Pumunta sa nilalaman

Si Brother Sergey Polyakov kasama ang asawa niyang si Anastasia

DISYEMBRE 7, 2022
RUSSIA

Pinalaya Na si Brother Sergey Polyakov Mula sa Bilangguan sa Russia

Pinalaya Na si Brother Sergey Polyakov Mula sa Bilangguan sa Russia

Noong Nobyembre 30, 2022, pinalaya na si Brother Sergey Polyakov pagkatapos mabilanggo nang tatlo at kalahating taon. Nang maaresto siya noong Hulyo 4, 2018, dumanas siya ng iba’t ibang klase ng pagkabilanggo, kasama na ang limang buwan sa bartolina.

Ginugol ni Sergey ang huling 16 na buwan ng pagkabilanggo sa isang penal colony sa lunsod ng Valday, mga 3,000 kilometro ang layo sa bahay niya. Kilalá siya dahil sa kaniyang matibay na pananampalataya at iginagalang siya ng mga staff sa kulungan at ng kapuwa bilanggo. Habang nakakulong, napatibay si Sergey ng maraming sulat mula sa mga kaibigan at kamag-anak. Madalas, mas marami siyang sulat na tinatanggap sa isang araw kaysa sa mga 250 tao sa buong kulungan.

Paglaya ni Sergey, muli niyang nakasama ang asawa niyang si Anastasia. Limang buwan ding nakulong si Anastasia sa bartolina. Pagkatapos, nahatulan siya ng suspended prison sentence dahil sa pagsasagawa ng kaniyang pananampalataya. Ang mga Polyakov ang unang mag-asawa na nakulong kasunod ng pasiya ng Korte Suprema noong 2017 na isang krimen ang gawain ng mga Saksi ni Jehova.

Mahigit 100 kapatid natin ang nakakulong pa rin sa Russia at Crimea. Nagtitiwala tayo na patuloy na susuportahan ni Jehova ang mga “nagtitiis ng hirap at dumaranas ng kawalang-katarungan sa pagsisikap na magkaroon ng malinis na konsensiya sa harap ng Diyos.”—1 Pedro 2:19.