NOBYEMBRE 19, 2019
RUSSIA
Pinalaya ng Hukom ng Russia si Brother Dmitriy Barmakin Matapos Makulong Nang 447 Araw
Matapos makulong nang 447 araw bago pa man litisin, noong Oktubre 18, 2019, ipina-house arrest na lang si Brother Dmitriy Barmakin kaya nakasama na niya si Yelena, na 13 taon na niyang asawa.
Inaresto si Brother Barmakin noong Hulyo 28, 2018. Nasa bahay siya ng 90-anyos na lola ng asawa niya nang pasukin ito ng mga armado at nakamaskarang pulis. Inakusahan si Brother Barmakin ng pakikibahagi sa relihiyosong gawain ng mga Saksi ni Jehova. Iniutos ng Pervorechenskiy District Court ng Vladivostok na ikulong si Dmitriy Barmakin nang dalawang buwan bago litisin. Pagkatapos nito, walong beses pang pinahaba ng korte ang kaniyang pagkakakulong.
Sa isang pretrial detention hearing, sinabi ng korte na ang mapayapang pagsamba ni Brother Barmakin ay isang “krimen laban sa konstitusyon at sa seguridad ng bansa.” Ang akusasyong ito ay salungat sa sinasabi ng Article 28 ng Constitution of the Russian Federation na ang lahat ay “malayang pumili, magkaroon, at sabihin sa iba ang tungkol sa kanilang relihiyon at iba pang paniniwala, at kumilos ayon dito.”
Natutuwa tayong pinalaya na ni Judge Stanislav Salnikov ng Pervorechenskiy District Court ng Vladivostok si Brother Barmakin mula sa kulungan, kahit hindi pa pinapahinto ang imbestigasyon laban sa kaniya.
Nagtitiwala tayo na patuloy na papatibayin ni Jehova ang mga kapatid sa Russia, lalo na ang mga nakakulong at naka-house arrest. Gaya ni Brother Barmakin, magaganda silang halimbawa ng lakas ng loob at pananampalataya.—Filipos 1:13, 14.