Pumunta sa nilalaman

PEBRERO 19, 2019
RUSSIA

Sinentensiyahan ng Korte ng Russia si Dennis Christensen ng Anim-na-Taóng Pagkabilanggo

Sinentensiyahan ng Korte ng Russia si Dennis Christensen ng Anim-na-Taóng Pagkabilanggo

Gaya ng ipinatalastas noong Pebrero 6, 2019, sinentensiyahan ng Zheleznodorozhniy District Court ng Oryol si Dennis Christensen ng anim-na-taóng pagkabilanggo dahil sa pakikibahagi nito sa mapayapang pagsamba. Ang hatol ay inaapela na ngayon sa mataas na hukuman.

Ang balita tungkol sa anim-na-taóng sentensiya kay Christensen ay napansin agad sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang di-makatarungan at walang-basehang pag-uusig ng Russia kay Dennis Christensen ay tinuligsa ng internasyonal na mga organisasyon, tulad ng Council of Europe, European Union, United States Commission on International Religious Freedom, Office of the United Nations High Commissioner for Human Rights, at iba pa.

Sa inilabas na pahayag ng U.N. High Commissioner for Human Rights na si Michelle Bachelet, sinabi niya: “Magiging mapanganib na basehan ang malupit na sentensiya kay Christensen. Dahil dito, ituturing na kriminal ang mga Saksi ni Jehova sa Russia dahil sa pananampalataya nila, kahit na mayroon naman silang karapatan sa relihiyon.” Hinimok niya ang gobyerno ng Russia na “rebisahin ang Federal Law on Combating Extremist Activity para linawin ang malabong pagpapakahulugan nito sa ‘ekstremistang gawain’ at tiyakin na ang ituturing lang na ‘ekstremista’ ay ang nagtataguyod ng karahasan at poot.” Nagtapos si Ms. Bachelet sa paghiling sa mga awtoridad na “ibasura ang mga paratang at palayain ang mga ibinilanggo dahil sa kanilang relihiyon o paniniwala, pagsasabi ng sarili nilang opinyon, at mapayapang pagtitipon-tipon.”

Dalawang araw matapos sentensiyahan si Brother Christensen, apat na kilalang eksperto sa karapatang-pantao sa Russia ang nag-organisa ng press conference sa Moscow. Napuno ang bulwagan, at mahigit 6,000 ang sumubaybay sa isang oras na programa na naka-stream online. Ipinagtanggol ng lahat ng nasa panel ang mga Saksi ni Jehova bilang mga taong payapa at hindi banta sa lipunan.

Press conference na ginanap sa Moscow noong Pebrero 8, 2019.

Kasama din sa press conference ang asawa ni Brother Christensen, si Irina; ang abogado niya, si Mr. Anton Bogdanov; at isang kinatawan mula sa European Association of Jehovah’s Witnesses, si Yaroslav Sivulskiy. Nagsalita sila tungkol sa di-makatarungang hatol, at sinagot nila ang mga tanong ng press.

Sa kabila ng pagkakabilanggo nang halos dalawang taon, napapanatili ni Brother Christensen ang kaniyang kagalakan at paninindigan na magtiwala kay Jehova. Ilang araw lang bago ang huling hatol sa kaniya, sinabi niya sa kaniyang huling pahayag sa korte: “Lilitaw at lilitaw din ang katotohanan, at ganiyan ang mangyayari sa kasong ito.” Matapos niyang basahin ang Apocalipsis 21:3-5, nagtapos siya nang may lubos na pananalig: “Ang pananalitang ito ... ay naglalarawan sa panahon na ibibigay ng Diyos ang hustisya at tunay na kalayaan para sa lahat ng tao. Ang kalayaan at katarungan ay magkaugnay. Titiyakin ng Diyos na matutupad ang lahat ng ito.”

Kailangang hintayin ni Brother Christensen ang resulta ng apela habang nasa Detention Facility No. 1 sa rehiyon ng Oryol—kung saan siya nakabilanggo sa nakaraang 20 buwan.

Lagi nating ipanalangin na patuloy na tulungan ng Diyos na Jehova si Dennis Christensen, ang kaniyang asawa, at ang lahat ng ating kapuwa mananamba sa buong Russia.—1 Pedro 3:12.

Ang video na Russian Trial Called ‘A Litmus Test For Religious Freedom’ ay ginawa ng international media outlet RFE/RL ilang araw lang bago ilabas ang hatol.