Pumunta sa nilalaman

Si Sister Yelena Barmakina at ang asawa niyang si Dmitriy

SETYEMBRE 28, 2020
RUSSIA

Sister Yelena Barmakina, Puwedeng Mahatulang Kriminal Dahil sa Pananalangin Niya at Pagbabasa ng Bibliya

Sister Yelena Barmakina, Puwedeng Mahatulang Kriminal Dahil sa Pananalangin Niya at Pagbabasa ng Bibliya

Iskedyul ng Paghatol

Sa Setyembre 29, 2020, * ibababa ng Pervorechenskiy District Court ng Vladivostok ang hatol nito kay Sister Yelena Barmakina. Napapaharap siya sa tatlong-taóng probation. Habang hinihintay ni Sister Barmakina ang hatol sa kaniya, patuloy ding dinidinig ang hiwalay na kaso ng asawa niyang si Dmitriy.

Profile

Yelena Barmakina

  • Ipinanganak: 1967 (Cherepanovo, Novosibirsk Region)

  • Maikling Impormasyon: Nag-aalaga sa may-edad niyang magulang at lola. Mahilig sa photography at naging photographer. Mahilig ding mag-swimming at hiking

  • Nang makipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, nakumbinsi siya na makapangyarihan ang Diyos dahil sa natupad na mga hula. Tumibay ang pananampalataya niya nang sagutin ni Jehova ang mga panalangin niya. Napangasawa niya si Dmitriy noong 2003

Kaso

Noong Hulyo 28, 2018, 7:00 a.m., pinasok ng isang grupo ng armado at nakamaskarang mga pulis ang apartment ng 90-anyos na lola ni Sister Yelena Barmakina. Nandoon noon si Sister Barmakina at ang asawa niyang si Dmitriy para alagaan ang lola niya. Inaresto si Brother Barmakin at ikinulong bago pa man litisin. Binantaan ng mga pulis si Sister Barmakina at sinabing, “Susunod ka na!”

Pagkatapos ng isang taon, ipinasara ng mga awtoridad ang bank account ni Sister Barmakina. Noong Agosto 6, 2019, nagsampa ng kasong kriminal ang imbestigador laban kay Sister Barmakina dahil nananalangin siya, nagbabasa ng Bibliya, at nanonood ng mga pahayag sa Bibliya. Hiniling ng abogado niya na iatras ang kaso niya kasi normal lang na gawin ng kahit sinong relihiyosong tao ang ipinaparatang sa kaniya. Pero pumanig ang hukom sa sinabi ng prosecutor na “ekstremistang gawain” ang ginawa ni Sister Barmakina at ipinagbabawal ito ng batas sa Russia.

Sobrang na-stress si Sister Barmakina dahil sa mga paglilitis. Nahiwalay siya sa asawa niya nang 447 araw dahil ikinulong ito bago pa man litisin. Nahihirapan ding makakuha ng trabaho si Sister Barmakina dahil lagi siyang ipinapatawag para sa paglilitis o interogasyon.

Dahil sa pag-aaral natin ng Bibliya, hindi na tayo nagtataka kung bakit nagsisikap ang awtoridad ng Russia na sirain ang katapatan ng mga kapatid natin. Pero napapatibay tayo kasi alam natin na patuloy na magiging “kanlungan at lakas” nila si Jehova.—Awit 118:13, 14.

^ Posible pang magbago