Pumunta sa nilalaman

Si Sister Yelena Reyno-Chernyshova

ENERO 28, 2021
RUSSIA

Sister Yelena Reyno-Chernyshova, Napapaharap sa Kasong Kriminal Dahil sa Kaniyang Pananampalataya

Sister Yelena Reyno-Chernyshova, Napapaharap sa Kasong Kriminal Dahil sa Kaniyang Pananampalataya

Iskedyul ng Paghatol

Sa Enero 29, 2021, a nakatakdang ibaba ng Birobidzhan District Court ng Jewish Autonomous Region ang hatol nito sa kaso ni Sister Yelena Reyno-Chernyshova. Wala pang sinasabi ang prosecutor kung anong parusa ang ipapataw sa kaniya.

Profile

Yelena Reyno-Chernyshova

  • Ipinanganak: 1968 (Maloy, Irkutsk Region)

  • Maikling Impormasyon: Nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova noong 1990’s. Ito ang nagpakilos sa kaniya na iwan ang pagsusundalo at ayusin ang pagsasama nilang mag-asawa. Nabautismuhan noong 1998

  • Hindi Saksi ang asawa niya, pero sinusuportahan siya nito sa desisyon niya na maglingkod kay Jehova. Mahilig maglaro ng soccer at volleyball

Kaso

Noong Setyembre 29, 2019, nagsampa ang awtoridad ng Birobidzhan ng kasong kriminal laban kay Sister Yelena Reyno-Chernyshova.

Hinalughog ng mga agent ng Federal Security Service (FSB) ang bahay ni Yelena. Nagpapasalamat siya na tinulungan siya ni Jehova na manatiling kalmado. Sinabi niya: “Walang tigil akong nanalangin kay Jehova para maging kalmado ako, malakas ang loob, makakilos nang may dignidad, at makapanatiling tapat. Magalang silang lahat at maayos nilang hinalughog ang bahay ko.”

Hindi naging maganda ang epekto ng paglilitis kay Yelena at sa pamilya niya. Inatake sa puso ang asawa niya (ikatlong beses) noong Hulyo 2020. Hindi pinayagan ng awtoridad si Yelena na lumabas ng Birobidzhan. Pinagbawalan din siyang gamitin ang account niya sa bangko.

Napalakas si Yelena ng pagbubulay-bulay sa halimbawa ng ibang mga lingkod ni Jehova na nakaranas din ng pag-uusig. Sinabi niya: “Gustong-gusto kong basahin ang mga report tungkol sa mga kapatid na ni-raid ang bahay at pinag-usig dahil sa pananampalataya nila kay Jehova. Kahit marami silang naging problema at nakaranas ng pang-aabuso, lakas-loob nilang natiis ang lahat ng iyon.” Nakatulong din sa kaniya ang regular na pagbabasa at pagbubulay-bulay ng Bibliya.

Habang nagtitiis, gustong-gusto ni Yelena na bulay-bulayin ang Isaias 30:15, na nagsasabi: “Magkakaroon kayo ng lakas kung mananatili kayong panatag at magtitiwala.” Sinabi niya: “Lagi kong iniisip ang tekstong ito. Hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag kung gaano ako nagpapasalamat kay Jehova na inilapit niya ako sa kaniya! . . . Panatag ako. Nagtitiwala ako kay [Jehova] at umaasa sa kaniya sa lahat ng bagay. Sigurado ako na hindi niya ako papabayaan.”

a Posible pang magbago.