Pumunta sa nilalaman

Ang Oryol Regional Court

HUNYO 11, 2019
RUSSIA

Transcript ng Pahayag ni Dennis Christensen sa Korte Noong Mayo 16

Transcript ng Pahayag ni Dennis Christensen sa Korte Noong Mayo 16

Sa pagdinig sa apela ni Dennis noong Huwebes, Mayo 16, 2019, nakapagsalita siya nang halos isang oras para ipagtanggol ang sarili niya. Narito ang transcript (isinalin mula sa Russian) ng mapuwersang pahayag ni Dennis sa harap ng korte:

Sinabi ng isang napakasamang tao maraming taon na ang nakakalipas: ‘Habang inuulit ang isang kasinungalingan, mas nagiging totoo ito’—sa ibang salita, kapag inulit nang sanlibong beses ang isang kasinungalingan, nagiging katotohanan ito. Ang baluktot na paniniwalang ito, na pinapalitaw na totoo ng ibang tao, ay nagdulot ng problema at pagdurusa sa maraming inosenteng tao.

Ganiyan ang nangyari dati, pero ngayon, pinaniniwalaan ng marami na natuto na mula sa kasaysayan ang mga edukadong tao ng ika-21 siglo.

Pero parang hindi pa rin sila natuto. Ginagamit na naman ang taktikang iyan sa pagdinig na ito laban sa akin at sa iba pang Saksi ni Jehova sa Russia. At nagdudulot pa rin ang kasinungalingang ito ng problema at pagdurusa sa maraming inosenteng tao.

Sa kaso ko, kasama sa kasinungalingang ito ang bintang na palihim kong ipinagpapatuloy ang gawain ng binuwag na Oryol Local Religious Organization (LRO) ng mga Saksi ni Jehova, na idineklarang ekstremista ng isang korte.

Paulit-ulit nilang ipinupukol sa akin ang bintang na ito sa buong pagdinig kahit wala namang ebidensiya. Ginagawa nila iyan para palitawing totoo ang kasinungalingan.

Ang totoo, hindi ako naging bahagi ng Oryol LRO ng mga Saksi ni Jehova.

Oo, isa akong Saksi ni Jehova. Dumadalo kami ng mga kaibigan ko sa iba’t ibang pagpupulong na ginagawa ng isang relihiyosong grupo na hindi bahagi ng Oryol LRO ng mga Saksi ni Jehova, at ang ginagawa namin ay kaayon ng Article 28 ng Constitution of the Russian Federation.

Hindi ko ipinagpatuloy ang gawain ng ipinagbawal na Oryol LRO ng mga Saksi ni Jehova at wala akong nilabag na batas ng Russia. Wala akong ginagawang anuman na masasabing ekstremista.

Marami ang nagtatanong sa akin: “Bakit pinapalabas na ekstremista ang mapayapang mga Saksi ni Jehova, at ano ba talaga ang ginagawa nila para masabing ekstremista sila?” Ang sagot ko: “Hindi ko alam.”

Mahal ng mga Saksi ni Jehova ang kapuwa nila gaya ng sarili nila. Gumagawa sila ng mabuti para makatulong sa komunidad. Tapat sila, sumusunod sa batas, at nagbabayad ng buwis. Paano sila naging “ekstremista”? Hindi ko alam, at sa mga pagdinig sa kasong ito, hindi nasagot ang tanong na iyan.

Pinagbibintangan akong ipinagpapatuloy ko raw ang gawain ng legal na korporasyong binubuo lang ng mga 10 miyembro at idineklarang ekstremista ng korte. Kailan at paano ko ipinagpatuloy ang gawain ng korporasyong ito? Ano ba talaga ang ginawa kong ekstremista?

Walang isa mang tanong ang nasagot sa mga pagdinig sa kaso ko. Alam n’yo ba kung bakit? Kasi sinusubukan nilang palabasing totoo ang akusasyon nila sa pamamagitan ng maraming beses na pag-uulit dito!

Dito sa Russia, pilit na pinapalabas ng ilan na ekstremista ang mapayapang mga Saksi ni Jehova, pero hindi tama iyan, at hindi iyan totoo. Hindi ekstremista ang mga Saksi ni Jehova. At alam ba ninyo kung bakit?

Una, hindi humahawak ng sandata o sumasali sa labanan ang mga Saksi ni Jehova. Noong Digmaang Pandaigdig II sa Germany, isinapanganib nila ang buhay nila nang tumanggi silang maglingkod sa hukbo ng Germany na Wehrmacht. Hindi sila sumama sa labanan, at wala silang pinatay na mga sundalong Russian.

Sa USSR, nakaranas ng malupit na pag-uusig ang mga Saksi ni Jehova dahil inakusahan silang hindi sumusuporta sa komunismo at itinuring silang panganib sa bansa. Pero hindi sila nagalit sa mga umusig sa kanila.

Ang mga Saksi ni Jehova ngayon ay isang pandaigdig na kapatiran na binubuo ng mga tao na mula sa iba’t ibang lahi at bansa. Payapa sila at nagkakaisa. Patunay ito na kahit magkakaiba tayo, posibleng magkaisa ang mga tao.

Ikalawa, sa Russia lang pinagbibintangang ekstremista ang mga Saksi ni Jehova. Hindi ito nangyayari sa ibang bansa. Malayang sumasamba ang mga Saksi ni Jehova sa mahigit 200 lupain. Kilala silang mapayapang mga tao, hindi mga ekstremista.

Nagkakaisa sila dahil iisa lang ang pinaniniwalaan nila, mga turong nakabatay sa Bibliya, na nagpapasigla sa kanila na magpakita ng magagandang katangian, gaya ng pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, [kahinahunan], at pagpipigil sa sarili.

Tinatawag ito sa Bibliya na “mga katangian na bunga ng espiritu.” Ang mga katangiang iyon ay hindi nagdudulot ng problema sa lipunan. Malayong-malayo ito sa pagiging ekstremista. Ang totoo, nakakabuti ito sa lahat.

Ikatlo, ang paggamit ng Russia sa Law on Counteracting Extremist Activity laban sa mga Saksi ni Jehova ay binabatikos ng mga eksperto sa karapatang pantao sa Russia. Sinabi ng marami sa kanila na kahihiyan sa Russia ang ginagawang pagtrato sa mga Saksi dahil demokratikong bansa na ito na may sinusunod na batas. Hindi babatikusin ng iginagalang na mga ekspertong ito ang ganoong paggamit ng batas kung may nakita silang anumang bakas ng pagiging ekstremista sa mga Saksi ni Jehova.

Ikaapat, binabatikos din ng ibang mga bansa ang paggamit ng Law on Counteracting Extremist Activity laban sa mga Saksi ni Jehova sa Russia. Sinabi ng Parliamentary Assembly of the Council of Europe sa mga awtoridad sa Russia na tigilan na ang paggawa nito. Paulit-ulit na sinasabi ng U.N. Human Rights Committee na hindi maganda ang ginagawa ng Russia na paggamit ng batas laban sa mga Saksi ni Jehova, at dahil dito, pinag-uusig ang mapayapa at inosenteng mga tao.

Binabalaan ni Jesu-Kristo ang mga tagasunod niya: “Kung pinag-usig nila ako, pag-uusigin din nila kayo.” (Juan 15:20) a Nang bandang huli, hinatulan siya at pinatay batay sa gawa-gawang akusasyon na ekstremista siya, na isang lantarang kawalang-katarungan.

Pero wala na tayo sa unang siglo o sa Edad Medya. Nabubuhay na tayo sa ika-21 siglo, at may karapatang pantao na ngayon at kalayaan sa relihiyon—mga karapatang dapat na naibibigay nang pantay-pantay sa lahat.

Puwede bang pagbawalan ang isang tao na maniwala sa Diyos at ikulong siya dahil dito? Para sa akin, mali ito. Nangyayari lang iyan sa mga bansang diktadura, hindi sa demokratikong bansa na may sinusunod na batas, at umaasa ako na ganito nga ang Russia, o nagsisikap man lang na maging ganito.

Sa mga pagdinig sa kasong ito, narinig kong itinuturing ng ilan sa Russia na ekstremista ang isang tao kapag naniniwala siyang totoo ang relihiyon niya at sinasabi ito sa iba. Hindi iyan makatuwiran dahil lahat ng relihiyosong tao ay naniniwalang totoo ang relihiyon nila. Bakit nila ipagpapatuloy ang pagsamba nila kung hindi sila naniniwalang iyon ang totoo?

Kung iyan ang basehan para masabing ekstremista ang isang tao, ibig sabihin, ekstremista rin si Jesu-Kristo. Sinabi niya kay Poncio Pilato: “Ipinanganak ako at dumating sa sanlibutan para magpatotoo tungkol sa katotohanan. Bawat isa na nasa panig ng katotohanan ay nakikinig sa tinig ko.”—Juan 18:37.

Kaya may katotohanan, at makikita natin iyan sa Bibliya. Ipinangaral ni Jesus ang katotohanan at itinuro ito sa mga alagad niya. Ang katotohanang tinutukoy niya ay ang katotohanan tungkol sa layunin ng Diyos. Layunin ng Diyos na si Jesus, ang “anak ni David” (inapo niya), ay maglingkod bilang Mataas na Saserdote at Tagapamahala sa Kaharian ng Diyos.

Ipinaliwanag ni Jesus na ang pangunahing layunin ng pagpunta niya sa lupa at ng ministeryo niya ay para ipangaral ang katotohanan tungkol sa Kahariang iyon. Iniisip ba ng mga tao ngayon na ekstremista si Jesus dahil ipinangaral niya ang katotohanan?

Sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang halimbawa niya at ipinangangaral din ang katotohanan, na nakasulat sa Bibliya, na ang Kaharian ng Diyos lang ang solusyon sa lahat ng problema ng tao. Sinasabi nila sa lahat ng tao ang nakasulat sa Salita ng Diyos, ang Bibliya.

Nanalangin si Jesus sa Diyos: “Pabanalin mo sila sa pamamagitan ng katotohanan; ang iyong salita ay katotohanan.” (Juan 17:17) Kaya mahalaga na matutuhan ng lahat ng tao ang katotohanan sa Bibliya. Kapaki-pakinabang ito at malayong-malayo sa gawaing ekstremista.

Hindi lang mga Saksi ni Jehova ang nagpapahalaga sa Bibliya. Sinabi ng siyentistang Russian na si Mikhail Lomonosov: “Ang Maylalang ay nagbigay ng dalawang aklat sa mga tao. Sa isa, inihayag Niya ang kadakilaan Niya, sa isa naman, ang kalooban Niya. Ang una ay ang daigdig natin, na nilalang Niya . . . Ang ikalawa ay ang Banal na Kasulatan.”

Siguradong pinag-aralang mabuti ni Lomonosov ang Banal na Kasulatan, at tama ang sinabi niya. Marami tayong matututuhan tungkol sa Diyos kapag pinagmasdan natin ang mga nilalang niya. At mas marami tayong matututuhan sa kaniya kapag binasa, pinag-aralan, at sinuri natin ang Salita niya, ang Bibliya.

Sinasabi ng Bibliya: “Ang buong Kasulatan ay mula sa Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo . . . at pagdidisiplina ayon sa katuwiran, para ang lingkod ng Diyos ay maging lubos na may kakayahan, na handang-handa para sa bawat mabuting gawa.” (2 Timoteo 3:16, 17) Handa para sa bawat mabuting gawa!

Sa mga Kristiyanong pagpupulong, na dinadaluhan ko noon at isinasagawa ng isang relihiyosong grupo na walang kaugnayan sa Oryol LRO ng mga Saksi ni Jehova, pinag-uusapan namin kung paano kami makakagawa ng mabuti sa mga tao.

Sa dalawang video ng pulong namin noong Pebrero 19 at 26, 2017, na ipinalabas sa korte, walang nakita o narinig na anumang ekstremistang gawain. Pinag-uusapan namin ang nilalaman ng Bibliya na nakakatulong sa lahat ng tao. Payapa at masaya ang mga relihiyosong pagtitipong iyon, na karaniwan lang sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova.

Ang mga aral sa Bibliya na pinag-uusapan namin ay hindi nakakasamâ sa lipunan, kundi malaki ang naitutulong nito sa maraming tao. Para sa mga nagdadalamhati sa pagkamatay ng mahal nila sa buhay, nakakaaliw ang pangako ng Bibliya: “At ang huling kaaway, ang kamatayan, ay mawawala na.”—1 Corinto 15:26.

Natatakot ang mga tao sa kaaway na kamatayan, pero hindi ito nakakatakot sa Diyos. Ipinapangako niya sa Isaias 25:8: “Lalamunin niya ang kamatayan magpakailanman, at papahirin ng Kataas-taasang Panginoong Jehova ang mga luha sa lahat ng mukha.”

Isipin ang panahong iyan! Wala nang libing at sementeryo. Ang luha ng pagdadalamhati ay mapapalitan ng luha ng kagalakan kapag binuhay na ng Diyos ang mga patay gaya ng ipinangako niya. Maghihilom na ang sugat na idinulot ng kamatayan.

Malapít sa puso ko ang turong ito dahil marami rin akong mahal sa buhay na namatay na. Habang nakakulong ako, isang taong malapít at napakahalaga sa akin ang namatay—ang lola ko, si Helga Margrethe Christensen.

Siya ang una sa pamilya namin na nag-aral ng Bibliya at naging Saksi ni Jehova. Itinuro muna niya ang katotohanan sa Bibliya sa tatay ko at pagkatapos ay sa akin. Mahal na mahal siya at iginagalang ng mga nakakakilala sa kaniya—mga kapitbahay, kasamahan, at kapamilya.

Mahal din niya at iginalang ang lahat, anuman ang relihiyon nila, lahi, o kulay. Tumutulong siya sa lahat, at gumagawa siya ng mabuti sa kapuwa niya. Nakakalungkot lang na ekstremista ang tingin sa kaniya ng iba. Pero hindi ganiyan ang iisipin ng karamihan ng makatuwirang tao.

Inaasam ko ang araw na bubuhayin siya ng Diyos at makikita ko siyang muli. Nalulungkot ako na hindi ako nakapunta sa libing niya. Hindi ko madamayan ang pamilya ko sa mahirap na panahong iyon kasi nakakulong ako dahil sa walang-basehang bintang na ekstremista ako.

Dahil sa pangako ng Bibliya na pagkabuhay-muli, gumagaan ang loob ko at nakakasiguro akong pansamantala lang kaming nagkahiwalay. Balang-araw, magkikita kami ulit sa isang malinis na lupa sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos. Kung nakatulong sa akin ang pag-asang ito, sigurado akong makakatulong din ito sa iba.

Pinag-uusapan din namin sa pulong ang pangako ng Bibliya na magiging paraiso ang lupa sa hinaharap, kung saan may sapat na pagkain para sa lahat at payapa na ang lupa. Wala nang magkakasakit, gaya ng inihula sa Isaias 33:24: “At walang nakatira doon ang magsasabi: ‘May sakit ako.’ Ang bayang naninirahan sa lupain ay patatawarin sa kasalanan nila.”

Makakasamâ ba sa lipunan ang pagsasabi sa mga tao ng mga pangakong ito? Hindi. Makakapagbigay pa nga ito ng pag-asa at kagalakan sa mga tao. Sinabi ni Jesus: “Maligaya ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!”—Lucas 11:28.

Ang bawat isa ang magdedesisyon kung maniniwala siya rito o hindi. Hindi pinipilit ng Diyos ang sinuman na maglingkod sa kaniya. Sinabi niya sa Jeremias 29:11: “‘Dahil alam na alam ko ang gusto kong gawin para sa inyo,’ ang sabi ni Jehova. ‘Bibigyan ko kayo ng kapayapaan, at hindi ng kapahamakan, para magkaroon kayo ng magandang kinabukasan at pag-asa.’”

Iniaalok sa atin ng Diyos ang pinakamagandang buhay—ang pagkakaroon ng malapít na kaugnayan sa kaniya. Inaanyayahan ng mga Saksi ni Jehova ang mga tao na piliin ang napakagandang buhay na ito, ang pakikipagkaibigan sa Diyos na umaakay sa buhay na walang hanggan. Malayong-malayo ito sa pagiging ekstremista. Ano ang ginawa kong “ekstremista,” at bakit gusto nila akong ibilanggo nang anim na taon?

Hindi ako kriminal o ekstremista. Mabuting tao ang tingin sa akin ng mga kapitbahay ko, ng pulis sa komunidad namin, at ng mga guwardiya sa detention center. Kaya gusto ko ulit itanong: “Ano ang ginawa kong ‘ekstremista,’ at bakit gusto nila akong ibilanggo nang anim na taon?”

Hindi ko ito maintindihan, at sa nakalipas na dalawang taon, hindi nasagot ang tanong ko. Baka may maisagot ang Court of Appeals, dahil walang naibigay na sagot ang trial court.

Gaya ng sinabi ko, nasa ika-21 siglo na tayo, hindi Edad Medya. Mas naging edukado na ang mga tao ngayon. Pero nakakalungkot na muling inuusig ang mga tao sa Russia, at pinapahirapan pa nga, dahil lang sa kanilang pananampalataya.

Noong Pebrero 15, 2019, sa interogasyon ng pitong Saksi ni Jehova, gumamit ng torture ang Investigative Committee sa Surgut para makuha ang sagot na gusto nilang marinig. Ipinagkait sa mga Saksi ang karapatan nila na nakasaad sa Article 51 ng Constitution of the Russian Federation—ang pagtangging magbigay ng pahayag laban sa sarili nila at sa mga mahal nila sa buhay—kahit na ang karapatang ito ay para sa lahat ng tao sa Russia.

Pilit silang pinaluhod habang nakataas ang mga kamay nila, pinagpapalo sa ulo at katawan, at ipinahiya dahil sa kanilang lahi at relihiyon. Tinakluban ang ulo nila at nilagyan ng tape sa bandang leeg para hindi sila makahinga, itinali ang kamay nila sa likod, at itinali rin ang paa nila. Sinigawan sila at pinilit na sabihin ang ilang bagay. May mga pagkakataong pakiramdam ng ilang Saksi na mamamatay na sila, at nahimatay pa nga ang iba dahil hindi sila makahinga. Pagkatapos, binuhusan sila ng tubig at kinuryente.

Nakaulat ang lahat ng ito sa pag-aaral ng isang eksperto, pero wala man lang isinampang kaso laban sa Investigative Committee. Nagbubulag-bulagan ang mga opisyal at sinasabi pa nga na ang mga Saksi ang nanakit sa sarili nila. Paano naman mangyayari iyon? Napakalaking kasinungalingan niyan!

Napakalaking kahihiyan ng lahat ng ito sa modernong Russia, at sana litisin at panagutin ang mga gumawa nito. Paano nila ito nagawa? Paano nangyaring bumabalik na naman ang makahayop at sadistikong paraan nina Hitler at Stalin? Hindi sana nangyayari ito. At sana ay maitama ang malaking pagkakamaling ito sa lalong madaling panahon!

Ito ang sinabi ng korte: “Ang pagpapatuloy ng gawain ng isang relihiyosong grupo na binuwag ng korte dahil sa gawaing ekstremista ay isang krimen na dapat lapatan ng parusa.” Naiintindihan ko naman iyan. Pero ano ang kaugnayan niyan sa akin?

Wala akong kinalaman diyan! Wala akong kaugnayan sa Oryol LRO ng mga Saksi ni Jehova. Wala akong ipinagpatuloy na gawain nito.

Lahat ng ginagawa ko ay may kaugnayan sa pamumuhay ko bilang Kristiyano na miyembro ng relihiyosong grupo na walang kaugnayan sa Oryol LRO ng mga Saksi ni Jehova. Legal ang lahat ng ginagawa ko at kaayon ng Article 28 ng Constitution of the Russian Federation.

Alam kong ang ginagawa ko ay hindi pagpapatuloy ng “ilegal” na gawain ng Oryol LRO ng mga Saksi ni Jehova. Sa isang rekording ng pakikipag-usap ko sa telepono, na pinakinggan din sa korte, sinabi ko sa isang kaibigan: “Relihiyosong grupo ito. Hindi ito kaugnay ng LRO o ng Administrative Center.”

Hindi ito binigyang-pansin ng trial court; ang pinakinggan nila ay ang gawa-gawang testimonya ng testigo na may alyas na A. P. Yermolov, isang FSB agent. Makukumpirma ng appellate court na si A. P. Yermolov ay si Oleg Gennadyevich Kurdyumov.

Noong una, sinabi ni Oleg Kurdyumov sa salaysay niya sa mga imbestigador na wala siyang alam at ginamit niya ang karapatan niya batay sa Article 51 ng Russian Constitution. Nang sumunod na araw, nagbigay siya ng ibang salaysay gamit ang alyas na A. P. Yermolov. Pagkatapos, nagbigay pa siya ng karagdagang salaysay gamit ang alyas na ito.

Sa korte, nang panoorin ang dalawang video ng Kristiyanong pagpupulong namin noong Pebrero 19 at 26, 2017, na walang kaugnayan sa Oryol LRO ng mga Saksi ni Jehova, maliwanag na si Oleg Kurdyumov ang lihim na kumukuha ng video at nagrerekord ng mga pulong. Halatang-halata sa mga video na siya ang may hawak ng kamera. Sumasabay ang kamera sa galaw niya, at kapag may lumalapit sa kaniya, malinaw na maririnig na sinasabi niya, “Hello, ako si Oleg.”

Ibig sabihin, nag-espiya muna siya para sa gobyerno at inirekord niya ang mga pagpupulong namin. Pagkatapos, ginamit niya ang tunay na pangalan niya at sinabing wala siyang alam. Kinabukasan, nagsinungaling siya gamit ang alyas niya, at inulit niya ang kasinungalingang iyon sa korte bilang testigo. Patas ba ito?

Ayon sa batas, ang mga FSB agent ay hindi puwedeng tumestigo sa korte gamit ang isang alyas. Pero nagbulag-bulagan ang prosecution at ang hukom ng trial court at hinayaan siyang magbigay ng gawa-gawang testimonya. Ngayon, ginagamit ang testimonyang ito laban sa akin. Hindi ko maintindihan kung bakit pinayagan ito ng korte.

Lalong hindi ko maintindihan kung bakit hinayaan ng prosecution, na dapat sanang sumusugpo sa krimen, ang lahat ng ito. Dapat sana ay sinisigurado nito na nasusunod ang lahat ng batas sa Russia at walang isa mang batas ang nalalabag. Pero hinayaan nilang mangyari ang lahat ng ito at ipinikit na lang ang mata nila.

Hinihiling ko sa appellate court na unawain ako. Wala akong samâ ng loob sa mga taong ito. Alam kong mabubuti sila. Baka nga puwede ko pa silang makasamang magkape, at pagtatawanan na lang namin ang lahat ng ito. Pero ang hindi ko lang nagustuhan, bara-bara ang paggawa nila sa trabaho nila.

Naiintindihan ko na mas madali sa trial court na kumuha ng FSB agent bilang testigo na may alyas, dahil ang testigong ito ay walang konsensiya at sanay magsinungaling at pilipitin ang katotohanan at magsabi ng kahit ano sa korte para lang mabilanggo ako.

Hindi mapagkakatiwalaan ang ganitong testigo at hindi maaasahan ang impormasyong mula sa kaniya. Hindi tama na gumamit ng ganoong sinungaling na testigo para ipabilanggo ang inosenteng tao.

Mga dalawang taon na ang nakakalipas, sinabi ko sa korte sa isang pagdinig tungkol sa pagpapahaba ng pretrial detention ko, “Hinihiling ko sa inyo na ibalik ninyo ang buhay ko!” Ganoon pa rin ang hiling ko ngayon.

Tungkol sa detention ko, sa tingin ko, hindi lang nila ako gustong ibukod sa lipunan at ibilanggo. Gusto nilang mawala ako sa mata ng publiko para hindi mapansin ang mga nangyayari sa paglilitis na ito.

Para sa akin, ilegal at hindi makatao ang pagkabilanggo ko bago at sa panahon ng paglilitis. Ginawa nila ito para hindi ako gaanong makapaghanda para sa paglilitis na ito at hindi ko masabi sa media kung ano ang tingin ko sa nangyayari. Pero siguradong darating ang panahong iyan!

Oo, gusto kong ibalik ninyo ang buhay ko para makapamuhay ulit ako nang payapa at tahimik sa magandang lunsod na ito kasama ng asawa kong si Irina. Sa loob ng halos dalawang taon, wala akong sariling buhay. Namumuhay ako ayon sa kagustuhan ng iba.

Siniraan ako ng FSB at dinungisan ang malinis na pangalan ko. Gumawa sila ng mga pekeng dokumento at pag-aaral ng eksperto at gumamit ng sinungaling na mga testigo sa korte.

Ginawa nila ang lahat ng ito para palabasing ang isang mapayapang Kristiyano ay isang ekstremista na panganib sa iba at sa bansang Russia. Nakakatawa ang mga akusasyong ito at malayong-malayo sa katotohanan.

Nakakalungkot na sinuportahan ng trial court ang mga akusasyong ito at binale-wala ang katotohanan. Kagalang-galang na Hukom, tuldukan na ninyo ang kawalang-katarungang ito at suportahan ang katotohanan. Pakisuyo, “Ibalik ninyo ang buhay ko!”

Gaya ng sinabi ko sa trial court tatlong buwan na ang nakakalipas: “Ang tanging resulta ng mga paglilitis na ito na katanggap-tanggap sa akin ay ang mapawalang-sala ako at mapalaya, mabigyan ng bayad-pinsala, at mahingan ng tawad. Hindi ako papayag sa anuman maliban dito!” Ganiyan pa rin ang paninindigan ko ngayon.

Anumang desisyon maliban dito ay hindi patas at iaapela ko sa European Court of Human Rights sa Strasbourg. Doon, siguradong mananalo ako.

Pagkatapos nito, ang European Court of Human Rights, mga tao sa buong mundo, at ang matataas na opisyal sa Russia, gaya ni President Vladimir Vladimirovich Putin, ay magugulat at magtataka kung bakit hindi makita ng korte sa Oryol ang malinaw na katotohanan—na ang paglilitis na ito ay batay sa kasinungalingan na inuulit-ulit nila para palabasin itong totoo.

Kailangan ba talagang umabot sa ganoon kahabang proseso para makamit ang katarungan? Kung sa tingin ng appellate court ay oo, gusto kong sabihin sa lahat ng naririto, pati na sa mga sumusubaybay sa kasong ito, “Hindi ko ito uurungan!”

Hindi ako susuko dahil hindi totoo ang mga ibinibintang sa akin at nasa panig ko ang katotohanan. Hindi ako natatakot mabilanggo, kahit hindi makatarungan ang hatol na iyon.

Hindi ako natatakot, at hindi ako nag-aalala. Panatag ang kalooban ko. Hinding-hindi ako iiwan ng Diyos kong si Jehova, at nakikita ko na ang katuparan ng napakagandang pananalitang ito:

Dahil tapat ang Diyos at

’di lilimutin pag-ibig ko.

Hindi siya nang-iiwan;

Si Jehova’y kasama ko.

Naglalaan siya sa ’kin

at sanggalang ko, walang iba.

Si Jehova ay Kaibigan,

Diyos, at Ama.

Iyan lang ang masasabi ko. Salamat sa pakikinig!

a Sumipi si Dennis mula sa Russian synodal translation. Pero sa saling ito, lahat ng teksto sa Bibliya ay kinuha sa nirebisang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan.