HUNYO 29, 2022
RUSSIA
Russia—Kumalas sa European Court
Noong Hunyo 11, 2022, nilagdaan ni President Vladimir Putin ang dalawang panukalang batas na alisin ang Russia sa hurisdiksiyon ng European Court of Human Rights (ECHR) simula Marso 15, 2022. Kaya lahat ng hatol ng ECHR mula Marso 15, 2022 ay hindi na puwedeng ipatupad sa Russia. Kasama rito ang hatol ng ECHR noong Hunyo 7 na labag sa batas ang pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova sa buong bansa. Inutusan din ng ECHR ang Russia na ihinto ang pagsasampa sa mga Saksi ng kriminal na kaso, palayain ang lahat ng Saksing kasalukuyang nakakulong, at ibalik ang kinumpiskang mga ari-arian o bayaran ang mga akusado ng mga 59 milyong euro ($63 milyon U.S.).
Ang Committee of Ministers of the Council of Europe ang nangangasiwa sa pagpapatupad ng mga hatol ng ECHR sa mga miyembrong estado nito. Ang Russia ay miyembro ng Council of Europe mula noong 1996.
Noong Marso 15, 2022, ipinaalam ng Russia sa Council ang balak nitong kumalas bilang miyembro. Kinabukasan, opisyal na inalis ng Council ang Russia. Pero binanggit sa gobyerno ng Russia na, ayon sa kondisyon ng kasunduan na nilagdaan nito nang sumali ito sa Council of Europe, ang Russia ay nasa ilalim pa rin ng hurisdiksiyon ng ECHR hanggang sa Setyembre 16, 2022.
Sinikap ng Russia na kumalas sa ECHR nang hindi tinutupad ang natitirang obligasyon nito sa Court nang gawin nito ang dalawang panukalang batas noong Hunyo 7, 2022. Nang araw ding iyon inilabas ng ECHR ang hatol nito pabor sa mga kapatid natin sa Russia.
Ang hatol ng ECHR ay puwedeng gamitin sa mga korte ng 46 na miyembrong estado ng Council of Europe sa mga kaso ng mga Saksi ni Jehova. Pinakamahalaga, pinapawalang-sala nito ang mga Saksi ni Jehova sa lahat ng akusasyon ng Russia. Sa buong daigdig, isang malaking patotoo ang desisyong ito para kay Jehova at sa pagbabangong-puri ng kaniyang pangalan. Lahat ng papuri ay para kay Jehova!—Awit 83:18.