Pumunta sa nilalaman

Si Brother Andrey Stupnikov (gitna), kasama ang mga kaibigan niya, pagkatapos magdesisyon ang korte na palayain siya mula sa house arrest

HULYO 5, 2019
RUSSIA

Pinalaya Na si Brother Stupnikov Mula sa House Arrest

Pinalaya Na si Brother Stupnikov Mula sa House Arrest

Noong Hulyo 2, 2019, nagdesisyon ang isang korte sa Krasnoyarsk, Russia, na palayain si Brother Andrey Stupnikov mula sa house arrest. Pero kahit na hindi na siya naka-house arrest, iimbestigahan pa rin ang kaso niya.

Si Brother Andrey Stupnikov

Noong umaga ng Hulyo 3, 2018, habang nagche-check in ang mga Stupnikov sa Krasnoyarsk International Airport, dalawang agent mula sa Federal Security Service ang lumapit at inaresto si Brother Stupnikov. Walong buwan siyang ibinilanggo nang wala pang paglilitis bago siya i-house arrest noong dulo ng Pebrero 2019.

Ayon kay Brother Stupnikov, sa nakalipas na isang taon, marami siyang natutuhan tungkol sa sarili niya at sa kaugnayan niya kay Jehova. Sinabi niya: “[Kami ni Olga] ay matagal nang Saksi, pero ngayon lang kami naging ganito kalapít kay Jehova! Sa napakahirap na panahong iyon, naramdaman ko, at patuloy kong nararamdaman ngayon, na nandiyan lang ang ating Ama para tulungan ako. Pakiramdam ko, ang lapit-lapit niya sa akin at nagugulat ako kung gaano niya kabilis nasasagot ang mga panalangin ko!”

Sinabi pa ni Brother Stupnikov: “Mas kumbinsido ako ngayon na alam at naiintindihan ng Ama ko ang nadarama ko. Nakatulong sa akin ang karanasang ito para lubusang magtiwala sa kaniya at hindi gaanong mag-alala sa pag-uusig. Mas nakakatakot kung mawawala ko ang malapít na kaugnayan ko kay Jehova. Kumbinsido ako na dahil kasama natin siya, kakayanin natin ang anumang bagay.”

Noong Hulyo 1, umabot na sa 217 ang kaso laban sa ating mga kapatid sa Russia. Sa ilang kaso, binawasan na ng mga awtoridad sa Russia ang restriksiyon sa ating mga kapatid. Pero hindi tayo sa mga korte o opisyal umaasa, kundi kay Jehova. Nananalangin tayong patuloy na palalakasin at poprotektahan ni Jehova ang mga kapananampalataya natin sa Russia.​—Awit 28:7.