Pumunta sa nilalaman

Inalaala sa isang press conference sa Moscow noong Abril 1, 2021, ang ika-70 anibersaryo ng deportasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Siberia sakay ng tren

ABRIL 5, 2021
RUSSIA

Press Conference sa Moscow Tungkol sa Ika-70 Anibersaryo ng Operation North

Deportasyon ng Halos 10,000 Saksi ni Jehova sa Siberia

Press Conference sa Moscow Tungkol sa Ika-70 Anibersaryo ng Operation North

Noong Abril 1, 2021, isang press conference ang ginanap sa Moscow tungkol sa ika-70 anibersaryo ng Operation North—ang deportasyon noong 1951 ng halos 10,000 Saksi ni Jehova patungong Siberia sakay ng tren mula sa dating anim na republikang Sobyet. Isang panel ng anim na tagapagsalita, kabilang ang mga iskolar at espesyalista sa karapatang pantao, ang nagsalita at sumagot sa tanong ng mga reporter. Hindi lang inilahad ng panel ang tungkol sa Operation North, kundi iniugnay din nila ito sa kasalukuyang pag-uusig sa Russia. Ang buong conference ay napanood nang live sa Internet.

Isa sa nagsalita si Yaroslav Sivulsky, isang kinatawan ng European Association of Jehovah’s Witnesses na ang pamilya ay tuwirang naapektuhan ng Operation North at idineport sa Siberia. Marami siyang ikinuwento tungkol sa di-makataong pagtrato sa kanila. “Sa pagsusuri sa mga dokumento tungkol sa kasaysayan, napatunayan namin na 9,793 lahat-lahat ang idineport na mga Saksi ni Jehova at mga kapamilya nila,” sabi ni Sivulsky. “Kasali sa bilang na ito ang mga namatay at isinilang habang nasa biyahe.”

Binanggit ng iskolar tungkol sa relihiyon sa Russia na si Sergey Ivanenko ang papel na ginampanan ng propagandang Sobyet laban sa mga Saksi ni Jehova sa Operation North, gayundin ang papel nito sa kasalukuyang pag-uusig sa Russia. Sa kaniyang masusing pagrerepaso, idiniin din ni Ivanenko ang pagtitiis ng mga Saksi: “Ang matinding pag-uusig ng gobyerno laban sa mga Saksi ni Jehova, na isinasagawa sa Russian Federation mula noong 2017, ay walang saysay. Ang mga Saksi ni Jehova noon na nagtiis ng Operation North at ang mga Saksi ni Jehova ngayon sa Russia na determinadong ipagtanggol ang kanilang mga paniniwala ay nagpapatunay na walang saysay na pahintuin sila sa pagsamba sa Diyos. Makabubuti para sa gobyerno ng Russia na alisin ang pagbabawal laban sa mga Saksi ni Jehova at sa kanilang mga gawain.”

Sinabi ng iskolar sa relihiyon na si Artur Artemyev na taga-Kazakhstan, awtor ng Jehovah’s Witnesses in Kazakhstan: A Social-Historical and Religious Analysis (nirebisa noong 2020), na sa kabila ng malupit na pag-uusig ng Sobyet, hindi nawala ang mga Saksi ni Jehova at hindi rin natinag ang sigasig nila. Dumami pa nga ang mga Saksi ni Jehova sa Russia. Sinabi rin ng espesyalista sa karapatang pantao na si Valery Borschev ng Moscow Helsinki Group: “Lalo lang pinapatibay ng pag-uusig ang mga Saksi ni Jehova. Dapat iyang maintindihan ng mga awtoridad.”

Si Valentin Gefter naman, isang miyembro ng Expert Council sa ilalim ng Commissioner for Human Rights sa Russia, ay nagsalita tungkol sa paksang “Kung Paano Nagkaroon sa Modernong Russia ng mga Bilanggo Dahil sa Konsensiya.” Ang mga Saksing nakakulong sa Russia ay talagang mga bilanggo dahil sa konsensiya, hindi dahil sa politika. Sinabi niya: “Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi laban sa gobyerno.” Sinabi pa niya na ang relihiyosong mga paniniwala ng mga Saksi ang dahilan kung bakit neutral sila sa politikal na mga isyu. Kaya hindi kailangan at hindi makatarungan na ikulong ang mga Saksi.

Ang huling tagapagsalita ay si Aleksandr Verkhovsky. Miyembro siya ng Presidential Human Rights Council at director ng SOVA Center for Information and Analysis. Maingat na sinusuri at inirerekord ng SOVA Center ang lahat ng kaso ng maling pagpapatupad ng batas tungkol sa ekstremismo, kasama na ang mga kaso laban sa mga Saksi ni Jehova. Iniulat ni Mr. Verkhovsky ang isang pagsusuri tungkol sa kasalukuyang pag-uusig sa Russia. “Mapapahinto ba ang pag-uusig laban sa mga Saksi? Napakahalagang tanong nito, at hindi natin alam ang sagot.” Kumbinsido si Verkhovsky na dapat ihinto ng mga awtoridad sa Russia ang pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova. Nagbigay siya ng ilang opsiyon sa mga mambabatas kung paano nila babaguhin ang batas laban sa ekstremismo para matiyak na poprotektahan nito ang gobyerno sa totoong ekstremistang gawain nang hindi nilalabag ang mga karapatan ng mapayapang mga mánanampalatayá, gaya ng mga Saksi.

Ang mga reporter ay pinayagang magtanong sa panel tungkol sa pinag-uusapan.

Nang araw ding iyon, ginanap ang isang conference sa lunsod ng Chisinau, Moldova, na inorganisa ng Institute of History of the Academy of Sciences of Moldova, Alecu Russo State University of Balti, at Bogdan Petriceicu Hasdeu State University of Cahul. Isa pang conference ang nakaiskedyul sa Ukraine sa Abril 9.