Pumunta sa nilalaman

Mula kaliwa pakanan: Sina Brother Aleksandr Akopov, Konstantin Samsonov, Shamil Sultanov

HUNYO 2, 2021
RUSSIA

UPDATE | Nagtitiwala kay Jehova Sina Brother Akopov, Samsonov, at Sultanov sa Panahon ng Paglilitis

UPDATE | Nagtitiwala kay Jehova Sina Brother Akopov, Samsonov, at Sultanov sa Panahon ng Paglilitis

Noong Abril 19, 2022, hinatulang nagkasala ng Neftekumskiy District Court ng Stavropol Territory sina Brother Aleksandr Akopov, Konstantin Samsonov, at Shamil Sultanov. Pinatawan sina Aleksandr at Shamil ng multang 500,000 rubles ($6,055 U.S.) bawat isa. Hindi nila ito kailangang bayaran dahil nakulong naman na sila. Si Konstantin naman ay sinentensiyahang mabilanggo nang pito’t kalahating taon. Agad siyang ikinulong.

Profile

Aleksandr Akopov

  • Ipinanganak: 1992 (Neftekumsk)

  • Maikling Impormasyon: Nagtatrabaho sa konstruksiyon kasama ng kaniyang tatay at kuya. Mahilig maglaro ng soccer, basketball, at tennis, magmasid sa kalikasan, at magluto

    Nabautismuhan bilang Saksi ni Jehova noong 2007 sa edad na 14

Konstantin Samsonov

  • Ipinanganak: 1977 (Neftekumsk)

  • Maikling Impormasyon: Mahilig sa chess at sa computer technology noong bata pa siya. Nagtatrabaho ngayon bilang systems engineer sa isang ospital. Siya at ang asawa niyang si Svetlana ay nagpa-Bible study sa mga Saksi ni Jehova noong 1998. Nabautismuhan sila noong 2000. Mayroon silang isang anak na lalaki

Shamil Sultanov

  • Ipinanganak: 1977 (Mahmud-Mekteb, Stavropol Territory)

  • Maikling Impormasyon: Nagmamantini at nagkukumpuni ng mga gusali. Nagpa-Bible study sa mga Saksi ni Jehova noong mga 2000. Nabautismuhan noong 2003. Napangasawa si Elena noong 2004. Pinalaki nila ang anak na lalaki ni Elena sa una nitong asawa

Kaso

Noong Sabado, Agosto 26, 2017, pinaligiran ng armadong mga pulis ang 18 Saksi ni Jehova na nagbabakasyon sa may lawa malapit sa Neftekumsk. Ang grupo, na kinabibilangan ng mga bata at mga may-edad, ay isinakay sa bus papunta sa presinto at pinagtatanong sa loob ng tatlong oras. Pagkatapos, minanmanan ng mga pulis ang maraming kapatid sa Neftekumsk at hinalughog ang kanilang bahay. Sina Aleksandr, Konstantin, at Shamil ay inaresto, at halos isang taon sila sa pretrial detention.

Sinabi ni Aleksandr na takót siyang makulong kasi madali siyang mag-alala at may sakit siya. Nagsumamo siya kay Jehova na bigyan siya ng mental at emosyonal na lakas na matiis ang bilangguan. “Maraming beses kong nasabi kay Jehova na hindi ko na kaya,” sabi ni Aleksandr. “Hindi ako makapaniwala na nakapagtiis ako [nang halos] isang taon sa detention center.” Sinagot ni Jehova ang mga panalangin niya sa pamamagitan ng pagtulong sa kaniya na maalala ang mga teksto sa Bibliya kapag wala siyang Bibliya. Isinulat niya ang lahat ng tekstong naaalala niya. Pagkatapos, nagre-review siya ng isang teksto tuwing umaga at iniisip kung paano ito makakatulong sa sitwasyon niya. Nakatulong ito sa kaniya na mag-isip na gaya ni Jehova.

Lumakas ang loob ni Konstantin dahil sa maraming sulat mula sa asawa niya. Sa isang sulat, sinabi ng asawa niya na isipin niyang parang adventure ang mga pagsubok. “Natawa ako do’n, pero di-nagtagal, mas nakakayanan ko na ang sitwasyon ko,” sabi ni Konstantin.

Sinabi naman ni Shamil na ang unang mga buwan niya sa pretrial detention center ang pinakamahirap. “Mas dumali ito sa paglipas ng panahon,” sabi ni Shamil. “Patunay ito na hindi ako pinabayaan.” Nang panahong iyon, natuto siyang magtiwala kay Jehova at huwag masyadong mag-alala tungkol sa mga pagsubok sa hinaharap.

Bawal magbiyahe ang tatlong brother at hindi sila puwedeng gumamit ng telepono o Internet. Dahil dito, hiráp si Aleksandr na magpagamot, at hamon din ito sa trabaho ni Konstantin bilang computer programmer. Sa kabila ng mga problemang ito, determinadong manatiling tapat sa Diyos ang tatlong brother.

Alam natin na pagpapalain ni Jehova ang mga brother na ito habang patuloy silang nagtitiwala sa kaniya.—Awit 20:7.