Pumunta sa nilalaman

Si Brother Denis Antonov kasama ang asawa niyang si Olga (kaliwa), at si Brother Aleksandr Korolev kasama ang asawa niyang si Natalya (kanan), pagkalaya ng mga brother na ito mula sa bilangguan

HUNYO 19, 2024
RUSSIA

Pinalaya Na Sina Brother Denis Antonov at Aleksandr Korolev Mula sa Bilangguan sa Russia

Pinalaya Na Sina Brother Denis Antonov at Aleksandr Korolev Mula sa Bilangguan sa Russia

Noong Hunyo 14, 2024, pinalaya na sina Brother Denis Antonov at Aleksandr Korolev mula sa isang bilangguan sa nayon ng Molochnitsa sa Russia. Silang dalawa ay nahatulan noong Agosto 25, 2022, at nasentensiyahang mabilanggo nang dalawang taon. Natapos na nila ang sentensiya nila dahil ikinulong na sila bago pa ang paglilitis.

Sinabi ni Olga, na asawa ni Dennis, kung ano ang nakatulong sa kanila noong magkahiwalay sila: “Sa mga sulat namin, nagpapalitan kami ng mga teksto sa Bibliya para mapatibay ang isa’t isa. Isa sa mga tekstong nakatulong sa amin ay ang Eclesiastes 8:12. Sabi doon ni Solomon: ‘Alam kong mapapabuti ang mga natatakot sa tunay na Diyos.’ Nagtitiwala kami na kung patuloy kaming maglilingkod kay Jehova at hindi susuko, bibigyan niya kami ng lakas para makapagtiis.”

Sa mga huling sinabi ni Aleksandr sa korte bago siya sentensiyahan, ikinumpara niya ang sitwasyon niya sa naranasan ni propeta Daniel. Sinabi ni Aleksandr: “Sa kabila ng banta ng kamatayan, patuloy pa ring nanalangin si Daniel, at dahil iyon sa matibay na pananampalataya niya. Patuloy ko ring hihilingin sa Diyos na bigyan ako ng pananampalatayang hindi rin kayang sirain ng kahit anong pag-uusig.”

Masaya tayo para kina Denis at Aleksandr dahil kasama na ulit nila ang kani-kaniyang pamilya. Tinitiyak sa atin ng mga karanasan nila ang pangako sa Awit 4:3: “Tandaan ninyo na espesyal ang pagtrato ni Jehova sa tapat sa kaniya; pakikinggan [tayo] ni Jehova kapag tumawag [tayo] sa kaniya.”