Pumunta sa nilalaman

Ang Oryol Regional Court

HUNYO 11, 2019
RUSSIA

Transcript ng Pahayag ni Dennis Christensen sa Korte Noong Mayo 23

Transcript ng Pahayag ni Dennis Christensen sa Korte Noong Mayo 23

Sa pagdinig sa apela ni Dennis noong Huwebes, Mayo 23, 2019, nakapagbigay si Dennis ng huling statement sa korte. Narito ang transcript (isinalin mula sa Russian) ng mga sinabi niya:

Ngayon, gusto kong pasalamatan ang lahat ng tumulong at sumuporta sa akin mula nang maaresto ako dalawang taon na ang nakakalipas.

Una sa lahat, gusto kong pasalamatan ang asawa ko, si Irina, dahil ginawa niya ang lahat para tulungan at suportahan ako mula pa sa simula. Hindi niya ako pinabayaan—dinalhan niya ako ng damit, pagkain, gamot, at iba pang bagay na kailangan ko sa detention center. Sinuportahan niya ako sa emosyonal at espirituwal sa pamamagitan ng mga pagdalaw niya at sulat, na araw-araw kong natatanggap.

Mahal kong asawa, ang matibay na pananampalataya mo, mahabang pasensiya, pagiging kalmado, ang pagmamahal mo sa akin at sa katotohanan, pati na ang pagiging positibo mo—napakalaking tulong nito sa akin. Gusto kong malaman mo na mahal na mahal kita at ipinagmamalaki kita!

Gusto ko ring pasalamatan ang pamilya ko sa Denmark, lalo na ang may-edad kong ama at ang kapatid ko. Miss na miss ko na kayo. Mahal ko kayo, at salamat sa lahat ng ginawa ninyo para sa akin. Habang nakakulong ako, malaki ang naitulong sa akin ng mga sulat at tawag ninyo. Sigurado akong patuloy ninyo akong susuportahan at hihintayin ninyo ang panahon na magkakasama-sama na tayong muli.

Salamat din sa lahat ng kapatid sa buong mundo. Napalakas ako ng mga sulat ninyo, nakapagpapatibay na mga salita, magagandang drowing, at mga regalo. Nakita ko na hindi ako nag-iisa at bahagi ako ng malaki at internasyonal na pamilya.

Mahal kong mga kaibigan, gusto kong sabihin na ang bawat sulat ninyo, mahaba man o maiksi, ay nakapagpatibay at nakapagpalakas sa akin. Huwag kayong malungkot kung hindi ko masagot ang mga sulat ninyo. Pangako, hahanapin ko kayo, pasasalamatan, at yayakapin!

Gusto ko ring pasalamatan ang Embahada ng Denmark sa Moscow at ang lahat ng staff nito. Dumalo kayo sa maraming pagdinig, at maraming beses ninyo akong dinalaw sa detention center. Napakalaking tulong sa akin ng mga payo ninyo at pampatibay. Salamat sa suporta at tulong ninyo.

Gusto ko ring pasalamatan ang Court of Appeals sa pagpayag na makapunta ako nang personal sa pagdinig na ito. Nang dumalo ako sa ibang pagdinig sa pamamagitan ng videoconference sa detention center, hindi ko marinig ang lahat ng sinasabi. Kalahati lang ang naririnig ko; ang iba, kailangan ko pang hulaan. Nahihirapan tuloy ako na ipagtanggol ang sarili ko. At kapag naka-videoconference ka sa detention center, nakakulong ka na parang hayop sa zoo. Hindi ito makatao para sa mga nabubuhay sa ika-21 siglo.

Sa ngayon, halos dalawang taon na ako sa detention center, at 15 buwan na ang kasong ito. Para makayanan ko ito at hindi ako sumuko at panghinaan ng loob, kailangan ko ng lakas. Sa Bibliya, sinasabi sa Filipos kabanata 4, talata 13: “May lakas akong harapin ang anumang bagay dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.” a Sinasabi naman sa Isaias kabanata 12, talata 2: “Ang Diyos ang kaligtasan ko. Magtitiwala ako sa kaniya at hindi ako matatakot; dahil si Jah Jehova ang lakas ko, at siya ang naging kaligtasan ko.”

Sa buong panahong ito, ramdam ko na kasama ko ang Diyos na Jehova, at binibigyan niya ako ng lakas para makayanan ko ang lahat ng ito; lakas para hindi sumuko, para labanan ang panghihina ng loob, para patuloy na maging maligaya at makangiti. Talagang ipinagpapasalamat ko ito, at ipinagmamalaki kong naglilingkod ako bilang saksi niya—isang Saksi ni Jehova.

Marami ang nagtatanong kung ano ang epekto sa akin ng kasong ito. Siyempre, hindi madaling manatili sa detention center nang ganito katagal, na mawalay sa asawa ko, mga kapamilya, at kaibigan. Sa nakalipas na dalawang taon, hindi ko kasama ang mga mahal ko sa buhay. Nabubuhay lang ako, pero hindi malaya. Araw-araw, 23 oras akong nasa selda, na may luwang na 3 metro at haba na 6 na metro. Kahit paano, nakakapaglakad naman ako nang isang oras sa labas, sa bakuran ng bilangguan na may luwang din na 3 metro at haba na 6 na metro. Sa panahong iyon, may mga nakilala ako at maganda ang nagiging usapan namin. Nalaman kong marami sa kanila ang gustong magkaroon ng patas na imbestigasyon at pagdinig. Pakiramdam ng marami sa kanila, hindi sila pinapakinggan ng korte, at ganoon din ang pakiramdam ko sa nakalipas na dalawang taon. Sinikap kong suportahan sila at palakasin, dahil alam kong ganoon din ang gagawin ni Jesu-Kristo.

Nagkaroon ako ng mga bagong kaibigan. Ang ilan sa kanila ay dumalo sa ilang pagdinig; ang iba naman ay sumulat sa akin. Kilala ko ang ilan sa kanila, pero ang iba, hindi pa. Ang iba, kapananampalataya ko; ang iba naman ay hindi. Pero sinuportahan pa rin nila ako dahil hindi nila maatim ang kawalang-katarungang ito sa Russia, kung saan ang mga Saksi ni Jehova—mapapayapang mamamayan na nagmamahal sa kapuwa nila gaya ng sarili—ay tinatawag na kriminal at ekstremista ng ilang tao. Hindi talaga ito makatuwiran at nakakatawa. Marami ang nagugulat sa nangyayaring ito sa Russia sa ika-21 siglo.

May mga nagtatanong kung ano ang epekto ng kasong ito sa pananampalataya ko. Dahil sa kasong ito, mas tumibay ang pananampalataya ko, at naranasan ko ang sinasabi ng Bibliya sa Santiago kabanata 1, talata 2 hanggang 4: “Mga kapatid ko, ituring ninyong malaking kagalakan kapag dumaranas kayo ng iba’t ibang pagsubok, dahil alam ninyo na kapag nasubok sa ganitong paraan ang pananampalataya ninyo, magbubunga ito ng pagtitiis. Pero hayaang gawin ng pagtitiis ang layunin nito, para kayo ay maging ganap at malusog sa lahat ng aspekto at hindi nagkukulang ng anuman.”

Hindi ako perpekto, pero natutuhan kong magtiis at manatiling maligaya sa ilalim ng pagsubok. At ang pinakamahalaga, mas napalapít ako sa Diyos kong si Jehova. Mas tumindi ang pagnanais kong ipakilala siya sa iba at sabihin ang layunin niya, na patuloy na ihayag ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, ang tanging solusyon sa problema ng mga tao, na sabihin sa iba ang mabuting balita ng Bibliya tungkol sa kapayapaan at buhay na walang hanggan sa Paraiso sa lupa, at na tulungan ang iba na mapalapít sa Maylalang at magkaroon ng matibay na pananampalataya sa kaniya at sa mga pangako niya.

Ang sinasabi ko ngayon ay tinatawag na “Huling pananalita ng nasasakdal,” at baka ito na rin ang huling pananalita na maririnig ninyo sa akin ngayon. Baka ito na rin ang huling pagdinig sa kasong ito at ang katapusan ng dalawang taóng ito ng buhay ko. Pero tinitiyak ko sa inyo na hindi ito ang huling pagkakataon na magsasalita ako tungkol sa kasong ito at tungkol sa kawalang-katarungang ito sa Russia laban sa mapayapa at inosenteng mga tao. Nagsisimula pa lang ako, at marami pa akong sasabihin sa publiko. Hindi ako tatahimik, na para bang may kasalanan ako o may kailangang itago. Malinis ang konsensiya ko—wala akong ginawang mali, wala akong nilabag na batas ng Russia, at wala akong dapat ikahiya.

Ang mga ginawa sa akin at sa iba pang Saksi ni Jehova sa Russia—inakusahang ekstremista, pinagtatanong, inaresto, hinalughog ang bahay, kinumpiska ang mga gamit, inimbestigahan, pinagbantaan, at pinahirapan pa nga—iyan ang dapat ikahiya. Napakalaking kahihiyan niyan. Laging lumalabas ang katotohanan, at mananaig din ang katarungan. Sinasabi ng Bibliya, sa Galacia kabanata 6, talata 7: “Huwag ninyong dayain ang sarili ninyo: Hindi puwedeng linlangin ang Diyos. Dahil anuman ang inihahasik ng isang tao, iyon din ang aanihin niya.”

Hinatulan ako ng trial court na mabilanggo nang anim na taon, pero bakit? Walang dahilan! Walang anumang ebidensiya na may ginawa akong mali. Ang totoo, maraming ebidensiya na karapatan ko ang ginawa ko ayon sa Article 28 ng Constitution of the Russian Federation. Sumusunod ako sa gobyerno ng Russia, at tapat akong tao. Kristiyano ako, relihiyoso, isang Saksi ni Jehova, at mahal ko ang mga Russian. Bakit ako pinaparusahan? Bakit ako ibibilanggo nang anim na taon? Walang dahilan. Hindi ito makatarungan.

Sana ay sundin ng appellate court ang batas sa pagkakataong ito at tiyaking mananaig ang katarungan. Umaasa akong wawakasan ng hukumang ito ang nangyayari ngayon sa Russia na pag-uusig sa relihiyon. Sana ay ipaalam ng hukumang ito sa buong mundo na ang lahat ng nasa Russia ay may kalayaan sa relihiyon.

Malapit nang matupad ang pananalitang ito: “Siya ay hahatol sa maraming bayan . . . Pupukpukin nila ang kanilang mga espada para gawin itong araro at ang kanilang mga sibat para gawin itong karit. Walang bansa na magtataas ng espada laban sa ibang bansa, at hindi na rin sila mag-aaral ng pakikipagdigma. Uupo ang bawat isa sa kanila sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang tatakot sa kanila,” ayon sa Mikas kabanata 4, talata 3 at 4.

Laging patas ang hatol ng Diyos, at mawawala na ang mga pag-aaway, karahasan, o digmaan kapag siya na ang namahala. Magkakaroon ng kapayapaan, at wala na tayong aalalahanin. Sa ibang salita, magiging totoong maligaya ang lahat ng tao.

Your Honor, malaki po ang magagawa ng magiging desisyon ninyo para magkaroon ng katarungan at kapayapaan at matulungan ang mga tao na mabuhay nang masaya at panatag. Umaasa akong gagawin ninyo iyan. Maraming salamat po!

a Sumipi si Dennis mula sa Russian synodal translation. Pero sa saling ito, lahat ng teksto sa Bibliya ay kinuha sa nirebisang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan.