Pumunta sa nilalaman

Mula kaliwa pakanan: Sina Brother Roman Markin at Brother Viktor Trofimov, bago sila arestuhin

ENERO 17, 2020
RUSSIA

Posibleng Makulong Nang Anim at Kalahating Taon Sina Brother Markin at Brother Trofimov

Posibleng Makulong Nang Anim at Kalahating Taon Sina Brother Markin at Brother Trofimov

Sa Enero 22, 2020, inaasahang ilalabas ang hatol sa kaso nina Brother Roman Markin at Brother Viktor Trofimov. Hinilingan ng prosecutor ang korte na sentensiyahan silang mabilanggo nang anim at kalahating taon.

Noong Abril 18, 2018, nagsimula ang pag-uusig sa mga brother nang pasukin ng mga armado at nakamaskarang sundalo ang kanilang mga bahay sa lunsod ng Polyarny sa Russia. Maghahatinggabi na nang pasukin ng mga pulis ang bahay ni Brother Markin, at sinira nila ang pinto nito. Tinutukan nila si Brother Markin ng malalaking baril at puwersahan siyang pinadapa habang hinahalughog ang bahay niya. Nandoon din ang 16-anyos na anak na babae ni Brother Markin, na dumapa rin habang tinatakpan ang ulo gamit ang kaniyang mga kamay.

Apat pang bahay ng mga Saksi ang pinasok nang gabi ring iyon sa Polyarny. Mahigit 12 kapatid, kasama na sina Brother Markin at Brother Trofimov, ang dinala sa presinto para sa interogasyon. Pagkatapos, nagdesisyon ang Polyarny District Court sa Murmansk na ibilanggo sina Brother Markin at Brother Trofimov habang hinihintay ang paglilitis. Halos anim na buwan sila sa kulungan, at pagkatapos, apat na buwan namang naka-house arrest. Noong Pebrero 7, 2019, pinalaya sila mula sa pagkaka-house arrest. Kahit hindi na sila naka-house arrest, limitado pa rin ang puwede nilang puntahan at kausapin habang hinihintay ang desisyon ng korte.

Halos 300 Saksi ang may kasong kriminal sa Russia. Ipinapanalangin natin ang mga kapatid sa Russia na patuloy sana silang magkaroon ng lakas ng loob, at kumbinsidong walang makapaghihiwalay sa kanila sa pag-ibig ni Jehova.—Roma 8:38, 39.