MARSO 18, 2021
RUSSIA
UPDATE—HINDI TINANGGAP ANG APELA | Dalawang Brother sa Silangang Bahagi ng Russia, Posibleng Makulong Nang 12 Taon Dahil sa Pananampalataya
Noong Oktubre 18, 2022, hindi tinanggap ng Ninth General Jurisdiction Court of Cassation ang pangalawang apela nina Brother Yuriy Belosludtsev at Sergey Sergeyev. Hindi nila kailangang makulong sa ngayon.
Noong Abril 21, 2022, hindi tinanggap ng Primorye Territory Regional Court ang apela nina Yuriy at Sergey.
Noong Enero 31, 2022, hinatulan ng Pozharskiy District Court ng Primorye Territory sina Yuriy at Sergey. Ang bawat brother ay tumanggap ng anim-na-taóng suspended prison sentence.
Profile
Yuriy Belosludtsev
Ipinanganak: 1964 (Smidovich, Jewish Autonomous Region)
Maikling Impormasyon: Pinalaki ng lola niya sa isang maliit na nayon. Nagtrabaho bilang engineer sa isang kompanya ng kuryente. Mahilig mag-fishing at mag-ski
Napangasawa niya si Yelena noong 1985. Gustong-gusto nila ang pangako ng Diyos na aalisin ang masama at pagdurusa. Hangang-hanga sila sa katuparan ng mga hula sa Bibliya. Kaya nagpa-Bible study sila. Nabautismuhan sila noong 1994
Sergey Sergeyev
Ipinanganak: 1955 (Dukhovnitskoye, Saratov Region)
Maikling Impormasyon: Nagtrabaho sa isang minahan ng karbon hanggang magretiro. Napangasawa niya si Nelly noong 1991. May dalawa silang anak na babae at isang lalaki. Pareho silang mahilig sa aso
Nag-aral sila ng Bibliya pagkatapos nilang magpakasal. Gustong-gusto nila ang tumpak na mga hula ng Bibliya at praktikal na mga payo nito. Nabautismuhan sila noong 1996
Kaso
Noong Marso 17, 2019, ni-raid ng mga agent ng Federal Security Service (FSB) ang maraming bahay ng mga Saksi ni Jehova sa Luchegorsk, Primorye Territory. Pinagtatanong nila ang mga kapatid, ang ilan ay tumagal nang pitong oras. Idinitine sina Yuriy at Sergey.
Pagkalipas ng dalawang araw, ang dalawang brother ay idinitine nang mahigit anim na buwan habang dinirinig pa ang kanilang kaso. Pagkatapos silang palayain noong Setyembre 2019, naka-house arrest naman sila nang halos limang buwan.
Sinabi nilang talagang nakatulong ang panalangin para matiis nila ang mga kalagayan nang maditine sila. Sinabi ni Sergey na nakatulong sa kaniya ang Bibliya para manatiling positibo. Sinabi niya: “Naalala ko ang sinabi ni Jesus: ‘Kung pinag-usig nila ako, pag-uusigin din nila kayo.’ (Juan 15:20) Naisip ko: ‘Wow! Ang lahat ng nangyayari sa amin ay nangyari kay Jesu-Kristo, sa mga alagad niya, at mga apostol. Maliwanag, naniniwala si Jehova na magagawa kong magpatotoo dito.’ Kapag pinag-iisipan ko ito at kung paano sinasagot ni Jehova ang aking mga panalangin, nagiging kalmado ako at masaya.”
Sinabi ni Yuriy na nahihirapan siya noon na magbasa ng Bibliya araw-araw. Tinulungan siya ng isang brother na gawin iyon. Nakatulong ito sa kaniya habang nakaditine siya. Sabi niya, “Inaalala ko ang mga halimbawa na napag-aralan ko sa Bibliya at sa ating mga publikasyon. Pinatibay ako nito at tinulungang manatiling masaya at huwag sobrang mag-alala.”
Nananalangin at nagtitiwala tayong patuloy na magiging “kanlungan at lakas” si Jehova para sa ating mga kapatid sa Russia “kapag may mga problema” sila.—Awit 46:1.