Pumunta sa nilalaman

Si Brother Moskalenko sa labas ng hukuman; pinalaya na siya

SETYEMBRE 4, 2019
RUSSIA

Pinalaya Na si Brother Valeriy Moskalenko

Pinalaya Na si Brother Valeriy Moskalenko

Noong Setyembre 2, 2019, inilabas ng Zheleznodorozhniy District Court ng Khabarovsk, Russia ang hatol kay Brother Valeriy Moskalenko. Sinentensiyahan siya ng dalawang taon at dalawang buwang serbisyo sa komunidad at anim na buwang probation. Hindi na niya kailangang magtagal sa kulungan.

Matapos ianunsiyo ang hatol, pinalaya na si Brother Moskalenko at ikinatuwa ito ng pamilya niya at mga kaibigan. Nakulong siya mula pa noong Agosto 2, 2018. Bago siya arestuhin, nagtatrabaho siya bilang assistant train conductor at inaalagaan niya ang nanay niyang may sakit. Kapag nasa probation na siya, hindi siya puwedeng umalis sa Khabarovsk at kailangan niyang pumunta sa pulis buwan-buwan para matiyak na wala siyang ginagawang krimen.

Sa huling salaysay niya sa korte noong Agosto 30, sinabi ni Brother Moskalenko: “Hindi ko kayang sumalungat sa kalooban ng Diyos na maliwanag na sinasabi ng Bibliya. Anuman ang hatol sa akin, kahit sentensiyahan pa ako ng kamatayan, hinding-hindi ko susuwayin ang Makapangyarihan-sa-Lahat na Maylalang ng uniberso, ang Diyos na Jehova.”

Sinabi ni Yaroslav Sivulskiy, isang kinatawan ng European Association of Jehovah’s Witnesses: “Kahit na hindi tayo payag sa naging hatol, masaya tayo na makakauwi na si Valeriy.”

Bukod kay Brother Moskalenko, pito pa sa mga kapatid natin sa Khabarovsk ang naghihintay ng hatol sa kanila.

Nagpapasalamat tayo kay Jehova na nanatiling matibay ang pananampalataya ni Brother Moskalenko habang nakakulong siya. Dalangin nating patuloy na bigyan ni Jehova ng lakas ang lahat ng kapatid na pinag-uusig.​—Isaias 40:31.