Pumunta sa nilalaman

Mula kaliwa pakanan: Sina Brother Ilkham Karimov, Konstantin Matrashov, Vladimir Myakushin, at Aydar Yulmetyev

MAYO 19, 2021
RUSSIA

UPDATE | Nagpapasalamat ang mga Kapatid sa Tatarstan sa Maibiging Tulong ni Jehova Habang Nililitis Sila

UPDATE | Nagpapasalamat ang mga Kapatid sa Tatarstan sa Maibiging Tulong ni Jehova Habang Nililitis Sila

Noong Setyembre 2, 2022, hindi tinanggap ng Korte Suprema ng Republic of Tatarstan ang apela nina Brother Ilkham Karimov, Konstantin Matrashov, Vladimir Myakushin, at Aydar Yulmetyev. Hindi nila kailangang makulong sa ngayon.

Noong Disyembre 16, 2021, hinatulan ng Naberezhnye Chelny City Court ng Republic of Tatarstan sina Ilkham, Konstantin, Vladimir, at Aydar. Sina Ilkham at Konstantin ay tumanggap ng suspended prison sentence na 30 buwan. Si Vladimir ay tumanggap ng suspended prison sentence na 37 buwan at si Aydar naman ng 33 buwan.

Profile

Ilkham Karimov

  • Ipinanganak: 1981 (Jomboy, Uzbekistan)

  • Maikling Impormasyon: Nag-aral para maging isang glassblower. Nagtrabaho para suportahan ang kaniyang pamilya sa Uzbekistan. Nandayuhan sa Russia noong 2000. Isang araw noong 2001, humingi siya ng tulong sa Diyos sa panalangin. Kinabukasan, natagpuan siya ng mga Saksi ni Jehova at nagsimulang mag-Bible study. Nabautismuhan noong 2004. Napangasawa si Yulia noong 2012

Konstantin Matrashov

  • Ipinanganak: 1988 (Prokopyevsk)

  • Maikling Impormasyon: Bata pa siya nang mamatay ang tatay niya. Nagtatrabaho bilang isang mekaniko. Sinusuportahan ang nanay niya, na naging Saksi ni Jehova noong walong taóng gulang siya. Nagustuhan niya ang mensahe ng pag-asa sa Bibliya. Nabautismuhan siya noong 2018

Vladimir Myakushin

  • Ipinanganak: 1987 (Nizhnekamsk)

  • Maikling Impormasyon: Nagtapos sa isang technical school at sa isang engineering academy. Nagtatrabaho bilang isang lead engineer sa isang pagawaan ng electrical equipment ng sasakyan. Nagustuhan niya ang karunungan, malinaw na katotohanan, at lohika sa Bibliya. Nabautismuhan noong 2013. Napangasawa si Svetlana noong 2017

Aydar Yulmetyev

  • Ipinanganak: 1993 (Nizhnekamsk)

  • Maikling Impormasyon: Nag-aral ng musika at automotive mechanics. Isang negosyante at mekaniko. Nag-Bible study nang makita niya kung paano nakatulong sa mga magulang niya ang mga prinsipyo sa Bibliya. Nabautismuhan noong 2012. Napangasawa si Albina noong 2013. Tumangging magsundalo dahil sa kaniyang konsensiya na sinanay sa Bibliya at sa halip, pinili niya ang serbisyong pansibilyan

Kaso

Noong Mayo 27, 2018, ni-raid ng mga pulis sa Tatarstan ang mga bahay ng 10 Saksi ni Jehova at ikinulong sina Ilkham, Konstantin, Vladimir, at Aydar bago pa man litisin. Ang bawat isa sa kanila ay ikinulong nang mahigit 160 araw bago sila i-house arrest.

Hindi na sila naka-house arrest, pero ang bawat isa sa kanila ay isinama sa listahan ng “mga ekstremista” at ipinasiya ng hukuman na hindi sila puwedeng umalis sa lugar nila. Kaya hindi sila maka-withdraw ng pera nila sa bangko at nahihirapan silang humanap ng trabaho.

Noong nakakulong siya bago pa man litisin, sinabi ni Aydar: “Naalala ko ang napakaraming talata sa Bibliya. . . . Tinulungan ako ni Jehova na maalala ang napakaraming bagay na hindi ko maaalala sa ganang sarili ko.”

Nang unang pumasok sa kulungan si Konstantin, ninenerbiyos siya. Pero agad siyang nag-isip ng mga pagkakataon para magpatotoo tungkol sa mga paniniwala niya salig sa Bibliya sa mga opisyal sa korte, guwardiya, ibang bilanggo, pulis, at warden. Sinabi niya: “Mas marami akong pagkakataon na mangaral nang nakakulong ako kaysa noong malaya ako. Gaya ito ng isinulat ni apostol Pablo noong unang siglo sa Filipos 1:12, 13: ‘Ngayon, gusto kong malaman ninyo, mga kapatid, na nakatulong pa sa ikasusulong ng mabuting balita ang sitwasyon ko, dahil nalaman ng mga Guwardiya ng Pretorio at ng lahat ng iba pa na nakagapos ako bilang bilanggo alang-alang kay Kristo.’”

Nagpapasalamat si Vladimir sa mga kapatid na tumulong sa kaniya. Sabi niya: “Nalaman ko sa asawa ko na binigyan siya ng mga kapatid ng pera para may pambili siya at maipadala niya sa akin ang mga groseri. Limitado lang ang makukuha mo sa kulungan kada buwan, at madalas na nauubos ko ang mga suplay ko.”

Sinabi ni Ilkham kung paano lalong tumibay ang kaugnayan niya kay Jehova. Sinabi niya: “Dahil sa pagsubok na ito, naging mas malapít ang kaugnayan ko sa aking Ama sa langit. Lalo akong nagtitiwala at umaasa sa Kaniya. Lalong humaba ang mga panalangin ko kay Jehova, naging mas makabuluhan ito, at mas madalas.”

Alam natin na pagpapalain ang mga kapatid nating ito at ang kanilang mga pamilya dahil nananatili silang “seryoso, at may makadiyos na debosyon” sa mga panahong ito ng pagsubok.—1 Timoteo 2:2.