Pumunta sa nilalaman

MARSO 7, 2022
RUSSIA

Sinabi ng European Court of Human Rights na Nilabag ng Russia ang Pangunahing Karapatan at Kalayaan ng mga Saksi ni Jehova

Sinabi ng European Court of Human Rights na Nilabag ng Russia ang Pangunahing Karapatan at Kalayaan ng mga Saksi ni Jehova

Naglabas ng dalawang desisyon ang European Court of Human Rights (ECHR) noong Pebrero 22, 2022, pabor sa 15 Saksi ni Jehova. Ang mga kaso ay tungkol sa pagmamaltrato ng mga pulis sa ating mga kapatid. Naganap ang pagmamaltrato sa mga raid na nangyari sa pagitan ng 2010 at 2012. Nagpasiya ang korte na nilabag ng Russia ang pangunahing karapatan ng ating mga kapatid na sumamba. Iniutos ng korte na magbayad ang Russia ng mahigit 99,000 euro ($112,323 U.S.) na danyos. Ang hatol ay hindi na puwedeng iapela.

Ang dalawang hatol ng Korte ay para sa anim na kaso laban sa Russia. a Sinabi ng mga nasasakdal na ginamit ng mga awtoridad ng Russia ang ilegal na mga search warrant sa pag-raid ng ilang bahay at isang Kingdom Hall, hinubaran ang dalawang sister na inaresto dahil sa pangangaral, at kinuha ang personal nilang mga gamit. Kung minsan, ang mga raid na ito ay isinasagawa ng naka-mask at armadong mga opisyal ng FSB, at gumagamit sila nang dahas.

Kinonsulta ng mga abogado ng mga Saksi ni Jehova ang international human rights attorney na si André Carbonneau, na nagsabi na ang mahalagang desisyong ito ng korte ay “nagtakda ng napakahalagang batayan na nagpapatunay na di-makatarungan at ilegal ang ginagawang pag-raid sa mga bahay ng mga Saksi ni Jehova, pati na ang 1,700 nangyari mula nang ipagbawal ang mga Saksi ni Jehova sa Russia noong 2017. Ngayon, kapag ni-raid ang isang bahay dahil lang sa isang Saksi ni Jehova ang nakatira doon, ilegal ito at paglabag sa European Convention.” Sinabi pa niya: “Mahalagang banggitin na kinokondena ng Korte ang mga awtoridad ng Russia dahil hinahadlangan nila ang mga Saksi sa pangangaral sa bahay-bahay. Ipinapakita nito na kinikilala ng ECHR ang ministeryo bilang isang relihiyosong gawain na hindi dapat hadlangan ng mga awtoridad.”

Hindi kinokondena ng dalawang desisyong ito ang pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova sa Russia, pero makakaimpluwensiya ito sa korte sa hinaharap na magdesisyon nang pabor sa ating organisasyon. May mahigit 60 kaso pa ang mga Saksi ni Jehova sa Russia na nasa ECHR. Inaasahan natin na ang dalawang positibong desisyon na ito ay magiging parisan ng desisyon ng Korte sa mga kasong iyon.

Natutuwa tayong makita na kinikilala ng mga awtoridad tungkol sa karapatan pantao ang matibay na paninindigan ng ating mga kapatid sa Russia. Ang mga desisyong ito ay katibayan na pinagpapala ni Jehova ang mga pagsisikap na matapat na ipagtanggol ang kaniyang pangalan at itaguyod ang kaniyang soberanya.​—Awit 26:11.

a Ang anim na kaso ay: Chavychalova v. Russia; Cheprunovy and Others v. Russia; Novakovskaya v. Russia; Ogorodnikov and Others v. Russia; Pekshuyev and Others v. Russia; at Zharinova v. Russia.