Pumunta sa nilalaman

Si Sister Yekaterina Pegasheva

ABRIL 8, 2021
RUSSIA

Sister Yekaterina Pegasheva, Nananatiling Tapat Kahit Akusado sa Russia

Sister Yekaterina Pegasheva, Nananatiling Tapat Kahit Akusado sa Russia

UPDATE | Korte sa Russia, Hindi Tinanggap ang Apela ni Sister Yekaterina Pegasheva

Noong Agosto 4, 2021, hindi tinanggap ng Supreme Court of the Republic of Mari El ang apela ni Sister Yekaterina Pegasheva. Pinagtibay ang hatol sa kaniya na suspended prison sentence na anim at kalahating taon. Hindi niya kailangang makulong sa ngayon.

Noong Mayo 31, 2021, hinatulan ng Gornomariyskiy District Court ng Republic of Mari El si Sister Yekaterina Pegasheva. Pinatawan siya ng suspended prison sentence na anim na taon at anim na buwan.

Profile

Yekaterina Pegasheva

  • Ipinanganak: 1989 (Gaintsy, Kirov Region)

  • Maikling Impormasyon: Nagsosolong anak. Mahilig magbasa ng libro, magsulat ng tula, at kumanta. Nagtatrabaho siya bilang housekeeper. Nag-aral siya ng wikang Mari para palawakin ang ministeryo niya

Kaso

Noong Oktubre 3, 2019, inaresto si Sister Pegasheva, sa Yoshkar-Ola, ang kabisera ng Republic of Mari El. Hinalughog ng mga pulis ang bahay niya at kinuha ang kaniyang mga aklat, elektronikong mga gadyet, personal na mga liham, at dokumento. Inakusahan si Yekaterina ng pakikibahagi sa mga gawain ng ipinagbabawal na organisasyon dahil tinatalakay niya ang Bibliya sa mga kapananampalataya niya.

“Bigla akong sinugod ng mga pulis sa kalye at itinulak sa isang puno habang nasa likod ko ang mga kamay ko,” ang sabi ni Yekaterina. “Nanalangin ako nang maikli, gaya ni Nehemias, para tulungan ako ni Jehova.” Pagkatapos maaresto, ikinulong siya nang mahigit 100 araw bago pa man litisin. Siya ngayon ay naka-house arrest.

Si Yekaterina ay paulit-ulit na pinagtatanong habang nakakulong bago pa ang paglilitis. Nakatulong sa kaniya ang mga natutuhan niya sa Bibliya. Sabi niya: “Naalaala ko ang mga pahayag na narinig ko at ang mga atas na tinanggap ko nang mag-aral ako sa School for Kingdom Evangelizers. Ang isa na natatandaan kong nagpatibay sa akin: Kapag sinasagot mo ang mga kaaway sa panahon ng interogasyon, nakatayo ka rin sa harap ng Panginoong Jesus. Nakatulong ito sa akin na magpakita ng pagpipigil sa sarili at paggalang sa mga awtoridad na walang katarungang nag-aakusa sa akin.”

Naging mahirap para kay Yekaterina na makulong at ma-house arrest nang mahigit isang taon. Nagkasakit siya at hindi siya makapagtrabaho. Napakahirap para sa kaniya na mahiwalay sa nanay at lola niya. Sa kabila ng mga pagsubok na ito, determinado si Yekaterina na manatiling tapat. Sinabi niya: “Habang ginigipit nila ako, lalo kong isinusuot ang aking espirituwal na kasuotang pandigma.” Sinabi pa niya: “Ngayon, wala na akong kinatatakutan! Malakas ang loob ko noon, pero ngayon sa tulong ng banal na espiritu ng Diyos, lalong lumakas ang loob ko.”

Habang hinihintay ni Yekaterina ang desisyon ng korte, alam natin na patuloy siyang magtitiwala kay Jehova, na nagpapalakas sa lahat ng lingkod niya.—Exodo 15:2.