Pumunta sa nilalaman

OKTUBRE 14, 2019
RUSSIA

Transcript ng Huling Salaysay ni Brother Valeriy Moskalenko

Transcript ng Huling Salaysay ni Brother Valeriy Moskalenko

Noong Biyernes, Agosto 30, 2019, ibinigay ni Brother Valeriy Moskalenko ang huling salaysay niya sa korte. Ang sumusunod ay isang bahagi ng transcript (isinalin mula sa Russian) ng kaniyang testimonya:

Your Honor at kagalang-galang na mga court attendant, 52 taóng gulang na ako at isang taon na sa bilangguan. Sa totoo lang, mahigit isang taon na akong nakabilanggo.

Sa huling salaysay kong ito, gusto kong sabihin ang ilang detalye tungkol sa sarili ko, ang pananaw ko sa kasong kriminal na ipinataw sa akin, at ang pananaw ko sa buhay. Umaasa akong maiintindihan ninyo, Your Honor, kung bakit hindi ko itatakwil ang pananampalataya ko sa Diyos at kung bakit hindi kasalanan ang paniniwala sa Diyos.

Hindi naman ako Saksi ni Jehova noon. Mabait ang mga magulang ko at maganda ang pagpapalaki nila sa akin. Pero kahit noong bata pa ako, iniisip ko na kung bakit napakaraming kawalang-katarungan sa mundo. Naisip ko, ‘Hindi dapat ganito—napapabuti ang masasamang tao at manloloko, tapos, naghihirap ang mga tapat at mababait.’

Sa edad na 24, pagkatapos kong suriin at pag-aralan ang Bibliya nang ilang buwan, nahanap ko ang sagot sa mga tanong ko.

Simula no’n, nagsikap na akong magdesisyon batay sa pananaw ng Diyos at sa mga batas at prinsipyo niya, na detalyadong binabanggit [sa Bibliya] at makikita sa pamumuhay ng mga [mananamba] noon.

Magkasama kami ng nanay ko sa bahay. Matanda na siya at kailangan ko siyang alagaan. Noong Agosto 1, 2018, nang mag-isa ang nanay ko sa bahay, inutusan ng imbestigador ng Federal Security Service (FSB) ang mga Special Force na sumilip sa mga bisagra ng pinto namin. Ganiyan ang ginawa ng imbestigador bago pasukin at halughugin ang bahay namin.

Takot na takot ang nanay ko. Matapos pumasok sa bahay ang mga Special Force na nakatakip ang mga mukha, inatake sa puso ang nanay ko at kinailangang tumawag ng ambulansiya. Dumating ako sa bahay mga 30 minuto mula nang malaman kong nasa bahay ang mga pulis. Nang makita ko ang nangyari kay Nanay, tumaas ang presyon ng dugo ko. Sa kabila ng lahat ng ito, hindi ako nagalit at pinagsikapan kong maging mahinahon. Naging mabait ako—gaya ng dapat gawin ng isang Kristiyano. Ang Diyos ko, si Jehova, ang nagturo nito sa akin at ayokong mapalungkot siya.

Pasensiya na, your Honor, hindi ko ugaling ipagsabi ang mga bagay tungkol sa sarili ko. Kailangan ko lang itong gawin ngayon.

Mahigit 25 taon na akong Saksi ni Jehova. Malaking bahagi na iyon ng buhay ko. At kahit kailan, hindi ako naakusahan bilang ekstremista. Ang totoo, kilalá ako sa pagiging mabuting kapitbahay, masipag na katrabaho, at mapagmalasakit na anak.

Pero noong Abril 20, 2017, bigla akong tinawag na ekstremista. Bakit? Ano’ng nagbago? Naging masama ba ako? Hindi. Naging marahas ba ako o nakasakit sa iba? Hindi. Nawala ba ang karapatan kong gamitin ang Article 28 ng Russian Constitution? Hindi rin. Hindi nakalista ang pangalan ko sa desisyon ng Korte Suprema. Walang nag-alis sa karapatan ko na gamitin ang Constitution of the Russian Federation, partikular na ang Article 28. Kaya bakit ko kailangang ipagtanggol ang sarili ko sa korteng ito?

Sa pakikipag-usap ko sa mga imbestigador, naging mas malinaw sa akin na inaresto ako at ibinilanggo dahil pinapaniwalaan ko at ginagamit ang pangalan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat, si Jehova, sa mga panalangin ko at pahayag. Pero hindi iyon isang krimen. Ang Diyos mismo ang pumili sa pangalan niya at tiniyak niyang nakaulat ito sa Bibliya.

Paulit-ulit kong sasabihin na hindi ko kayang labagin ang kalooban ng Diyos na malinaw na sinasabi ng Bibliya. At i-pressure man ako o parusahan—kahit pa sentensiyahan ng kamatayan—hinding-hindi ko pa rin tatalikuran ang pinakamakapangyarihang Maylalang ng uniberso, ang Diyos na Jehova.

Your Honor, kilalá ang mga Saksi ni Jehova sa buong mundo na palakaibigan at mapagpayapa. Iginagalang ang paniniwala nila sa maraming bansa sa mundo. Gusto ko sana na ganiyan din ang mangyari dito sa Russia at igalang din sana ang paniniwala ko.

Inosente ako sa kasalanang ibinibintang sa akin, at hinihiling ko sa korteng ito na hatulan akong walang-sala!

Salamat!