PEBRERO 25, 2021
RUSSIA
Sister Anna Lokhvitskaya, Naghihintay ng Hatol; Asawa at Biyenan, Kinasuhan Din
UPDATE | Korte sa Russia, Ibinasura ang Apela
Noong Disyembre 16, 2021, ibinasura ng Court of the Jewish Autonomous Region ang apela ni Sister Anna Lokhvitskaya. Hindi siya mabibilanggo sa ngayon.
Noong Hulyo 20, 2021, sinentensiyahan ng Birobidzhan District Court of the Jewish Autonomous Region si Anna ng dalawa-at-kalahating-taóng suspended prison sentence.
Profile
Anna Lokhvitskaya
Ipinanganak: 1993 (Birobidzhan)
Maikling Impormasyon: Pinalaki ng kaniyang nanay na nagturo sa kaniya na sumunod sa mga prinsipyo sa Bibliya. Nabautismuhan noong 2012. Mahusay na mananahi. Ikinasal kay Artur noong 2018. Mahilig silang mangisda, mamasyal, at mag-volleyball
Kaso
Noong Pebrero 6, 2020, isa si Anna sa anim na sister na kinasuhan ng mga awtoridad sa Birobidzhan, Russia, dahil sa “ekstremistang” gawain. May 19 na kasong isinampa sa mga Saksi ni Jehova sa rehiyong iyon, kasama na ang kaso laban sa asawa ni Anna na si Artur at sa biyenan niyang si Irina.
Maraming problema ang naranasan ng mag-asawang Lokhvitskaya dahil sa mga kasong kriminal na isinampa sa kanila. Hindi sila makaalis sa lugar nila, hindi nila ma-access ang bank account nila, at ipinagbawal ang ilang pampublikong serbisyo sa kanila. Nadepres din si Anna, at kung minsan ay kailangan siyang ipagamot.
Sinabi ni Anna ang mga nakatulong sa kaniya: “Nababawasan ang lungkot ko kapag nakikinig ako sa mga kanta sa JW Broadcasting. Hindi lang ako narerelaks, natutulungan din ako nito na magkaroon ng tamang pananaw sa iba’t ibang sitwasyon. Malaking tulong din ang regular na ehersisyo para makapagpokus ako sa positibong mga bagay.”
Sinabi rin ni Anna na sinisikap nilang mag-asawa na unahin ang iba kaysa sa sarili nila. “Napag-usapan namin na buwan-buwan, magbibigay kami ng regalo sa iba, kahit simpleng regalo lang. Sinisikap namin na isipin ang iba at hindi ang mga problema namin.”
Habang hinihintay ang hatol sa kaniya, sinabi ni Anna na para sa kaniya, ang sitwasyon niya ngayon ay ‘isang magandang pagkakataon para ipakitang tapat siya kay Jehova.’—Awit 18:25.