HUNYO 13, 2024
RUSSIA
Pinalaya Na si Sister Olga Ivanova Mula sa Bilangguan sa Russia
Noong Hunyo 11, 2024, pinalaya na si Sister Olga Ivanova mula sa penal colony sa lunsod ng Zelenokumsk sa Russia. Nahatulan siya at nasentensiyahang makulong nang tatlong taon at anim na buwan noong Oktubre 25, 2021. Dahil isang taon at apat na buwan siyang naka-house arrest bago pa siya makulong, nakumpleto na niya ang sentensiya niya. Kasabay niyang nahatulan ang asawa niyang si Yevgeniy, at nasentensiyahan naman ito ng walong-taóng pagkabilanggo.
Noong nakakulong si Olga, madalas na mabibigat na trabaho ang ipinapagawa sa kaniya nang 12 oras sa isang araw, 6 na araw sa isang linggo. Ilang beses din siyang inilipat sa iba’t ibang bilangguan sa Russia. Kaya naman nahirapan ang biyudang nanay ni Olga na si Svetlana na dalawin at tulungan siya. Sinabi ni Svetlana kung paano sila tinulungan ni Jehova: “Tuwing dadalhin si Olga sa ibang lunsod, inilalaan ng mga kapatid doon ang mga pangangailangan niya. Pumipila sila nang ilang oras para maghatid ng pagkain at iba pang suplay, at sinisikap nilang madalaw siya hangga’t posible. Kapag nagagawa kong magbiyahe para makita siya, pinapatulóy nila ako at binibigyan ng mga kailangan ko. Napakabait nila!”
Nagpapasalamat tayo kay Jehova sa pangangalaga niya kay Olga habang nasa bilangguan. Masaya tayo sa paglaya niya, pero patuloy sana nating ipanalangin ang asawa niya at ang lahat ng iba pa na nasa bilangguan. Alam nating lagi silang pagpapakitaan ni Jehova ng tapat na pag-ibig.—Genesis 39:21.