MARSO 17, 2021
RUSSIA
Sister Tatyana Zagulina, Sinampahan ng Kasong Kriminal sa Birobidzhan
UPDATE | Hindi Tinanggap ng Korte sa Russia ang Apela
Noong Setyembre 16, 2021, hindi tinanggap ng Jewish Autonomous Regional Court ang apela ni Sister Zagulina. Mananatili ang orihinal na sentensiya sa kaniya. Hindi niya kailangang makulong sa ngayon.
Noong Marso 31, 2021, hinatulang nagkasala ng Birobidzhan District Court ng Jewish Autonomous Region si Sister Tatyana Zagulina. Pinatawan siya ng suspended prison sentence na dalawang taon at anim na buwan.
Profile
Tatyana Zagulina
Ipinanganak: 1984 (Selektsionnaya Village, Trans-Baikal Territory)
Maikling Impormasyon: Nag-aral ng fashion design. Nagtrabaho bilang manikurista at mananahi na nagre-repair ng mga damit pangkasal. Mahilig siyang maglaro ng volleyball, ping pong, magsayaw, at mag-knit
Hanga siya sa ganda ng kalikasan at naniniwala sa Maylikha. Nang maglaon, nagpa-Bible study sa mga Saksi ni Jehova. Nabautismuhan noong 2010. Napangasawa si Dmitry noong 2012
Kaso
Noong Mayo 17, 2018, ni-raid ng 150 pulis ang 22 bahay ng mga Saksi ni Jehova. Tinawag ng mga pulis ang operasyong ito na “Araw ng Paghuhukom.” Mula noon, 22 kapatid sa rehiyong iyon ang sinampahan ng kasong kriminal ng local investigator’s office. Noong Pebrero 6, 2020, opisyal na sinampahan ng kasong kriminal ang anim na Kristiyanong sister, kasama na si Tatyana, dahil sa gawaing “ekstremista.”
Nagsimula ang paglilitis kay Tatyana noong Setyembre 17, 2020. Habang hinihintay niya ang desisyon ng korte, pinagbawalan siya ng mga awtoridad na bumiyahe sa labas ng rehiyon at hindi siya puwedeng maglabas o magdeposito ng pera sa bangko niya.
Sinabi ni Tatyana na nakatulong sa kaniya ang pananalangin at pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya para makapagtiis at patuloy na mangaral at ipagtanggol ang kaniyang pananampalataya. Sinabi niya: “Pagdating ng [mga pulis], natakot ako sa lakas ng katok nila, pero nanalangin ako agad. Pagkatapos, kumalma na ako.”
Halimbawa, nang halughugin ang bahay niya, sinabi niya sa isa sa mga pulis na lalong tumibay ang pananampalataya niya nang araw na iyon. Nang tanungin siya kung bakit, sinabi niya na parang tinutupad niya ang sinabi ni Jesus sa Juan 15:20: “Ang alipin ay hindi mas dakila kaysa sa panginoon niya. Kung pinag-usig nila ako, pag-uusigin din nila kayo.” Sinabi pa niya: “Sumagot ang isa sa mga pulis, ‘Sa paraan ng pagsasalita mo ngayon, parang isa ako sa mga pumatay kay Jesus.’ Nang sandaling iyon, hindi lang napatibay ang pananampalataya ko kundi nakadama rin ako ng kapayapaan at kagalakan sa puso ko. Para bang naroon sa tabi ko si Jehova at tinutulungan ako!” Sa simula ng mga paglilitis, medyo natatakot siya sa korte. Pero pagkatapos manalangin at humingi ng lakas ng loob, sinabi niya, “Hindi na ako takot magsalita.”
Pinasasalamatan natin ang pagsuporta at pagpapala ni Jehova sa ‘pananampalataya, pag-ibig, at pagtitiis’ ng mahal nating mga kapatid sa Russia.—1 Tesalonica 1:2, 3.