MARSO 3, 2014
RUSSIA
Appellate Court ng Russia Tumangging Ipagbawal ang JW.ORG
Noong Enero 22, 2014, binaligtad ng panel na binubuo ng tatlong hukom ng Tver Regional Court ang naging desisyon ng mababang hukuman na ipagbawal ang jw.org, ang opisyal na website ng mga Saksi ni Jehova. * Di-gaya ng ibang mga desisyon ng mga korte sa Russia nitong nakalipas na mga taon, sumunod sa batas ang Regional Court at binigo ang pagpupursigi ng prosecutor na ipagbawal ang website.
Ang pangha-harass at pang-uusig ng pamahalaan sa mga Saksi ni Jehova sa Russia ay lalo pang lumala noong Agosto 7, 2013, nang ipasiya ng mababang hukuman ng Tver (na mga 160 kilometro sa hilagang-kanluran ng Moscow) na ipagbawal ang jw.org. Ang pagdinig na ito ay tumagal lang nang 25 minuto. Hindi man lang ipinaalám sa mga kinatawan ng mga Saksi ni Jehova na magkakaroon ng pagdinig at hindi rin sila binigyan ng pagkakataong pabulaanan ang mga paratang ng prosecutor at iharap ang kanilang depensa sa korte. Nalaman lang ng mga Saksi ni Jehova ang pagbabawal na ito mula sa report ng media, ilang oras na lang bago matapos ang deadline ng pagpa-file ng apela noong Setyembre 12, 2013. Kaagad silang umapela sa Tver Regional Court.
Nang dinggin ang apela noong Enero 22, 2014, kinilala ng Regional Court na nilabag ang mga karapatan ng may-ari ng website, ang Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., at iniutos nito na magkaroon ng panibagong paglilitis para mapakinggan ang magkabilang panig. Ang prosecutor, na suportado ng mga kinatawan ng Ministry of Justice at ng Ministry of Interior, ay humiling sa korte na ideklarang “ekstremista” ang website at ipagbawal ito sa buong Russia. Pero ibinasura ng Regional Court ang mga argumento ng prosecutor.
Nagsimula ang kampanya ng pangha-harass—pilipit na ikinapit ang extremism law para higpitan ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Simula noong 2009, ginamit ng mga awtoridad sa Russia ang malabong pananalita ng Federal Law on Combating Extremist Activity para patindihin ang pangha-harass nila sa mga Saksi ni Jehova—mula sa pailan-ilang kaso hanggang sa maging pambansang kampanya laban sa kanila. Pilipit na ikinapit ng mga awtoridad ang extremism law para bigyang-katuwiran ang:
pagkukulong sa mahigit 1,600 Saksi ni Jehova;
pagbabawal sa 70 relihiyosong publikasyon nila;
paghahalughog sa 171 tahanan at mga gusali para sa pagsamba; at
paggambala o pagpapatigil sa 69 na relihiyosong pagtitipon.
Sa kasong ito sa Tver, iminungkahi ng prosecutor na ipagbawal ang jw.org dahil sa anim na diumano’y ‘ekstremistang’ publikasyong nasa website. Ginamit ng Tsentralniy District Court ng Tver ang extremism law bilang basehan ng desisyon nito noong Agosto 7, 2013, na ipagbawal ang jw.org at isama ito sa Federal List of Extremist Materials.
Ang desisyong ito ay malinaw na di-kaayon ng tunguhin nito dahil hindi man lang ito nagbigay ng anumang alternatibo—halimbawa, ang pag-aalis ng diumano’y ‘ekstremistang’ mga publikasyon mula sa website. Nang malaman ng Regional Court na inalis na ng may-ari ang lahat ng diumano’y ‘ekstremistang’ mga publikasyon sa jw.org sa Russia, agad itong nagpasiya na walang legal na basehan para ipagbawal ang website. Pinal na ang desisyon, bagaman may anim na buwan pa ang prosecutor para umapela sa korte. Pero nasa desisyon ng korte kung didinigin nila ang apela.
Ang desisyon ba ng Tver Regional Court ay pahiwatig ng magagandang bagay na mangyayari?
Marami pang nakabinbing kaso. Ang patas na pagsusuri at hatol ng Tver Regional Court ay kabaligtaran ng paghihigpit sa mga Saksi ni Jehova na ginagawa ng ibang mga korte sa Russia. Ilang ulit nang kinondena ng European Court of Human Rights (ECHR) ang Russia dahil sa mga paglabag nito may kinalaman sa kalayaan sa relihiyon ng mga Saksi. Sa halip na ipatupad ang mga hatol ng ECHR, lalo pang dumami ang paglabag ng Russia sa karapatang-pantao. Para ipaglaban ang kanilang kalayaan sa pagsamba, 23 aplikasyon pa ng mga Saksi ni Jehova laban sa Russia ang nakabinbin sa ECHR.
Ang desisyon ba ng Tver Regional Court ay pahiwatig ng magagandang bagay na mangyayari? Tututukan ng mga Saksi ni Jehova ang reaksiyon ng Russia sa desisyong ito at sa susunod pang mga desisyon ng ECHR.
^ par. 2 Kung ipinagbawal ng korte sa Russia ang jw.org, iba-block ang access dito. Makakasuhan din ang sinumang mag-promote sa website na ito.