Pumunta sa nilalaman

Si Sister Yuliya Kaganovich

PEBRERO 11, 2021
RUSSIA

Sister Yuliya Kaganovich, Pinaghandaan ang mga Pag-uusig

Sister Yuliya Kaganovich, Pinaghandaan ang mga Pag-uusig

Iskedyul ng Paghatol

Sa Pebrero 18, 2021, a ibababa ng Birobidzhan District Court ng Jewish Autonomous Region ang hatol nito sa kaso ni Sister Yuliya Kaganovich. Wala pang sinasabi ang prosecutor kung anong parusa ang ipapataw sa kaniya.

Profile

Yuliya Kaganovich

  • Ipinanganak: 1966 (Mikhaylovka, Volgograd Region)

  • Maikling Impormasyon: Nag-aral ng civil engineering. Noong kabataan siya, nag-aral siyang sumayaw, nagtapos sa isang music school, at naging miyembro ng isang orchestra at choir. Hindi Saksi ang asawa niyang si Aleksandr pero sinusuportahan siya nito, at naniniwala ito na hindi makatarungan ang kasong kriminal na isinampa sa kaniya

    Dahil sa pagkamatay ng mga mahal niya sa buhay, pinag-isipan niya kung ano talaga ang layunin ng buhay. Nagkaroon siya ng kapayapaan at pag-asa nang mag-aral siya ng Bibliya. Nabautismuhan noong 1998. Nakatulong ang mga prinsipyo sa Bibliya para maging matatag ang pagsasama nilang mag-asawa, magkaroon siya ng mabuting kaugnayan sa iba, at mapalaki ang anak niyang si Artur, na isa ring Saksi ni Jehova

    Lalong humihina ang pangangatawan ni Yuliya dahil sa kasong isinampa sa kaniya

Kaso

“Noong may kumatok sa pinto nang madaling araw na iyon, alam ko na agad kung sino ’yon,” ang sabi ni Sister Yuliya Kaganovich. “Ang bilis ng tibok ng puso ko, at paulit-ulit kong sinasabi: ‘Jehova, tulungan n’yo po ako. Jehova, tulungan n’yo po ako.’”

Ang pag-uusig sa kapatid natin na 53 taóng gulang na ay nagsimula noong Oktubre 10, 2019, sa lunsod ng Birobidzhan, Russia. Kasama ang bahay nila sa mahigit 20 bahay ng mga Saksi na ni-raid ng mga opisyal ng Russian Federal Security Service (FSB) sa rehiyong iyon.

Sobrang nakaka-stress ang raid. Buti na lang, matatag si Yuliya at ang iba pang Saksi dahil pinaghandaan nila ang pag-uusig.

“Paulit-ulit na sinasabi sa mga pulong na baka halughugin ang bahay namin, kaya nakapaghanda kami,” ang sabi ni Yuliya. “Dahil alam ko na posible ngang mangyari iyon, inisip ko na kung ano ang gagawin at sasabihin ko.” Sinabi pa niya: “Nakita ko na napakahalaga na maging handa ako para alam ko ang gagawin ko. Kaya noong mangyari iyon, alam ko na agad ang gagawin ko, hindi ako natulala o kaya nataranta na parang hindi alam ang gagawin.”

Gaya ng inaasahan, nagsampa agad ang mga awtoridad sa Russia ng mga kaso pagkatapos ng raid. Kinasuhan si Yuliya at ang iba pa dahil sa pakikibahagi sa “ekstremistang” gawain.

Noong Marso 3, 2020, iniakyat ang kaso sa Birobidzhan District Court. Pansamantalang natigil ang paglilitis nang limang buwan dahil sa COVID-19 pandemic. Humarap ulit sa korte si Yuliya noong Oktubre 22, 2020.

“Ayoko sanang mangyari sa akin ito. Pero masaya rin ako na maipakitang naninindigan ako para sa soberanya ni Jehova,” ang sabi ni Yuliya.

“Napakalaki ng naitulong sa akin ng Isaias 41:10. Nag-print ako ng tekstong ito, at isinabit ko iyon sa bahay namin para lagi kong maalala ang pangakong ito ng Diyos na Jehova,” ang sabi niya. “Naranasan ko mismo na tinulungan ako ni Jehova na maging malakas ang loob.”

Nagsaulo talaga si Yuliya ng mga teksto na tumulong sa kaniya na maging kalmado, matapang, at masaya kahit napakahirap ng sitwasyon niya.

Ngayon pa lang, ihanda na natin ang puso at isip natin para maharap ang mga pagsubok na darating. Sigurado tayo na “si Jehova ay hindi magkakait ng anumang mabuti sa mga lumalakad nang tapat.”—Awit 84:11.

a Posible pang magbago.