NOBYEMBRE 1, 2021 | UPDATED: PEBRERO 7, 2024
RUSSIA
UPDATE—NAKULONG ANG KAPATID | Brother Dmitriy Barmakin—Nananatiling Masaya sa Kabila ng Matagal na Pagkakakulong
Noong Pebrero 6, 2024, pinagtibay ng Primorye Territory Court sa Vladivostok ang naunang hatol kay Brother Dmitriy Barmakin at ipinatupad ang walong-taóng pagkabilanggo na sentensiya sa kaniya. Agad siyang kinuha sa korte at ikinulong.
Noong Agosto 8, 2023, pinaboran ng Primorye Territory Court ang apela ni Brother Dmitriy Barmakin at binaligtad ang naunang hatol sa kaniya. Agad siyang inilabas sa bilangguan. Pero ibinalik sa prosecutor ang kaso niya, at haharap siya sa paglilitis sa ikatlong pagkakataon.
Noong Abril 27, 2023, hinatulan ng Pervorechenskiy District Court of Vladivostok in the Primorye Territory si Dmitriy at sinentensiyahang mabilanggo nang walong taon. Agad siyang ibinilanggo pagkagaling sa korte.
Noong Abril 8, 2022, binaligtad ng Primorye Territory Court ang hatol kay Dmitriy na inosente siya. Muli siyang lilitisin.
Time Line
Noong Nobyembre 22, 2021, pinawalang-sala ng Pervorechenskiy District Court of Vladivostok sa Primorye Territory si Dmitriy. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na pinawalang-sala ng isang korte sa Russia ang isa sa mga Saksi ni Jehova na inaakusahan sa ilalim ng Article 282.2(1) ng Criminal Code ng Russia (tungkol sa pag-oorganisa ng mga gawain ng isang ekstremistang organisasyon). Aalisin ng korte ang lahat ng pagbabawal sa kaniyang mga gawain. Magkakabisa ang hatol sa Disyembre 3, 2021, kung hindi aapela ang prosecutor’s office
Abril 20, 2021
Ipinagpatuloy ang kasong kriminal
Disyembre 18, 2020
Ibinalik ang kasong kriminal sa prosecutor dahil sa kakulangan ng ebidensiya. Hindi nagbago ang pagbabawal sa kaniyang mga gawain
Oktubre 18, 2019
Pagkaraan ng 447 araw, pinalaya si Dmitriy pero hinihigpitan ang mga gawain niya. Pinalawig ng korte ang pretrial detention ni Dmitriy nang 10 beses
Hulyo 28, 2018
Noong 7:00 a.m. ng Hulyo 28, 2018, isang grupo ng armado at nakamaskarang mga lalaki ang pumasok sa apartment nina Dmitriy at Yelena kung saan inaalagaan ni Yelena ang kaniyang 90-taóng-gulang na lola. Sina Dmitriy at Yelena ay dinala pabalik sa lunsod nila, sa Vladivostok, na 177 kilometro ang layo. Inaresto si Dmitriy at agad na inilagay sa pretrial detention
Hulyo 27, 2018
Nagsimula ang kriminal na kaso laban kay Brother Dmitriy Barmakin
Oktubre 2017
Isang 30-taóng-gulang na babae na nagtatrabaho para sa Federal Security Service (FSB) ang nagkunwaring interesado sa Bibliya. Palihim niyang kinunan ng video ang pakikipag-usap niya sa mga kapatid
Profile
Kahit na pinaghiwalay ng bilangguan sina Dmitriy at Yelena, huwaran sila sa pagpapakita ng kagalakan, dahil “ang kagalakang nagmumula kay Jehova ang [kanilang] moog.”—Nehemias 8:10.