Pumunta sa nilalaman

Mula sa itaas sa kaliwa pakanan: Si Brother Yevgeniy Deshko; Brother Ruslan Korolyov; Brother Viktor Malkov at ang asawa niyang si Vera; Brother Valeriy Shalev at ang asawa niya, si Svetlana. Si Brother Malkov, na kasama sa kaso ng iba pang brother, ay namatay bago makapagdesisyon ang korte

MARSO 24, 2021
RUSSIA

Tiniis ng Apat na Brother sa Smolensk ang Matinding Pag-uusig at Pagkakakulong Dahil sa Kanilang Pananampalataya

Tiniis ng Apat na Brother sa Smolensk ang Matinding Pag-uusig at Pagkakakulong Dahil sa Kanilang Pananampalataya

UPDATE | Hindi Tinanggap ng Korte sa Russia ang Apela

Noong Agosto 31, 2021, hindi tinanggap ng Smolensk Regional Court ang apela nina Brother Deshko, Korolyov, at Shalev. Mananatili ang orihinal na sentensiya sa kanila. Hindi nila kailangang makulong sa ngayon.

Hinatulan ng Korte sa Russia na Nagkasala ng “Extremism” ang Tatlong Brother

Noong Abril 23, 2021, hinatulan ng Industrial District Court ng Smolensk na nagkasala sina Brother Yevgeniy Deshko, Ruslan Korolyov, at Valeriy Shalev. Sinentensiyahan ng anim-at-kalahating-taóng suspended prison sentence sina Brother Korolyov at Shalev, at anim-na-taóng suspended prison sentence naman ang sentensiya kay Brother Deshko.

Profile

Yevgeniy Deshko

  • Ipinanganak: 1989 (Sochi)

  • Maikling Impormasyon: Nagtrabaho bilang isang massage therapist, driver, at electrician. Pinalaki siya ng mga magulang na Saksi. Dahil iginagalang niya ang turo ng Bibliya, tumanggi siyang magsundalo. Nabautismuhan siya noong 2012. Mula 2012 hanggang 2014, nagtrabaho siya sa isang ospital kapalit ng paglilingkod sa militar

Ruslan Korolyov

  • Ipinanganak: 1982 (Smolensk)

  • Maikling Impormasyon: Noong bata pa siya, mahilig siyang magkumpuni ng elektronikong mga gadyet. Nang maglaon, naging mekaniko siya. Naglingkod siya sa hukbo ng Russia. Nakipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at nakasumpong siya ng kaaliwan sa katotohanan. Nabautismuhan siya noong 2004

  • Viktor Malkov

  • Ipinanganak: 1959 (Smolensk)

    Maikling Impormasyon: Nagtrabaho bilang isang mekaniko, karpintero, at tagagawa ng bubong. Napangasawa niya si Vera noong 1992. Mahilig siyang maglaro ng soccer noong kabataan niya. Inalagaan niya ang kapatid niya na may diperensiya sa paningin

    Dahil marahas siya, nakulong siya nang pitong taon. Muntik na silang magdiborsiyo ng asawa niya. Pagkatapos makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, naging mapayapang mamamayan siya na sumusunod sa batas at napakabait na asawa. Nabautismuhan siya noong 2008. Namatay siya noong Abril 26, 2020

Valeriy Shalev

  • Ipinanganak: 1977 (Yartsevo)

  • Maikling Impormasyon: Nag-aral ng English noong kabataan niya. Nagtapos siya sa isang paaralang militar. Lumipat siya sa Far East ng Russia para magtrabaho bilang isang accountant para sa militar. Pagkatapos maglingkod sa army, nagtrabaho siya bilang isang financial consultant. Noong 1999, napangasawa niya sa Svetlana, na nakilala niya sa kolehiyo, at inampon ang apat-na-taóng-gulang na anak nito. Mahilig pa rin siyang maglaro ng soccer at tumakbo

    Nakipag-aral ng Bibliya ang nanay niya sa mga Saksi ni Jehova at ikinukuwento sa kaniya ng nanay niya ang natututuhan nito. Sinikap niyang pasinungalingan ang paniniwala na nanay niya pero nang bandang huli na-realize niya na iyon ang katotohanan. Nabautismuhan siya noong 2002

Kaso

Ang pag-uusig sa Smolensk ay nagsimula bago pa ipagbawal ng Korte Suprema ng Russia ang gawain ng mga Saksi ni Jehova noong 2017. Noong Disyembre 18, 2016, ginambala ng armadong mga pulis ang pulong sa Kingdom Hall sa Smolensk. Mga 60 kapatid ang nagpupulong noon. Nang i-raid ang Kingdom Hall, naglagay roon ang mga pulis ng mga literaturang idineklara ng Russia bilang “ekstremistang babasahín.” Pagkatapos, “nakita” daw nila ito doon.

Sunod-sunod na paghalughog ng mga bahay, pag-aresto, at pagpapakulong ang nangyari noong 2018 at 2019. Noong Abril 25, 2019, ni-raid ng mga pulis ang ilang bahay at inaresto sina Brother Ruslan Korolyov, Valeriy Shalev, at Viktor Malkov. Tinanong ni Viktor ang mga pulis: “Nakulong ako nang pitong taon dahil sa pakikipag-away, pagkatapos naging Saksi ni Jehova ako. Ngayon, gusto ba ninyo akong ikulong dahil . . . nangangaral ako ng mabuting balita?”

Pagkatapos arestuhin at ikulong ang ibang kapatid, inaresto at ikinulong din si Brother Yevgeniy Deshko. Naalala ni Yevgeniy: “Dahil inaasahan ko nang aarestuhin din ako, naghanda ako.” Napapatibay siya ng sinabi ni Jehova kay Josue: “Lakasan mo ang loob mo at magpakatatag ka. Huwag kang masindak o matakot, dahil kasama mo si Jehova na iyong Diyos saan ka man magpunta.” (Josue 1:9) Sinabi ni Yevgeniy: “Hinihiling ni Jehova na magpakalakas-loob tayo at nangangako siya na tutulungan niya tayo.”

Habang nakakulong, sinabi ni Ruslan na binulay-bulay niya ang sinabi ni Jesus sa Mateo 6:34. Sa halip na mag-alala kung ano ang maaaring mangyari, naaalala ni Ruslan: “Naging abala ako sa pagpapatotoo sa pamamagitan ng liham, pagbabasa ng Bibliya, at pakikipag-usap sa ibang mga bilanggo tungkol sa katotohanan. Wala akong panahon para mag-alala o masiraan ng loob.”

Noong Marso 2020, binawasan ng imbestigador ng Federal Security Service (FSB) na si G. P. Bezrukov ang restriksiyon ng apat na brother, at pinahinto ang kanilang house arrest. Halos isang taon silang nakakulong at naka-house arrest. Nagkaroon ng ganitong pagbabago at naging mas malaya ang ating tapat na mga kapatid dahil sumusunod sila sa mga awtoridad at nananatili silang positibo noong nakakulong sila. Sigurado ang imbestigador na kung bibigyan niya sila ng higit na kalayaan, wala silang gagawing masama sa panahon ng imbestigasyon at hindi rin nila ito hahadlangan.

Nakakalungkot na di-nagtagal pagkatapos nito, namatay si Viktor. Marami ang naniniwala na nagkasakit si Viktor at namatay dahil sa mahirap na kalagayan sa kulungan bago pa man siya litisin at dahil din sa stress na naranasan niya may kaugnayan sa kaso.

Desidido sina Ruslan, Valeriy, at Yevgeniy na tularan si Viktor at ang marami pang iba na naging tapat kay Jehova hanggang kamatayan. Dahil nanatili silang malapít kay Jehova, hindi lang nila natiis ang pag-uusig—masaya rin sila.

Sinabi ni Valeriy: “Naging mas malapít ako kay Jehova nang makulong ako. Ngayon lang ako naging ganito kalapít sa kaniya. Lagi akong nagbabasa ng Bibliya. Mahirap ang buhay sa loob ng bilangguan, pero nakakaya naman ito ng iba kahit walang tulong ni Jehova. Kaya lalo natin itong matitiis dahil katulong natin si Jehova.”

Sinabi ni Yevgeniy na mas kumbinsido siya ngayon na talagang tinutulungan tayo ni Jehova. Sabi ni Yevgeniy: “Kumbinsido ako na tinutulungan tayo ng ating Ama, lalo na kapag nagtitiis tayo ng matitinding pagsubok. Kaya hindi na ako masyadong nag-aalala kung ano pa ang kailangan kong tiisin sa hinaharap.”

Anuman ang maging desisyon ng korte, sinabi ni Yevgeniy: “Determinado akong gawin ang aking buong makakaya para matiis ang lahat ng pagsubok na ito at manatiling tapat.”

Sa tulong ni Jehova, alam natin na patuloy na magtitiis ang mga kapatid na ito pati na ang kanilang mga pamilya nang may kagalakan sa panahong ito ng pagsubok.—2 Tesalonica 3:5.