Pumunta sa nilalaman

Mula kaliwa pakanan: Si Brother Ivan Puyda habang nasa loob ng selda, ang tatay niya na si Brother Grigoriy Puyda, at ang lolo niya na si Brother Pyotr Partsey

OKTUBRE 14, 2020
RUSSIA

Tatlong Henerasyon ng Tapat na Paglilingkod Kahit Pinag-uusig

Tatlong Henerasyon ng Tapat na Paglilingkod Kahit Pinag-uusig

Napapaharap si Brother Ivan Puyda sa kasong kriminal. Napapatibay siya ng halimbawa ng katapatan ng kaniyang tatay at lolo

Maraming masasayang alaala si Brother Ivan Puyda sa kaniyang tatay. Tuwing gabi, pag-uwi ng tatay niya, binabasahan siya nito at ang pito niyang kapatid ng Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya. Tandang-tanda pa niya na nangangaral siya kasama ang tatay niya na si Grigoriy, sa isang maliit na nayon sa Kvitok. Pinapangaralan nila ang mga teacher at kaklase niya. Noong kabataan pa siya, nangangaral din sila ng lolo niya, tatay ng nanay niya, na si Brother Pyotr Partsey sa isang di-nakaatas na teritoryo. Nakita niya ang sakripisyo at sigasig ng lolo niya sa ministeryo.

Nakikita rin ni Brother Puyda ang tatay at lolo niya na nagbabasa ng Bibliya at mga publikasyon natin. Gusto niya silang tularan.

Ngayong 41 taóng gulang na si Brother Puyda, natutularan pa rin niya ang halimbawa ng tatay at lolo niya sa isang bagay na hindi niya inaasahan—pag-aresto at pagbibilanggo sa kaniya bilang lingkod ni Jehova. Noong Mayo 30, 2018, inaresto siya ng Federal Security Service (FSB). Apat na buwan siyang ibinilanggo. Nang makalaya siya, anim na buwan naman siyang naka-house arrest. Ang lolo niya, si Brother Partsey, ay inaresto at nakulong noong panahon ng Nazi at Soviet Union. Ang tatay naman niya, si Brother Grigoriy Puyda, ay ibinilanggo ng Soviet Union.

Sinabi ni Brother Puyda: “Isinulat ni apostol Pablo sa 2 Timoteo 3:14, ‘Patuloy mong sundin ang mga bagay na natutuhan mo at nahikayat na paniwalaan, dahil alam mo kung kanino mo natutuhan ang mga ito.’ Napapalakas ako ng mga nagturo sa akin ng katotohanan. Alam ko na hindi sila mapapahinto ng gobyerno o bilangguan na paglingkuran si Jehova, at na matatapos din ang pag-uusig. Ngayong nararanasan ko ang naranasan nila, tutularan ko ang halimbawa nila. Hangga’t tapat ako kay Jehova, alam ko na pagpapalain niya ako.” Naghihintay ngayon ng hatol si Brother Puyda.

Sinabi niya na kapag nagkukuwento ang tatay at lolo niya tungkol sa karanasan nila sa bilangguan, hindi nila sinasabi kung gaano kahirap ang sitwasyon nila roon. Ikinukuwento lang nila ang mga karanasan nila sa pangangaral.

Si Grigoriy, 64 na ngayon, ay nabautismuhan noong 1975. Kakatapos lang niya noon na mabilanggo nang isang taon sa labor camp ng Soviet dahil sa pagtangging magsundalo. Pinalaya siya noong 1977. Nabilanggo ulit siya nang isa pang taon noong 1986 dahil mayroon siyang ipinagbabawal na literatura natin. Ang tatay naman ni Grigoriy, na may pangalan ding Ivan, ay nabilanggo sa isang labor camp mula 1944 hanggang 1950 dahil sa neutralidad.

Sinabi ni Grigoriy: “Nakatulong sa akin ang pagkakaroon ng matibay na pananampalataya para matiis ko ang pag-uusig. Kahit kailan, ’di ko pinagdudahan ang paglakad sa katotohanan at na si Jehova ang tunay na Diyos.”

Ngayon, nararanasan din ng anak niyang si Ivan ang pag-uusig. “Naalala ko noong panahon ng Soviet, ganiyang-ganiyan ang nangyayari ngayon,” ang sabi ni Grigoriy. “Kaya ipinapanalangin ko na maging tapat din si Ivan sa kabila ng mga pagsubok at mapabanal niya ang pangalan ni Jehova dahil sa pagtitiis niya.”

Noong 1943, ang lolo ni Ivan na si Brother Partsey, na patay na ngayon, ay dinala sa kampo ng Majdanek. Pagkatapos, dinala naman siya sa Ravensbrück ng mga Nazi dahil tumanggi siyang pirmahan ang isang dokumento na nagsasabing tumatalikod na siya sa kaniyang pananampalataya. Nakalaya siya nang matalo ang mga Nazi noong 1945. Inaresto siya ulit noong 1952 at hinatulan siyang mabitay. Pero binago ang hatol sa kaniya, at pinalaya siya noong 1956. Noong 1958, inaresto ulit si Brother Partsey dahil sa kaniyang pananampalataya at pinalaya noong 1964.

“Napatibay talaga ako sa katapatan ng lolo ko,” ang sabi ni Ivan. “’Pag binuhay siyang muli, ikukuwento ko sa kaniya na naranasan ko rin ang naranasan niya at napatibay niya ako na manatiling tapat at matapang.”

“Walang makakapag-alis ng pananampalataya ko at pag-ibig sa Diyos na Jehova,” ang sabi ni Ivan. “Paulit-ulit kong sinabi sa mga imbestigador: ‘Kaya n’yo ’kong arestuhin at ibilanggo, pero iyon lang ang magagawa ninyo. ’Di n’yo kayang kontrolin ang puso’t isip ko.’”

Ano ang nakatulong sa mga kapatid natin na magtiis?

Sinabi ni Ivan: “Sinabi sa Gawa 14:22, ‘Kailangan nating dumanas ng maraming kapighatian para makapasok sa Kaharian ng Diyos.’ Kailangang tiisin ng lahat ng Kristiyano ang mga pagsubok. Hindi naman lahat ng pagsubok ay pagkabilanggo. Puwede itong sakit o kamatayan ng mahal sa buhay. Pero kung mayroon tayong positibong pananaw at matibay na kaugnayan kay Jehova, matitiis natin ang mga iyon. Laging nandiyan si Jehova para tulungan ang bayan niya.”

Sinabi ng tatay niya na si Grigoriy: “Patibayin mo ang kaugnayan mo kay Jehova. Maging kaibigan niya. Mahalaga na kumbinsido ka na sulit magsakripisyo para sa katotohanan. Siguradong pagpapalain ka.”

Nakakapagpatibay mabasa ang mga karanasan kung paano tinutulungan ni Jehova ang mga kapatid na pinag-uusig dahil sa kanilang pananampalataya. Patuloy nating ipinapanalangin na magkaroon ng lakas ng loob ang mga kapatid sa Russia at mapatibay sila sa pangako ni Jehova: “Huwag kang matakot . . . Napakalaki ng magiging gantimpala mo.”​—Genesis 15:1.