PEBRERO 21, 2019
RUSSIA
Pinahirapan ang mga Saksi ni Jehova sa Surgut, Russia
Siyam na araw lang matapos ang pagbababa ng korte ng Russia ng di-makatarungang hatol laban kay Dennis Christensen, di-kukulangin sa pitong Saksi ni Jehova ang naging biktima ng pisikal na pang-aabuso—kinuryente, tinakpan ng bag ang ulo, at binugbog—ng mga imbestigador na Russian sa lunsod ng Surgut sa kanlurang Siberia. Habang pinahihirapan ang mga brother, pinilit sila ng mga opisyal na sabihin ang lokasyon ng kanilang mga pulong at ituro ang iba pang Saksi.
Nangyari ang insidente nang i-raid ng mga awtoridad sa Surgut ang bahay ng mga kapatid nang madaling-araw noong Pebrero 15, 2019. Matapos arestuhin at dalhin ang ilang Saksi sa mga opisina ng Investigative Committee, pinagtatanong ang mga brother, na tumanggi namang magbigay ng impormasyon tungkol sa kanilang mga kapuwa mananamba. Pagkaalis ng nag-iisang abogado roon, inireport ng mga biktima ang sumunod na nangyari: tinakpan ng bag ang ulo ng mga brother at sinelyuhan ng tape, tinali ang mga kamay nila sa likod, at saka sila binugbog. Matapos hubaran ang mga Saksi at buhusan ng tubig, kinuryente sila gamit ang mga stun gun. Tumagal ang sadistikong pagpapahirap na ito nang dalawang oras.
Di-bababa sa tatlong Saksi ang nakabilanggo pa rin. Ang mga nakalabas naman ay nagpadoktor dahil sa tinamo nilang pinsala at nagsampa ng reklamo laban sa nangangasiwang mga ahensiya.
Bukod diyan, pagkaraan ng malawakang pagre-raid, nagsampa ng kasong kriminal ang mga awtoridad ng Russia laban sa 19 na Saksi dahil sa di-umano’y “pakikibahagi sa ekstremistang gawain” at “pag-oorganisa ng ekstremistang organisasyon.”
Ang kakila-kilabot na pag-abusong ito sa awtoridad ay paglabag sa Criminal Code ng Russia. Bukod diyan, ang Russian Federation ay dapat na sumunod sa mga batas na pinagtibay ng mga internasyonal na organisasyon para protektahan ang mga indibidwal laban sa pagpapahirap. Kaya lalaban tayo sa mga korte sa Russia at sa internasyonal na mga korte para mabigyan ng katarungan ang mga biktima ng krimeng ito.
Higit sa lahat, alam nating nakikita ni Jehova ang pag-uusig sa ating mga kapatid sa Russia, at kikilos siya para ‘tumulong at magligtas.’—Awit 70:5.