Pumunta sa nilalaman

Ayon sa isang panel sa karapatang pantao ng UN, ang 10 kapatid na ito, pati ang 8 iba pa, ay ilegal na inaresto at ibinilanggo sa Russia: Andrey Magliv, Igor Egozaryan, Ruslan Korolev, Vladimir Kulyasov, at Valeriy Rogozin (itaas, mula sa kaliwa pakanan); Valeriy Shalev, Tatyana Shamsheva, Olga Silayeva, Aleksandr Solovyev, at Denis Timoshin (ibaba, mula sa kaliwa pakanan)

MAYO 18, 2020
RUSSIA

Russia, Lumabag sa Internasyonal na Batas Nang Ibilanggo ang 18 Saksi ni Jehova—UN Expert Panel

Russia, Lumabag sa Internasyonal na Batas Nang Ibilanggo ang 18 Saksi ni Jehova—UN Expert Panel

Ang panel ng mga eksperto sa karapatang pantao ng United Nations (UN) ay naglabas ng 15-pahinang dokumento na nagsasabing nilabag ng Russia ang internasyonal na batas nang arestuhin nito at ibilanggo ang 18 Saksi ni Jehova sa iba’t ibang lunsod mula noong Mayo 2018 hanggang Hulyo 2019. Hinihiling ng panel na palayain agad ang mga Saksing nakabilanggo pa.

Ang unang kopya ng dokumento ng panel ay inilabas noong Mayo 15, 2020. Ilalabas naman ang pinal na bersiyon sa website ng UN.

Ito ang ikatlong pagkakataon sa nakalipas na taon na gumawa ang panel, ang Working Group on Arbitrary Detention, ng gayong dokumento pabor sa ating mga kapatid. Sa pinakabagong dokumento, kinondena ng Working Group ang maraming kawalang-katarungan na ginagawa ng Russia sa ating mga kapatid.

Ayon sa Working Group, walang makatuwirang dahilan ang mga awtoridad ng Russia na gumamit ng “dahas” kapag inaaresto ang mga Saksi. Sinabi rin nila na “wala sanang [Saksi] ang inaresto at ibinilanggo at nilitis o walang sinuman sa kanila ang dapat litisin sa hinaharap.”

Talagang hindi sang-ayon ang panel sa paratang na nagsasagawa ang mga Saksi ng diumano’y ekstremistang gawain. Ipinaliwanag nito na isinasagawa lang ng mga kapatid ang kanilang “karapatang malayang sumamba nang payapa.”

Sa dokumento, kinokondena rin ng panel ang ginawang paglilitis ng korte sa ating mga kapatid. Halimbawa, sa panahon ng mga pagdinig, dalawang sister ang ipinasok sa mga kulungan na nasa loob ng hukuman. Ayon sa Working Group, kinikilala ng internasyonal na batas na may karapatan ang sinuman na “ituring na walang sala hangga’t hindi pa napapatunayang nagkasala siya.” Kaya ang mga sister ay hindi dapat “pinosasan o ikinulong sa panahon ng paglilitis o iniharap sa korte na parang mapanganib na mga kriminal.”

Hinihiling ng Working Group na burahin ng Russia ang criminal record ng lahat ng 18 Saksi at bigyan sila ng bayad-pinsala ayon sa internasyonal na batas. Nananawagan din ang panel sa bansang iyon na “imbestigahan nang husto at patas ang mga sitwasyong nauwi sa kawalang-katarungan” at “gumawa ng kinakailangang aksiyon laban sa mga lumalabag sa karapatan ng [mga Saksi].”

Sinabi sa dokumento na ang 18 Saksi ay “ilan lang sa dumaraming bilang ng mga Saksi ni Jehova sa Russia na inaaresto, ibinibilanggo, at pinaparatangan ng kriminal na gawain dahil lang sa isinasagawa nila ang kanilang kalayaang sumamba,” isang karapatan na protektado ng internasyonal na kasunduan kung saan kabilang ang Russia. Kaya kahit na ang kasalukuyang dokumento ay nakapokus sa 18 kapatid, maliwanag na sinabi ng Working Group na ang mga rekomendasyon ay “para din sa lahat ng iba pang may katulad na sitwasyon.”

Ang aksiyon na ginawa ng Working Group ay hindi gumagarantiya na mapapalaya ang ating mga kapatid sa Russia, pero umaasa tayong bubuti ang kalagayan nila. Hinihintay natin ang tugon ng Russia. Samantala, habang lakas-loob na tinitiis ng ating mga kapatid ang pag-uusig sa Russia, alam nating ang kanilang puso ay patuloy na pupunuin ng ating maibiging Ama, si Jehova, ng kagalakan at kapayapaan dahil nagtitiwala sila sa kaniya.—Roma 15:13.