PEBRERO 26, 2021
RUSSIA
UPDATE | Pagkatapos ng Pitong Buwan sa Pretrial Detention, Hinihintay ng Tatlong Brother ang Desisyon ng Korte
Noong Marso 18, 2022, ibinasura ng Volgograd Regional Court ang apela nina Brother Sergey Melnik, Valeriy Rogozin, at Igor Yegozaryan. Nakabilanggo pa rin ang tatlong brother.
Noong Setyembre 23, 2021, ang tatlong brother ay hinatulang nagkasala ng Volgograd Traktorozavodsky District Court. Sina Brother Yegozaryan at Melnik ay sinentensiyahang makulong nang anim na taon, at si Brother Rogozin naman ay anim na taon at limang buwan.
Profile
Sergey Melnik
Ipinanganak: 1972 (Volgograd, Volgograd Region)
Maikling Impormasyon: Nagtapos sa vocational technical school bilang mekaniko. Kasalukuyang nagtatrabaho bilang tagagawa ng bubong. Napangasawa si Anna noong 1993. May tatlo silang anak na lalaki. Mahilig mag-hiking at mamasyal nang sama-sama ang pamilya
Si Anna ang unang nagpa-Bible study sa mga Saksi ni Jehova. Nang makita ni Sergey ang magagandang pagbabago ni Anna, nag-study na rin siya. Nabautismuhan siya noong 1999
Valeriy Rogozin
Ipinanganak: 1962 (Krasnokamsk, Perm Region)
Maikling Impormasyon: Naging military pilot nang 12 taon bago nagretiro at nagtrabaho bilang design engineer. Napangasawa si Marina noong 1984. May dalawa silang anak na lalaki
Nagpa-Bible study siya noong mga unang taon ng 1990’s. Nabautismuhan noong 1998
Igor Yegozaryan
Ipinanganak: 1965 (Volgograd, Volgograd Region)
Maikling Impormasyon: Isang sapatero at electrician. Mahilig sa musika mula pagkabata. Tumutugtog ng gitara. Napangasawa si Yevgeniya noong 2002. May isa silang anak na lalaki
Nalaman ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos mula sa nanay niya. Hangang-hanga sa pagiging makatuwiran at simple ng katotohanan sa Bibliya. Nabautismuhan noong 1992
Kaso
Noong Mayo 16, 2019, ni-raid ng mga pulis at mga opisyal ng Federal Security Service (FSB) ang pitong bahay sa Volgograd Region ng Russia. Pagkalipas ng dalawang araw, ipinag-utos ng central district court judge na ilagay sa pretrial detention sina Brother Melnik, Rogozin, at Yegozaryan. Nanatili doon nang pitong buwan ang tatlong brother.
Kasama na ng tatlong brother ang kani-kanilang pamilya, pero marami silang naging problema habang hinihintay ang desisyon ng korte. Halimbawa, si Valeriy ay isinama sa listahan ng Federal Financial Monitoring Service of the Russian Federation. “Hindi ko magamit ang pera ko sa bangko,” sabi ni Valeriy, “at bawal din akong gumamit ng telepono at Internet. Nasesante ako kasi kailangan ko y’ong dalawang ’yon sa trabaho ko.” Ginagamit na lang nilang mag-asawa ang pensiyon nila para sa mga pangangailangan nila sa araw-araw. Kinailangan nilang pasimplehin nang husto ang buhay nila.
May mga restriksiyon ding ibinigay ang korte kina Sergey at Igor kaya hiráp silang makahanap ng trabaho. Naaapektuhan ang oras ng pagtatrabaho ni Sergey dahil sa madalas na mga pagdinig sa korte. Sinabi niya: “Trabaho ko ang paggawa ng bubong, kaya mga mabilisan lang na trabaho ang puwede kong tanggapin para matapos ko iyon kapag pahinga sa pagitan ng mga pagdinig.”
May sakit si Igor kaya kailangan niyang madalas na magpunta sa ospital. Sinabi niya: “Dahil sa mga akusasyon sa akin, hindi ako makakuha ng trabaho.” Kahit na may sakit siya at may problema sa pinansiyal, sinabi niya: “Binigyan kami ni Jehova ng isang malaking espirituwal na pamilya na laging nakaalalay sa amin sa mahirap na panahong ito.”
Nakakaranas ng matinding pinansiyal na problema ang mga kapatid natin dahil sa mga restriksiyon sa kanila. Alam nating patuloy na maninindigan ang lahat ng ating kapatid sa Russia dahil nagtitiwala silang ilalaan ni Jehova ang lahat ng kailangan nila.—Mateo 6:33.