Pumunta sa nilalaman

Sina Brother at Sister Polyakov (kaliwa), at sina Sister Bektemirova (kanan sa itaas) at Dyusekeyeva (kanan sa ibaba)

SETYEMBRE 25, 2020
RUSSIA

Unang Mag-asawang Ibinilanggo Bago Litisin sa Russia, Pati na ang Dalawang Sister, Puwedeng Mahatulan na mga Kriminal

Unang Mag-asawang Ibinilanggo Bago Litisin sa Russia, Pati na ang Dalawang Sister, Puwedeng Mahatulan na mga Kriminal

Iskedyul ng Paghatol

Sa Oktubre 21, 2020, * ibababa ng Pervomayskiy District Court ng City of Omsk ang hatol nito kay Brother Sergey Polyakov at sa asawa niyang si Anastasia, pati na kina Sister Gaukhar Bektemirova at Dinara Dyusekeyeva. Hiniling ng prosecutor sa korte na masentensiyahan si Brother Polyakov ng anim-at-kalahating-taóng pagkabilanggo. Ang tatlong sister naman ay napapaharap sa dalawang-taóng probation.

Profile

Sergey Polyakov

  • Ipinanganak: 1972 (Murmansk Region)

  • Maikling Impormasyon: Nagtapos ng kolehiyo at naging radiophysicist. Pinakasalan si Anastasia noong 2003

Anastasia Polyakova

  • Ipinanganak: 1984 (Murmansk Region)

  • Maikling Impormasyon: Nag-aral ng law sa college. Marami silang alam ni Sergey na mga wika gaya ng Chinese, Kazakh, Russian Sign Language, at Serbian

Gaukhar Bektemirova

  • Ipinanganak: 1976 (Uryl, Kazakhstan)

  • Maikling Impormasyon: Bunso sa anim na magkakapatid. Lumaki sa kabundukan ng Kazakhstan at mahilig sa kalikasan. Matagal na niyang pinag-iisipan kung ano ang kahulugan ng buhay. Nakita niya ang mga sagot sa Bibliya. Dahil sa pag-aaral niya ng Salita ng Diyos, nagkaroon siya ng lakas na kailangan para makayanan ang di-makatarungang pagkabilanggo

Dinara Dyusekeyeva

  • Ipinanganak: 1982 (Leningradskoye, Kazakhstan)

  • Maikling Impormasyon: Noong bata pa siya, pinag-iisipan na niya ang kahulugan ng buhay. Nag-aral siya ng Bibliya noong 17-anyos siya. Pinahalagahan niya ang karunungan na nasa Bibliya at gustong-gusto niyang pag-aralan ang tungkol sa Awtor nito, si Jehova. Mahilig mag-basketball, mag-volleyball, tumakbo, at magbisikleta

Kaso

Noong gabi ng Hulyo 4, 2018, habang natutulog si Brother Polyakov at ang asawa niyang si Anastasia, pinasok ng mga pulis ang apartment nila. Binugbog si Brother Polyakov ng mga pulis na may takip sa mukha. Inaresto sila at dinala sa pretrial detention center. Sila ang unang mag-asawang ibinilanggo mula nang ipatupad ang desisyon ng Supreme Court noong 2017 na ipagbawal ang mga gawain ng mga Saksi ni Jehova. Magkahiwalay na ibinilanggo ang mag-asawang Polyakov nang limang buwan. Pagkatapos, tatlong buwan silang naka-house arrest.

Noong Mayo 2019, ilegal na ni-raid ng mga pulis ang mga bahay ng mga Saksi ni Jehova sa Omsk Region. Dahil dito, inaresto sina Sister Bektemirova at Dyusekeyeva. Isinama ang kaso nila sa kaso ng mag-asawang Polyakov. Nagsimula ang paglilitis noong Abril 1, 2020.

Nagtitiwala tayo na bibigyan sila ni Jehova ng lakas na kailangan para makayanan ang nararanasan nilang kawalang-katarungan.—Efeso 3:20.

^ Posible pang magbago