PEBRERO 18, 2020
RUSSIA
Tinorture ng mga Pulis si Brother Vadim Kutsenko sa Chita, Russia
Noong gabi ng Pebrero 10, 2020, si Brother Vadim Kutsenko, isang Saksi ni Jehova, ay tinorture ng mga pulis sa Chita, Russia. Paulit-ulit siyang binugbog, sinakal, at kinuryente sa tiyan at binti. Habang ginagawa nila ito, pinipilit nila siyang magbigay ng impormasyon tungkol sa mga Saksi ni Jehova.
Noong umaga ng araw na iyon, hinalughog ng Federal Security Services (FSB) ang halos 40 bahay ng mga Saksi sa Chita, pati na ang bahay ni Brother Kutsenko. Noong alas-11 ng gabi, inaresto siya ng mga pulis sa bahay ng biyenan niya. Pinosasan siya, tinalukbungan ang ulo, at dinala sa isang gubat para i-torture. Pero hindi nagbigay ng impormasyon si Brother Kutsenko tungkol sa mga Saksi. Nang makita ng mga pulis na wala silang makukuhang impormasyon sa kaniya, dinala nila siya sa opisina ng imbestigador para sa interogasyon.
Pagkatapos, ibinilanggo si Brother Kutsenko, pati na ang tatlo pang kapatid na inaresto sa raid sa Chita—sina Sergey Kirilyuk, Pavel Mamalimov, at Vladimir Yermolayev.
Pagkalipas ng dalawang araw, nagdesisyon ang Ingodinskiy District Court na ikulong pa rin sina Brother Kutsenko, Brother Kirilyuk, at Brother Mamalimov nang 72 oras. Pinalaya ng korte si Brother Yermolayev at ipina-house arrest.
Noong Pebrero 15, pinalaya si Brother Vadim Kutsenko at ang dalawang brother dahil walang sapat na ebidensiya ang imbestigador para kasuhan sila. Pinalaya sila ng imbestigador nang walang paglilitis, at hindi sila binigyan ng restriksiyon.
Ipinapanalangin nating si Brother Kutsenko at ang iba pa nating kapatid sa Russia ay patuloy na magkakaroon ng ‘lakas ng loob at magpapakatatag,’ na nagtitiwalang susuportahan sila ni Jehova sa lahat ng pagsubok.—Josue 1:7, 9.