ENERO 13, 2023
RUSSIA
Patuloy na Nagpapatupad ng mga Economic Sanction ang Russia sa Maraming Saksi ni Jehova
Sa Russia, ang Federal Service for Financial Monitoring (Rosfinmonitoring) ang ahensiya ng gobyerno na lumalaban sa mga krimen sa pera, gaya ng pagpopondo sa mga ekstremistang organisasyon. May listahan sila ng mga taong pinaghihinalaang ekstremista o terorista. Puwede nilang isama sa listahan ang isang tao kahit hindi pa siya napapatunayang may-sala sa hukuman.
Mula nang ipagbawal ng desisyon ng Supreme Court of the Russian Federation noong 2017 ang gawain ng mga Saksi ni Jehova, 525 pangalan ng mga kapatid natin ang lumitaw sa listahang ito. a Kasama rito ang mahigit 100 may-edad na Saksi.
Ang mga isinama sa listahan ay binibigyan ng mga economic sanction. Halimbawa, hindi nila magamit ang pera nila sa bangko, at mga 10,000 rubles ($137 U.S.) lang para sa bawat miyembro ng pamilya ang puwede nilang ma-withdraw sa bank account nila bilang buwanang allowance. Marami pang restriksiyon ang nagpapahirap sa kanila. Halimbawa, nahihirapan silang bumili o magbenta ng lupa o kotse, kumuha ng insurance, o tumanggap ng mga benepisyo kapag nawalan sila ng trabaho, tumanggap ng mana, o umutang sa bangko. Naapektuhan din ang mga Saksi na nagpe-pensiyon o may kapansanan dahil wala silang pambayad sa pagpapagamot nila at madalas na hindi rin sila pinapayagang gumamit ng pampublikong transportasyon.
Sinabi ni Brother Anton Chermnykh mula sa Ussuriysk, na isinama sa listahan noong Disyembre 2019: “Para matanggap ko ang suweldo ko, kailangan kong patunayan buwan-buwan na hindi ko nakuha ang pera sa ilegal na paraan. Kailangan kong dalhin sa bangko ang maraming dokumento na ini-scan ng mga empleado ng bangko at ipinapadala sa Moscow. Tumatagal ito nang dalawang linggo. Sa itinakdang araw, bumabalik ako sa bangko. Isang empleado ng bangko ang magwi-withdraw ng suweldo ko mula sa account ko, ibibigay ito sa akin, at muling ipi-freeze ang account ko. Kapag nalalaman ng mga bagong empleado sa bangko na nasa listahan ako ng mga terorista, natatakot sila sa akin.”
Positibo pa rin ang saloobin ng mga kapatid natin sa kabila ng mga problemang ito. “Naka-block ang mga bank account ko,” sabi ni Brother Yuriy Belosludtsev, na isinama sa listahan dalawa at kalahating taon bago siya nahatulan ng anim-na-taóng suspended prison sentence. “Pero tinulungan kami ng mga kapatid. Talagang nagpapasalamat ako at ang asawa ko kay Jehova dahil sa tulong ng mga kapatid.”
Sigurado tayo na alam ni Jehova ang kawalang-katarungang tinitiis ng mga kapatid natin sa Russia. Ipinapanalangin natin na patuloy silang paglalaanan ni Jehova sa panahong ito ng pagsubok.—Mateo 6:33.
a Hanggang nitong Disyembre 2022, may 35 kapatid tayo na inalis na sa listahan ng Rosfinmonitoring pagkatapos ng sentensiya nila o makapagbayad ng multa.