Pumunta sa nilalaman

Dalawang kinumpiskang property ng mga Saksi ni Jehova sa St. Petersburg; dating tanggapang pansangay sa Solnechnoye (kaliwa) at dating Assembly Hall sa Kolomyazhskiy (kanan)

HULYO 4, 2019
RUSSIA

Property ng mga Saksi ni Jehova na Kinumpiska ng Russia, Umabot Na sa Mahigit $57 Milyon

Property ng mga Saksi ni Jehova na Kinumpiska ng Russia, Umabot Na sa Mahigit $57 Milyon

Mula pa noong Abril 20, 2017, nang ipagbawal ng Korte Suprema ng Russia ang gawain ng mga Saksi ni Jehova, wala nang tigil ang pag-uusig at pagbilanggo sa mga kapatid natin. Kinumpiska rin ng mga awtoridad ang 131 property ng mga Saksi ni Jehova, at mayroon pang 60 na balak din nilang agawin. Aabot nang mahigit $57 milyon ang halaga ng lahat ng ito.

Isa sa mga kinumpiskang property ay ang dating pasilidad ng sangay sa Russia na nasa Solnechnoye. Pag-aari ito ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania. (Tingnan ang kaliwang larawan sa itaas.) Nagkakahalaga ito nang mga $30 milyon. Ang 43 sa mga inagaw na property ay nakapangalan sa mga legal na korporasyon natin sa ibang bansa, gaya ng Austria, Denmark, Finland, Netherlands, Norway, Portugal, Spain, Sweden, at United States. Ilegal ang pagkumpiskang ito, dahil kahit ipinagbawal ng Korte Suprema ang gawain ng mga Saksi ni Jehova, hindi nila binigyan ng karapatan ang gobyerno na kumpiskahin ang mga pag-aaring nakapangalan sa mga legal na korporasyon sa ibang bansa.

Ang mga Saksi ni Jehova ay naghain na ng reklamo sa European Court of Human Rights (ECHR) dahil sa ilegal na pagkumpiska sa dating pasilidad ng sangay sa Russia. Anuman ang desisyon ng ECHR, patuloy tayong magtitiwala kay Jehova. Dalangin natin na manatiling matatag ang mga kapatid natin sa Russia sa kabila ng mga raid, pag-aresto, at pagkumpiska ng mga property na ginagamit nila sa pagsamba at patuloy nilang sambahin si Jehova “sa espiritu at katotohanan.”—Juan 4:23.