Pumunta sa nilalaman

Si Brother Roman Baranovskiy at ang nanay niyang si Sister Valentina Baranovskaya

ENERO 29, 2021
RUSSIA

UPDATE | Si Brother Roman Baranovskiy at ang Kaniyang Nanay na si Sister Valentina Baranovskaya, Napapaharap sa Kasong Kriminal sa Russia

UPDATE | Si Brother Roman Baranovskiy at ang Kaniyang Nanay na si Sister Valentina Baranovskaya, Napapaharap sa Kasong Kriminal sa Russia

Noong Mayo 4, 2022, nagdesisyon ang appeals court sa Khakassia na palayain ang 71-anyos na si Sister Valentina Baranovskaya mula sa bilangguan. Ibinasura ng korte ang reklamong isinampa ng prosecutor na nagtangkang hadlangan ang paglaya ni Valentina. Mahigit isang taóng nakabilanggo si Valentina. Nakabilanggo pa rin ang anak niyang si Roman, dahil sa pananampalataya nito.

Noong Marso 4, 2022, umapela ang prosecutor’s office laban sa desisyon ng Ust-Abakan District Court na palayain si Valentina dahil sa parole. Ayon sa prosecutor, hindi dapat palayain nang maaga si Valentina dahil siya ay “hindi nagsisisi sa krimen niya.” Mananatiling nakabilanggo si Valentina hanggang sa madinig na ang apela ng prosecutor.

Noong Mayo 24, 2021, ibinasura ng Korte Suprema ng Republic of Khakassia, Russia, ang apela ni Brother Roman Baranovskiy at ng 70-anyos niyang ina na si Valentina. Mananatili silang nakabilanggo. Kinumpirma din ng korte na may karagdagang mga restriksiyon na ipapataw sa kanila paglaya nila sa hinaharap.

Noong Pebrero 24, 2021, sinentensiyahan ng Abakan City Court ng Republic of Khakassia si Roman na mabilanggo nang anim na taon. Sinentensiyahan din nito ang ina ni Roman na si Valentina na mabilanggo nang dalawang taon. Si Valentina ang unang sister sa Russia na nasentensiyahang mabilanggo dahil sa pananampalataya. Si Valentina ay 70 anyos na sa Abril 2021. Na-stroke siya noong Hulyo 2020. Nang ibaba ang hatol, dinala sila sa kulungan.

Profile

Roman Baranovskiy

  • Ipinanganak: 1974 (Balakovo, Saratov Region)

  • Maikling Impormasyon: Nagre-renovate ng mga bahay para masuportahan ang sarili at ang kaniyang nanay. Mahilig maggitara at maglaro ng chess at soccer

    Noong kabataan pa siya, iniisip niya kung ano ang layunin ng buhay. Sabi niya, “Kung minsan, hinihiling ko sa Diyos na ituro sa akin ang tamang daan.” Noong 1993, nagpa-Bible study siya sa mga Saksi ni Jehova. Nabautismuhan noong 1997

Valentina Baranovskaya

  • Ipinanganak: 1951 (Vannovka, Kazakhstan)

  • Maikling Impormasyon: Nagtrabaho bilang accountant at financial planner hanggang sa magretiro noong 2006. Mahilig magluto at sumulat ng mga kanta at tula

    Noong 1995, nagpa-Bible study siya sa mga Saksi ni Jehova kasama ang anak niya. Gustong-gusto niya ang natutuhan niya na hindi makakapagsinungaling ang Diyos. Nabautismuhan noong 1996

Kaso

Noong gabi ng Abril 10, 2019, ni-raid ng armadong mga pulis ng Abakan ang apat na bahay, kasama na ang bahay ni Brother Roman Baranovskiy at ng nanay niyang si Valentina. Kinumpiska ng mga pulis ang kanilang mga Bibliya, gadyet, at personal na mga dokumento. Sinampahan sina Roman at Valentina ng kasong kriminal.

“Nang mangyari y’ong raid,” sabi ni Roman, “midweek meeting namin at katatalakay lang namin sa 1 Corinto 10:13. May magandang itinuturo ang tekstong iyon—hindi si Jehova ang pumipili kung anong pagsubok ang mararanasan natin . . . Hindi niya sinasabi: ‘Malakas ka; kaya mo ang pagsubok na ’to. Pero ikaw, mas mahina ka, kaya ito ang mas madaling pagsubok para sa iyo.’ Dahil kung ganoon, kailangan nating umasa sa sarili nating lakas. Puwedeng makaranas ng iba’t ibang pagsubok ang kahit sino sa atin. Pero kung aasa tayo sa lakas ni Jehova, matitiis nating lahat ang pagsubok.”

Noong Hulyo 2020, na-stroke si Valentina. Sinabi niya: “Habang mas humihina ang kalusugan ko, mas nadarama ko ang tulong ni Jehova. Para niya akong niyayakap tuwing nananalangin ako sa kaniya. Talagang napapanatag ako at hindi na ako nag-aalala.”

Napalakas si Valentina ng mga naranasan niya kaya nasabi niya: “Determinado akong paglingkuran ang ating Ama magpakailanman at manatiling tapat sa kaniya anuman ang mangyari sa akin.”

Sinabi ni Roman na dahil sa pagbubulay-bulay sa mga halimbawa ng mga nakapagtiis noong panahon ng Bibliya at sa panahon natin, lalong tumibay ang pananampalataya niya. Tinatanong niya ang sarili niya: ‘Ano ang mga naranasan nila at bakit? Ano ang nakatulong sa kanila na manatiling tapat? Paano nakatulong sa kanila ang banal na espiritu ni Jehova?’ Nakatulong ang sagot sa mga tanong na iyon para maging kumbinsido siya na anumang pagsubok ang dumating, “magbibigay si Jehova ng lakas na higit sa karaniwan kung kailangan.”

Ipinapanalangin natin na sina Roman, Valentina, at lahat ng mahal nating kapatid sa Russia ay patuloy na umasa kay Jehova bilang kanilang kanlungan at lakas.—Awit 46:1.