MAYO 31, 2018
RUSSIA
Isa Pang Saksi ni Jehova ang Nililitis sa Russia Salig sa Paratang na Ekstremistang Gawain
Si Arkadya Akopyan, isang 70-anyos na retiradong mananahi at Saksi ni Jehova, ay isang taon nang nililitis salig sa paratang na ekstremistang gawain. Kapag nahatulan, papatawan siya ng malaking multa o makukulong nang hanggang apat na taon.
Sinasabi ng tagausig na si Mr. Akopyan ay nagkasala ng “panunulsol ng pagkakapootan sa relihiyon” batay sa isang relihiyosong sermon na ibinigay niya sa isang lokal na Kingdom Hall na regular niyang dinadaluhan nang maraming taon. Sa korte, umasa ang tagausig sa bulaang testimonya ng anim na indibidwal na hindi mga Saksi ni Jehova. Iginigiit nilang nagsabi raw si Mr. Akopyan sa kaniyang sermon ng pananalitang mapanirang-puri at na nagbigay siya sa kanila ng “ekstremistang” mga literatura para ipamahagi sa iba.
Itinanggi ni Mr. Akopyan at ng mga nakakakilala sa kaniya ang mga akusasyon. Nagharap ang abogado ni Mr. Akopyan ng ebidensiya na ang anim na indibidwal na nagparatang sa kaniya ay wala sa paligid ng building kung saan inaangkin nilang sinabi ni Mr. Akopyan ang mga pananalitang iyon. Karagdagan pa, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi basta-basta nagbibigay ng relihiyosong literatura sa mga di-Saksi para ipamahagi ng mga ito. Ang asawa ni Mr. Akopyan, si Sonya, na hindi Saksi ni Jehova, ay nagsabi sa korte noong pagtatanungin siya na masaya ang kanilang 40-taóng pagsasama at na hindi pinipilit ng asawa niya ang sinumang kamag-anak nila na maging Saksi ni Jehova.
Nag-utos si Judge Oleg Golovashko ng isang ekspertong pag-aaral para suriin ang mga sinabi ni Mr. Akopyan sa kaniyang sermon, nang sa gayo’y makita kung talaga bang ‘nanulsol siya ng pagkakapootan sa relihiyon.’ Sa kamakailang pagdinig kay Mr. Akopyan noong Mayo 15, 2018, sinabi ng judge na makukumpleto ang ekspertong pag-aaral sa Setyembre 2018, pero ipagpapatuloy pa rin niya ang paglilitis kay Mr. Akopyan. Nakaiskedyul sa Hunyo 5 ang susunod na pagdinig, kung saan tatanungin si Mr. Akopyan. Bagaman hindi ikinulong si Mr. Akopyan, pinagbawalan naman siyang maglakbay mula pa noong litisin siya noong Mayo 2017 sa Prokhladny District Court.
Sinabi ni Gregory Allen, Associate General Counsel para sa mga Saksi ni Jehova: “Si Mr. Akopyan ay isa lang sa mga biktima ng maling paggamit ng Russia sa batas nito tungkol sa ekstremismo laban sa mga Saksi ni Jehova. Siya ay inosente, masunurin sa batas, at gusto lang niyang sambahin ang Diyos nang mapayapa. Ang maling pagpuntirya ng gobyerno sa mga Saksi ni Jehova ay nagpapahirap sa mga Saksi at sumisira sa kayarian ng lipunan ng bansang ito.”
Si Mr. Akopyan ang pangalawang Saksi sa Russia na di-makatarungang nilitis dahil sa “ekstremistang gawain.” Noong Pebrero 2018, nagsimula ang paglilitis kay Dennis Christensen, isang Saksi sa Oryol. Isang taon na siyang nakakulong bago pa litisin at maaari pang makulong nang hanggang 10 taon kapag nahatulan. * Sa iba’t ibang rehiyon ng Russia, may pito pang Saksi na nakakulong pero hindi pormal na idinedemanda.
^ par. 7 Pareho silang kinasuhan sa ilalim ng Criminal Code pero sa magkaibang artikulo. Si Mr. Akopyan ay kinasuhan sa ilalim ng Article 282(1) dahil sa diumano’y panunulsol ng pagkakapootan sa relihiyon. Si Dennis Christensen naman ay kinasuhan ng paglabag sa Article 282.2(1) ng Criminal Code dahil sa diumano’y pag-oorganisa ng gawain ng isang relihiyon na idineklarang ekstremista. Mas mabigat ang hatol sa kasong ito.