Pumunta sa nilalaman

DISYEMBRE 19, 2016
RUSSIA

Katarungan ang Hiling ng mga Saksi ni Jehova sa Apela Laban sa Babala

Katarungan ang Hiling ng mga Saksi ni Jehova sa Apela Laban sa Babala

Iniskedyul ng Moscow City Court na idaos ang hearing para sa apela ng mga Saksi ni Jehova sa Russia laban sa pagiging legal ng babalang ipasasara ang kanilang Administrative Center. Sa Enero 16, 2017, 11:10 a.m., Moscow Standard Time, pakikinggan ng hukuman ang apela at malamang na ibababa ang kanilang desisyon sa araw ding iyon.

Sinisikap ng mga Saksi na patunayang ang mga akusasyon na sangkot sila sa “ekstremistang gawain” ay salig sa inimbentong ebidensiya at di-totoong testimonyo na ginawa ng lokal na mga awtoridad para palabasing labag sa batas ang pagsamba ng mga Saksi. Sa pagdinig noong Oktubre 12, 2016, hindi tinanggap ni Judge M. S. Moskalenko ng Tverskoy District Court sa Moscow ang testimonyo o video na nagpapatunay na ilegal ang mga pagkilos ng ilang awtoridad.

Sinabi ng international human rights lawyer na si James Andrik: “Anuman ang mangyari, mahalaga ang desisyong ito. Kung ibabasura ng Moscow City Court ang apela, puwedeng ituloy na ng Prosecutor General’s Office ang banta nito sa Administrative Center. Maaaring na nitong ipasara at buwagin ang Administrative Center at patuloy pang pag-initan ang komunidad ng mga Saksi ni Jehova at higpitan ang kanilang pagsamba sa buong Russia. Kung kakatigan naman ng hukuman ang apela, napakalaking tagumpay nito para sa katarungan.”