ABRIL 21, 2021
RUSSIA
UPDATE | Napanatili ng Limang Brother ang Kagalakan at Lakas ng Loob sa Panahon ng mga Raid at Pag-aresto sa Perm, Russia
Noong Mayo 12, 2022, ibinasura ng Seventh General Jurisdiction Court of Cassation ang ikalawang apela nina Brother Boris Burylov, Aleksandr Inozemtsev, Viktor Kuchkov, Igor Turik, at Yuriy Vaag. Hindi sila mabibilanggo sa ngayon.
Noong Agosto 23, 2021, ibinasura ng Perm Territory Court ang apela nina Boris, Aleksandr, Viktor, Igor, at Yuriy. Mananatili ang orihinal na sentensiya sa kanila.
Noong Mayo 12, 2021, ibinaba ng Industrial District Court ng Lunsod ng Perm ang hatol nito kina Boris Burylov, Aleksandr, Viktor, Igor, at Yuriy. Hinatulan si Igor ng pitong-taóng suspended prison sentence. Dalawa’t kalahating taon naman ang hatol sa apat na brother.
Profile
Boris Burylov
Ipinanganak: 1941 (Sevastopol)
Maikling Impormasyon: Lumaki sa Perm Territory. Nagtapos siya ng agronomy. Noong bata pa siya, binabasa sa kaniya ng nanay niya ang ilang bahagi ng Bibliya. Noong 1990’s, nagkaroon siya ng kumpletong Bibliya. Nabautismuhan bilang Saksi ni Jehova noong 1996
Aleksandr Inozemtsev
Ipinanganak: 1972 (Kostanay)
Maikling Impormasyon: Naglingkod sa army. Nagtrabaho bilang electrician at auto mechanic. Sa ngayon ay nagtatrabaho siya sa building maintenance at nagre-remodel ng mga apartment. Pagkatapos basahin ang Bibliya at magpa-Bible study sa mga Saksi ni Jehova, nalaman niya kung bakit dumaranas ng kawalang-katarungan at kamatayan ang tao. Nabautismuhan siya noong 1996. Napangasawa niya si Olesya noong 2017. Magkasama nilang pinapalaki ang anak na babae ni Olesya. Mahilig magdrowing, maglaro ng hockey, at mag-fishing
Viktor Kuchkov
Ipinanganak: 1967 (Svetlitsa)
Maikling Impormasyon: Mahilig mag-wood carving mula pagkabata. Nagsanay bilang metal processing engineer at nagtrabaho rin bilang design engineer. Mahilig mag-fishing at maglaro ng volleyball. Napangasawa niya si Tanya noong 1988. Mayroon silang isang anak na babae. Interesado siyang matuto tungkol sa Diyos. Nabautismuhan siya bilang Saksi ni Jehova noong 1993
Igor Turik
Ipinanganak: 1968 (Nelidovo)
Maikling Impormasyon: Nagtatrabaho bilang photographer at architectural designer. Nagpa-Bible study sa mga Saksi ni Jehova noong 1990’s. Hangang-hanga na magkakatugma ang iba’t ibang bahagi ng Bibliya. Nabautismuhan siya noong 1998. Nag-asawa siya noong 2002 at may anak na lalaki at babae. Mahilig sa photography, videography, at radio electronics
Yuriy Vaag
Ipinanganak: 1975 (Lesosibirsk)
Maikling Impormasyon: Sinanay bilang crane operator. Nagtatrabaho ngayon bilang electrician at sa building maintenance. Habang naglilingkod sa army, sinabi sa kaniya ng ate niya ang natututuhan nito sa Bibliya. Nang makita niya ang magandang epekto ng Bibliya sa ate niya, nagpa-Bible study siya. Nabautismuhan siya noong 1996. Napangasawa niya si Svetlana noong 1996. Mayroon silang anak na lalaki at babae
Kaso
Noong Setyembre 17, 2018, ni-raid ng Federal Security Service (FSB) at ng iba pang sundalo ang Perm Territory. Di-kukulangin sa 10 bahay ng ating mga kapatid ang hinalughog. Kinuha ng mga opisyal ang pera, mga cellphone, at iba pang gadyet. Sina Viktor at Igor ay idinitine nang ilang araw at naka-house arrest nang halos apat na buwan. Lahat sila ay nasa ilalim ng iba’t ibang recognizance agreement. Idinagdag ang mga pangalan nila sa listahan ng mga “ekstremista” sa Russia.
Ang bawat isa sa mga brother na ito ay patuloy na nagpapakita ng lakas ng loob at kagalakan sa kabila ng mga problema.
Sinabi ni Yuriy na mas madalas siyang manalangin kay Jehova ngayon. Regular din niyang binubulay-bulay kung paano siya tinutulungan at pinapatibay ni Jehova. Sabi niya: “Nakatulong sa akin ang Josue 1:7 para maging kalmado. Ito ang pumatnubay sa akin. Damang-dama ko ang tulong at pangangalaga ni Jehova.”
Ayon kay Viktor, nanatili siyang kalmado noong panahon ng paglilitis dahil binubulay-bulay niya ang tungkol sa organisasyon ni Jehova. Sinabi niya: “Ini-imagine ko ang kadakilaan ni Jehova, ang nakikita at di-nakikitang bahagi ng organisasyon niya, ang mga kapatid sa lahat ng bansa, ang gawaing pangangaral sa buong mundo, at ang katotohanan—kung gaano ito kaganda at kalinaw. Dahil do’n, naiiwasan kong magpokus sa sarili ko. Pagkatapos, kumakalma na ako.”
Pag-uwi ng bahay, naalala ni Igor ang ilang nakakatawang karanasan niya. Sabi niya: “Noong nasa bilangguan ako, nagdrowing ang anak kong babae ng bagong sanlibutan para patibayin ako. Ayaw iyon ibigay sa akin ng mga opisyal sa bilangguan. Ikinuwento ng asawa ko na matagal na tiningnan ng opisyal ang drowing bago iyon ibinalik sa kaniya, saka sinabi: ‘Hindi namin ito matatanggap. Parang plano ito para makatakas.’” Dagdag pa ni Igor: “Totoo naman iyon. Ang bagong sanlibutan ang paraan [natin] para ‘makatakas’ mula sa masamang sistemang ito!”
Nagtitiwala tayo na patuloy na gagamitin ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu para tulungan ang mga brother na ito at ang kanilang mga pamilya. Alam natin na laging ilalaan ni Jehova ang lakas na kailangan nila.—Efeso 3:20.