ABRIL 30, 2021
RUSSIA
Umaasa kay Jehova ang Sister na 73 Anyos at May Kapansanan Habang Hinihintay ang Hatol sa Kaniya
UPDATE | Hindi Tinanggap ng Korte sa Russia ang Apela
Noong Agosto 25, 2021, hindi tinanggap ng Primorye Territory Court ang apela ni Sister Lyudmila Shut. Mananatili ang orihinal na sentensiya sa kaniya. Hindi niya kailangang makulong sa ngayon.
Noong Mayo 19, 2021, hinatulan ng Nadezhdinskiy District Court ng Primorye Territory ang 73-anyos na si Sister Lyudmila Shut ng apat-na-taóng suspended prison sentence.
Profile
Lyudmila Shut
Ipinanganak: 1947 (Makarov, Sakhalin Island)
Maikling Impormasyon: Noong mga taóng 2000, nakipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Humanga sa mga hula sa Bibliya. Nabautismuhan noong 2003, at namatayan ng asawa nang taon ding iyon. May tatlong anak at tatlong apo. May malala siyang mga sakit kaya hindi siya nakakapaglakad nang mag-isa
Kaso
Noong Nobyembre 2017, sinimulang i-monitor ng mga awtoridad ang mga Saksi ni Jehova sa bayan ng Razdolnoye. Noong Pebrero 2020, nagsampa ng kasong kriminal ang mga awtoridad laban kay Sister Lyudmila Shut. Kahit matanda na at may sakit, pinagbawalan siyang umalis sa lugar nila.
Dahil sa paglilitis, lalo pang lumala ang sakit ni Sister Lyudmila at kung minsan, pinanghihinaan siya ng loob. Lumabo rin nang husto ang paningin niya kaya kailangan na siyang operahan. At ngayon, mayroon na rin siyang insomnia. Naniniwala si Sister Lyudmila na tinutulungan siya ni Jehova kasi umaasa siya sa Kaniya. Gaya ng pangako sa Isaias 26:3, ‘patuloy siyang binibigyan ni Jehova ng kapayapaan.’
Mahal na mahal ng mga kapatid si Lyudmila at tinutulungan nila siya. Talagang napapatibay siya kasi alam niyang ipinapanalangin siya ng mga kapatid. “Hinding-hindi ko ito makakalimutan,” ang sabi niya.
Sinusuportahan din siya ng anak niyang lalaki at bunsong babae sa mahirap na sitwasyong ito, kahit hindi sila mga Saksi ni Jehova.
Habang hinihintay ang hatol, ipinapanalangin natin na si Sister Shut ay patuloy na ‘umasa sa kapangyarihan ng Diyos.’—2 Timoteo 1:8.