Pumunta sa nilalaman

Mula kaliwa pakanan: Sina Aleksey Budenchuk, Aleksey Miretskiy, Feliks Makhammadiyev, Gennadiy German, at Roman Gridasov

PEBRERO 24, 2020
RUSSIA

Tinulungan ng mga Kapatid ang Binugbog na mga Brother sa Bilangguan ng Russia

Tinulungan ng mga Kapatid ang Binugbog na mga Brother sa Bilangguan ng Russia

Nang mabalitaan ng mga kapatid na nakatira sa Orenburg, Russia na binugbog ang limang brother na nakabilanggo sa lunsod na iyon, agad silang pumunta sa bilangguan para tumulong. Ang mga kapatid na nabilanggo, sina Aleksey Budenchuk, Gennadiy German, Roman Gridasov, Feliks Makhammadiyev, at Aleksey Miretskiy, ay taga-Saratov—mahigit 800 kilometro mula sa Orenburg.

Si Brother Feliks Makhammadiyev na nakangiti, halos dalawang linggo matapos bugbugin ng mga guwardiya, at naka-jacket para matakpan ang mga sugat niya

Noong Pebrero 15, 2020, inireport ng mga balita sa Internet na pinagpapalo ng mga guwardiya ng Penal Colony No. 1 sa Orenburg ang limang brother na taga-Saratov. Nang mabasa ito ng isang grupo ng mga kapatid na tagaroon, pumunta sila sa bilangguan. Kahit posible silang makulong, sinabi nilang mga Saksi ni Jehova sila. Tinanong ng mga kapatid sa mga guwardiya kung puwede silang makibalita tungkol sa kalagayan ng limang brother. Dahil sinabi sa mga balita na si Brother Makhammadiyev ang may pinakamalalang kalagayan at naospital, gustong kumpirmahin ng mga kapatid sa Orenburg na buháy pa siya. Tumagal nang halos dalawang oras ang pakikipag-usap nila sa mga opisyal.

Nagsaayos ang mga kapatid sa Orenburg ng isang grupo para patuloy na tumulong sa mga nakabilanggong brother at sa mga asawa nila, pati na sa kanilang mga abogado. Laging nagpapadala ang mga taga-Orenburg ng nakakapagpatibay na mga sulat sa mga brother na nasa bilangguan, at nagbigay rin sila ng donasyon para magkaroon ang mga brother ng masusustansiyang pagkain na wala sa bilangguan.

Ang pagmamahal at sakripisyo ng mga kapatid ay nagbigay ng patotoo sa mga empleado ng bilangguan. Nakita nila ang pagmamalasakit ng mga Saksi ni Jehova sa isa’t isa—kahit hindi sila magkakakilala.

Nakakapagpatibay marinig ang mga report na sinusunod ng mga kapatid ang payo ng Bibliya sa Hebreo 13:3: “Lagi ninyong alalahanin ang mga nasa bilangguan, na para bang nakabilanggo kayong kasama nila, at ang mga pinagmamalupitan, dahil kayo rin mismo ay nasa isang katawan pa.”