DISYEMBRE 25, 2023
RUSSIA
Pinalaya Na sa Pagkabilanggo ang 71-Anyos na si Brother Vladimir Balabkin
Noong Disyembre 19, 2023, pinalaya si Brother Vladimir Balabkin pagkatapos lang makulong nang mahigit tatlong buwan. Pinatawan siya ng apat-na-taóng pagkabilanggo at nakulong noong Setyembre 13, 2023. Pero umapela si Vladimir, at binago ng tatlong hukom na duminig sa apela niya ang sentensiya sa kaniya. Ibinaba nila sa isang taon na suspended sentence ang naunang hatol na apat-na-taóng pagkabilanggo.
Noong nililitis siya, lakas-loob na sinabi ni Vladimir: “Batay sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, ang mga paniniwala ko. Natulungan ako ng Bibliya na magkaroon ng mga katangian na gustong makita ng Maylalang sa lahat ng tao, gaya ng kabaitan, pagpipigil sa sarili, at pagiging mahinahon at matiisin. Nakatulong ito sa akin at sa pamilya ko. Gusto kong malaman ng lahat ang sinasabi ng Bibliya kasi kaya nitong gawing mas masaya ang buhay nila.”
Masaya tayo para kay Vladimir at sa pamilya niya habang patuloy nating isinasaisip ang mga nasa bilangguan pa. Nagtitiwala tayong gagantimpalaan ni Jehova ang kanilang pagtitiis.—Hebreo 10:34.