni Jehova na tutulungan niya tayo kapag dumaranas tayo ng pag-uusig.”

Nagtitiwala tayong pananatilihin ng tatlong brother na ito ang positibong kaisipan habang tinutulungan sila ng kanilang matibay na pananampalataya na matiis ang pagsubok.—Filipos 1:29.