Pumunta sa nilalaman

Mula kaliwa pakanan: Sina Andrey Magliv, Vladimir Kulyasov, Galiya Olkhova, Tatyana Alushkina, Vladimir Alushkin, at Denis Timoshin sa Leninsky District Court noong Disyembre 5, 2019

DISYEMBRE 17, 2019
RUSSIA

Sinentensiyahan ng Korte ng Russia si Brother Alushkin na Mabilanggo Nang Anim na Taon, at Inilagay sa Probation ang Limang Iba Pa

Sinentensiyahan ng Korte ng Russia si Brother Alushkin na Mabilanggo Nang Anim na Taon, at Inilagay sa Probation ang Limang Iba Pa

Noong Biyernes ng umaga, Disyembre 13, 2019, sinentensiyahan ng Leninsky District Court sa Penza si Vladimir Alushkin na mabilanggo nang anim na taon. Agad siyang pinosasan at inaresto. Kinasuhan din ang limang iba pa, kasama ang asawa ni Vladimir na si Tatyana. Inilagay ng korte ang limang kapatid (tatlong brother at dalawang sister) sa probation, at posible silang makulong nang dalawang taon kapag nilabag nila ito. Aapela sa korte ang anim na kapatid sa Penza.

Gaya ng huling iniulat, inaresto si Vladimir Alushkin noong Hulyo 15, 2018, matapos pasukin ng halos sandosenang nakamaskarang pulis na may mga assault rifle ang bahay niya. Halos apat na oras na hinalughog ng mga pulis ang bahay niya, at kinumpiska nila ang mga cellphone, gadyet, Bibliya, at iba pang literatura. Lima pang bahay ng mga Saksi ni Jehova ang hinalughog ng mga pulis nang araw ding iyon at dinala ang mga 40 kapatid sa presinto para sa interogasyon.

Matapos iditine ng lokal na mga awtoridad nang dalawang araw, iniutos ng Pervomayskiy District Court sa Penza na ilipat si Brother Alushkin sa isang pretrial detention center para mabilanggo nang dalawang buwan. Dalawang beses na pinahaba ng district court ang pagbilanggo kay Vladimir Alushkin bago ang paglilitis. Matapos ang halos anim na buwan sa detention center, inilagay naman siya sa house arrest, hanggang sa mabilanggo siya noong Disyembre 13.

Bukod kay Brother Alushkin, ang tatlo sa limang Saksi na sinampahan sa kaso ring iyon ay sina Brother Vladimir Kulyasov, Brother Andrey Magliv, at Brother Denis Timoshin. Inilagay sila sa house arrest sa panahon ng imbestigasyon at paglilitis. Ang dalawang sister, sina Sister Tatyana Alushkina at Sister Galiya Olkhova, ay inilagay sa recognizance agreement mula pa noong Pebrero 2019 kaya limitado ang puwede nilang puntahan at kausapin.

Noong Agosto 2019, naglabas ang United Nations Working Group on Arbitrary Detention (WGAD) ng isang 12-pahinang report, kung saan kinondena nito ang Russia sa pag-aresto at pagditine kay Brother Alushkin. Ayon sa WGAD, “hindi dapat inaresto o ibinilanggo bago litisin si Mr. Alushkin, at hindi siya dapat litisin.” Idiniin ng WGAD na “ang nararapat na solusyon ay palayain agad si Mr. Alushkin.” Para depensahan ang anim na kapatid sa Penza, ginamit ng kanilang mga abogado ang opinyon ng kinikilalang WGAD. Pero nang basahin ang hatol noong Disyembre 13, sinabi ng hukom na mas mahalaga ang desisyon ng Korte Suprema ng Russia noong 2017—na nagbawal sa pagsamba ng mga Saksi ni Jehova—kaysa sa opinyon ng WGAD.

Sa taóng ito, 18 kapatid na ang hinatulang may-sala ng Russia, at 9 na brother ang nasentensiyahan ng magkakaibang haba ng pagkakakulong. Mahigit 40 kapatid ang nakakulong bago pa man litisin at 19 naman ang naka-house arrest. Sa buong Russia, halos 300 kapatid ang nahaharap sa kasong kriminal dahil sa kanilang pananampalataya.

Kahit nalulungkot tayo sa mga balita ng pag-uusig sa mga kapatid, hindi na tayo nagugulat. Nakahula na ito sa Bibliya, kasama na ang pangako ni Jehova na susuportahan niya sila. Ipinapanalangin natin na “ang espiritu ng kaluwalhatian, ang espiritu ng Diyos,” ay pumatnubay sa kanila.—1 Pedro 4:12-14.