PEBRERO 25, 2021
RUSSIA
Sister Nataliya Kriger, Mahahatulan Matapos Makasama sa “Araw ng Paghuhukom”
UPDATE | Hinatulang Nagkasala ng Korte sa Russia si Sister Nataliya Kriger
Noong Hulyo 30, 2021, hinatulang nagkasala ng Birobidzhan District Court ng Jewish Autonomous Region si Sister Nataliya Kriger. Pinatawan siya ng korte ng suspended prison sentence na dalawang taon at anim na buwan. Hindi niya kailangang makulong sa ngayon.
Profile
Nataliya Kriger
Ipinanganak: 1978 (Khabarovsk)
Maikling Impormasyon: Namatay ang nanay ni Nataliya noong sanggol pa lang siya. Lumaki sa bahay-ampunan. Noong anim na taóng gulang siya, lumipat siya sa Amurzet, Russia, na 400 kilometro ang layo. Tumira kasama ang kaniyang lola, tita, at pinsan na mga Saksi ni Jehova. Naging social worker na nag-aalaga sa mga may-edad
Nabautismuhan bilang Saksi ni Jehova noong 1999. Ikinasal kay Valeriy noong 2017. Mahilig silang sumayaw, mag-rafting, at mag-hiking
Kaso
Noong Mayo 2018, ni-raid ng mga awtoridad ang bahay ng pamilyang Kriger. Bahagi iyon ng operasyon ng gobyerno ng Russia na tinatawag na “Araw ng Paghuhukom.” Pagkatapos, nagsampa ang lokal na prosecutor ng isang kasong kriminal laban kay Valeriy. Noong Pebrero 6, 2020, kinasuhan din ng mga awtoridad si Nataliya. Kasama siya sa anim na sister na kinasuhan nang araw na iyon.
Bukod sa kasong kriminal na isinampa laban sa kaniya, nalulungkot din si Nataliya sa pagkamatay ng lola niya noong Pebrero 2020. Anim na taon niyang inalagaan ang lola niya.
Ang matibay na kaugnayan ni Nataliya kay Jehova ang nakatulong sa kaniya para matiis ang mga pagsubok na ito. Ipinaliwanag niya: “Kapag ipinapanalangin ko ang iba, nalilimutan ko ang mga problema ko. Mas napalapit ako kay Jehova at naging mas totoong-totoo siya sa akin dahil sa pagsubok na ito. Sinasagot niya ang mga panalangin ko at lagi niya akong sinusuportahan.”
Laging iniisip ni Nataliya ang mga dahilan kung bakit nagtitiwala siya na hindi siya papabayaan ni Jehova. Sinabi niya: “Talagang napalakas ako ng Awit 94:19. Ang sabi doon: ‘Pinayapa mo ang kalooban ko at pinaginhawa mo ako.’ Maraming matatapang na lingkod ng Diyos noong panahon ng Bibliya at sa ngayon ang nakapagtiis ng mga pagsubok. Ang pagbubulay-bulay sa mga halimbawa nila ay nagpapalakas sa akin.”