Pumunta sa nilalaman

Si Brother Oleg Danilov na sinasalubong ng asawa niyang si Nataliya pagkalaya niya sa bilangguan

MARSO 5, 2024
RUSSIA

Pinalaya Mula sa Bilangguan sa Russia si Brother Oleg Danilov

Pinalaya Mula sa Bilangguan sa Russia si Brother Oleg Danilov

Noong Marso 1, 2024, pinalaya si Brother Oleg Danilov pagkatapos ng tatlong-taóng pagkakabilanggo.

Bago siya hatulan ng korte, sinabi niya kung ano ang determinado niyang gawin kapag ikinulong siya: “Binulay-bulay ko ang mga sinabi ni Pablo sa Filipos 4:4: ‘Laging magsaya dahil sa Panginoon. At sinasabi kong muli, Magsaya kayo!’ Isinulat iyon ni Pablo habang nasa bilangguan siya. Napakatibay ng kaugnayan at pagtitiwala niya kay Jehova kaya masaya pa rin siya kahit nakakulong siya. Ganiyan din ang gusto kong gawin at hindi ko hahayaang may anumang makapag-alis ng kagalakan ko.”

Nasubok ang determinasyon ni Oleg nang ibilanggo siya at mawalay sa pamilya niya. Napakahirap para sa kaniya na hindi madaluhan ang kasal ng panganay niyang anak. Sinabi ng asawa ni Oleg, si Sister Nataliya Danilova, kung ano ang nakatulong sa mister niya: “Nakita ni Oleg na kung iisipin niya ang mga nawala sa kaniya, hihina ang determinasyon niya at malulungkot lang siya. Kaya paulit-ulit niyang pinag-iisipan kung ano ang mayroon siya: ang kaugnayan niya kay Jehova, ang tulong ng banal na espiritu, ang pamilya niyang nagmamahal sa kaniya, malalapit na kaibigan niya, at ang mga kapatid sa buong daigdig. Nang magpokus siya sa kung ano ang mayroon siya, pakiramdam niya, ang yaman niya.”

Sina Oleg at Nataliya kasama ang dalawang anak nilang lalaki at ng manugang nila

Sinabi din ni Nataliya kung paano nakatulong ang halimbawa ni Oleg sa mga anak nila: “Dahil nakita nila ang mga pinagdaanan ni Oleg at kung paano tinulungan ni Jehova ang pamilya namin, lumalim ang tiwala nila kay Jehova at ang pag-ibig nila sa mga kapatid. Mas determinado sila ngayon na unahin ang pagsamba kay Jehova sa buhay nila.”

Masaya tayong kasama na ulit ni Oleg ang pamilya niya. Nakatulong sa atin ang halimbawa niya na makitang magdusa man tayo dahil sa pananampalataya natin, puwede pa rin tayong maging masaya dahil sigurado tayong tutulungan tayo ng espiritu ni Jehova.—1 Pedro 4:14.