HUNYO 23, 2021
RUSSIA
Sister Olga Ganusha, Napapalakas ng Espesipikong mga Panalangin Habang Nagtitiis ng Pag-uusig
UPDATE | Hindi Tinanggap ng Korte sa Russia ang Apela
Noong Setyembre 30, 2021, hindi tinanggap ng Rostov Regional Court ang apela ni Sister Ganusha. Mananatili ang orihinal na sentensiya sa kaniya. Hindi niya kailangang makulong sa ngayon.
Noong Hulyo 13, 2021, sinentensiyahan ng Voroshilovskiy District Court ng Rostov-on-Don si Sister Olga Ganusha ng dalawang-taóng suspended sentence.
Profile
Olga Ganusha
Ipinanganak: 1961 (Rostov-on-Don, Rostov Region)
Maikling Impormasyon: Retirado. Nagsosolong ina ng isang anak na lalaki. Mahilig gumawa ng mga handicraft, makinig sa klasikal na musika, at magbasa ng aklat
Nagdesisyong mag-aral ng Bibliya nang malaman niya ang tungkol sa pag-asang mabuhay sa isang paraiso kasama ang mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan na bubuhaying muli. Nabautismuhan bilang Saksi ni Jehova noong 1995
Kaso
Noong pasimula ng 2019, palihim na naglagay ng audio at video surveillance equipment ang mga pulis ng Russia sa apartment ni Sister Olga Ganusha. Ginamit nila ito bilang ebidensiya para ma-raid ang apartment niya noong Hunyo 2019. Tiningnan din ng mga awtoridad ang kaniyang mga notebook, sulat, at buklet. Opisyal na kinasuhan si Olga noong Agosto 17, 2020, at nagsimula ang paglilitis sa kaniya noong Marso 4, 2021. Kasama sa mga “krimen” niya ang pagho-host at pakikibahagi sa relihiyosong mga pulong at pakikipag-usap sa iba tungkol sa pananampalataya niya. Sina Sister Lyudmila Ponomarenko at Galina Parkova ay dating kasama sa imbestigasyong ito pero nililitis na ngayon nang hiwalay.
Sa loob ng halos dalawang taon na imbestigasyon at paglilitis, napalakas si Olga ng pananalangin nang espesipiko at marubdob. Sabi ni Olga: “Araw-araw akong nananalangin na pabanalin nawa ang pangalan ng Diyos. Ipinanalangin ko ang mga kapatid na nasa mga detention center, bilangguan, at mga naka-house arrest, na makapagpatotoo sana sila at magkaroon ng lakas ng loob. At ipinanalangin ko na magkaroon sana sila ng matibay na pananampalataya kay Jehova na hindi niya tayo iiwan sa mahihirap na kalagayan.” Tungkol sa kaniyang sitwasyon, sinabi pa niya: “Hiniling ko kay Jehova na tulungan akong huwag matakot, na magtiwala sa kaniya, at gawin akong haliging bakal at pader na tanso, gaya ng ginawa niya kay Jeremias. Gusto kong matiis ang lahat ng maaapoy na pagsubok, gaya ng tatlong Hebreo. At sana’y lagi akong magpakita ng dignidad, gaya ni Kristo sa harap ng mga kaaway niya.”
Nagtitiwala tayo na patuloy na tutulungan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang “matuwid [na] kanang kamay” si Olga at ang iba pa na pinag-uusig dahil sa kanilang pananampalataya.—Isaias 41:10.